Warning: there might be some grammatical errors:)
Hindi ko alam ang gagawin ko.
"Bakit ganito ang grade mo?"
Nakatulala lang ako sa isang electric fan sa likod ng nanay ko habang hinahayaan na pumasok at lumabas din agad sa tenga ko ang sinasabi niya.
"Bakit bumaba? Ito na nga lang ang kailangan mo gawin. Mag-aaral ka na lang, di ka naman pinag tatrabaho tapos ganito pa?..."
Kahit paulit-ulit akong tanungin tungkol sa grado ko, hindi ako umiimik.
Sa mga ganitong sitwasyon natanto ko na mas maayos na wag na lang sumagot.
Pag sumagot ako at sinubukang ipaliwanag ang sarili ko baka sabihing wala akong respeto dahil sumasagot ako pabalik.
"Ewan ko sayong bata ka ha. Ayusin mo yan..."
Ibinigay niya sakin ang report card ko at tinalikuran ako.
Umalis ako sa pagkakatulala at tinignan ang nakasulat doon.
"90...88...Haa"
Di ko napigilang mahinang mapatawa ng sarkasmo. Isang subject lang naman tapos ganon na agad.
Umiling na lang ako at ngumiti para kontrolin ang nabubuong emosyon sa aking loob.
"Laban lang Kei"
Kinabukasan--------------------
Bago pa tuluyang lumiwanag, pagsapit ng ika-lima ngumaga ay parang robot akong bumangon upang maghanda para sa aking 8 AM class.
Malayo ang aking bahay sa school na pinapasukan ko. Kung tanghaliin ako ng alis dito sa nahay ay tiyak na aabutin ng dalwang oras ang 40-60 mins sanang byahe ko papuntang school.
Nang makarating ako sa school ay dumiretso ako sa aking sanktwaryo. Ang lugar na handang laging tumanggap at yumakap sa akin. Kagaya ng nakasanayan umupo ako sa pinakadulong upuan na halos natatakpan ng mtatangkad na shelf ng libro. Nandito ako sa library para mag-aral sa quiz namin mamaya.
Sa kalagitnaan ng aking pag-aaral biglang bumalik sa utak ko ang sinabi ng aking nanay kahapon. Pinilit kong wag intindihin 'yon dahil kailangan ko mag-aral kinagabihan pero ngayong sobrang tahimik at ako lang ang nandito sa sulok, nagsisimula na namang umusbong ang lahat. Lahat ng emosyon na pilit kong nilabanan kahapon ay nagpupumilit nang kumawala.
Pinipilit ko pa rin hanggang ngayon na itago at kimkimin ang lahat ngunit habang nagbabasa ako ay lumalabo ang paningin ko dahil sa nabubuong mga luha sa aking mga mata.
Ngunit sino ba sa tingin ko ang sarili ko? Isa pa rin akong mahinang likha na nasasaktan sa mapait na dismaya ng kanyang magulang. Tuluyang pumatak ang tubig mula sa mata ko. Ngunitagad ko iyong pinawi at muling pinilit na mag-focus sa inaaral ko pero kahit anong gawin ko ay tila kahit ang utak ko ay di na kayang kontrolin ang sakit na nagkukumawala sa hugis ng aking mga luha. Kaya sumuko na ako. Tinulak ko palayo ang laptop ko at umubob sa lamesa.
Pagka ub-ob na pagka ub-ob ko ay nagpatuloy ang aking pag iyak.
Hindi ako malungkot para sa grades ko dahil alam kong pinaghirapan ko 'yon, pero nasasaktan ako dahil yung hard work ko ay di na-appreciate ng taong pinaka hinihintay ko na pumuri at makapansin ng lahat ng ginagawa ko.