Kung Hindi Lang Din Naman

9 0 0
                                    

(Photo credit from The New York Times)

“Punyeta.” – Iyan ang mahinang sambit ni Adah habang binabasa ang dyaryo ng kanilang kompanya. Kasabay nito ay ang muling pagsindi ng isang stick ng Marlboro Blue na kasangga na niya simula pa noong siya ay nasa sekondarya. Padabog niyang itinaas ang kanyang mga paa sa kanyang mesa at dali-daling hinithit ang yosi na kanina pang nakasindi sa kanyang kamay. Nakataas ang kanyang kilay na kakulay ng biko. Tuloy pa rin ang kanyang paninigarilyo at ‘di namalayang nakaka-ubos na pala siya ng limang piraso nito. Tuloy ang kanyang pagbabasa at isang ‘punyeta’ na naman ang kanyang isinambit. “Good morning, Adah.” Tila isang romantikong nanlalandi ang tono ni Erwin na matagal nang may gusto sa dalaga. Isang 180 degrees na ikot ng mga mata ni Adah ang natanggap nito. “Ang aga mo namang mainis, Adah? Kita mo ‘to, naka-limang blue agad,” sambit ni Erwin na agad na hinablot ang dyaryong binabasa ni ng dalaga. “Sino ba namang hindi maiinis kung ganyang balita na naman ang headline? ‘Tangina, halos magdadalawang-linggo na ‘yang balita. Nakaka-intriga,” ani Adah na halatang-halata na ang pagkainis sa mukha. Magsisindi pa sana siya ng isa pang sigarilyo nang biglang tawagin siya ng kanyang editor-in-chief na tila ba’y aburido kahit umaga pa lamang.

“Magandang umaga po Sir Anthony. Ano po ang sasabihin ninyo?” Nang paupo na sana si Adah ay agad namang nagsalita si Sir Anthony. “Huwag ka nang umupo, mabilis lang ‘to,” at pagkatapos noon ay muli na namang umirap ang mga mata ni Adah. “Nabasa mo ang dyaryo, ‘di ba? Gamitin natin ‘yang inis at pagka-intriga mo sa isyu. Simula ngayon, ikaw na ang susulat ng balita tungkol diyan sa mga nagaganap na pagpatay. Kailangang makakuha tayo ng magandang scoop. Magaling ka, ‘di ba?” Tila sarkastico ang tono ng kanilang EIC, dahil una pa lamang ay hindi na nito nakasundo si Adah simula nang makalaban niya ito sa pwesto noong nakaraang taon. “Ah chief, bakit po ako?”, nagtatakang tanong ni Adah, habang pinapaalala sa kay Sir Anthony na sa Malacañang ito nakatalagang magbalita. “Alam ko, at wala akong pakialam doon. Ano tatanggapin mo ba, ha?” Ramdam na ni Adah ang galit sa tono ni Sir Anthony kung kaya’t kahit nauutal at hindi sigurado ay pumayag ito.

“Punyeta talaga oh.”

______________________________________________

“Tatlong inhinyero, natagpuang patay sa isang open site sa Guinayangan, Quezon. Sila ay sina Engr. Anton dela Vega, Engr. Leo Alfonso, at Engr. Enrico Valdez. Ayos sa autopsy, sila ay namatay sanhi ng ‘suffocation’ at may mga marka ng lubid sa katawan, na ayon sa mga pulis ay maaaring itinali ang mga ito bago pinatay. Namumula rin ang kanilang mga mata nang sila ay marekober ng SOCO.  Ito na ang ika-apat na insidente ng ganitong pagpatay. Iniimbestigahan na ito ng NBI ngayon.”

Habang nagwawalis sa bakuran ay narinig ni Ka Asiong ang balitang ‘yan mula sa kanyang de-bateryang radyo. Ngumisi lamang ito at umiling. Si Ka Asiong ay matagal nang naninirahan sa Guinayangan. Dito na siya isinilang at magmula bata ay eksperto na ito sa pagtatanim ng kopra. Siya’y mabilis mong makikilala sapagkat siya’y balinkinitan, walang ibang kulay na isinusuot kundi pula, laging nakatali sa baywang ang malaking tabak at panaling lubid. Tuwing alas tres ng hapon ay dumarayo siya sa bayan upang ibenta ang mga uling na gawa sa tirang mga kopra, at sa kanyang paglalakad ay nakasalubong niya si Adah na tila nawawala na. Walang ano-ano’y nilapitan siya ni Adah at nagtanong. “Magandang araw ho, maaari po bang magtanong?”, magalang na sambit nito sa matanda. “Oo naman hija, ano iyon?” “May maaari po bang matuluyan dito sa lugar na ito? Mukhang uulan na ho kasi at sa tingin ko po ay naliligaw na ako,” nangangambang sagot naman ng dalaga. “Nako, buti na lamang at nakasalubong mo ako hija! Pasalamat ka at may isang bakanteng kwarto sa aking kubo. Maaari kang manatili roon.” Agad na napalitan ng abot taingang ngiti ang kaninang nawawalang hitsura ni Adah. Sa wakas, may matutuluyan na siya. Isang peryodistang nawawala? Gandang scoop, ‘di ba?
“Maraming salamat po ginoong?”

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 02, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Kung Hindi Lang Din NamanWhere stories live. Discover now