I.
Mabibilang lang sa daliri ang mga gusto ng lalaki sa mundong to: ang t-shirt na nakuha niya mula sa mayor ng baranggay nila, ang masikip niyang bahay, ang mga labi ng minamahal niyang si Gina, at ang ginagawang kalsada sa labasan nilang dudugtong sa isang flyover. Wala siyang paboritong pagkain, bisyo, o libangan sa buhay. Minsan na niyang natikman ang bisyo; alak man yan, yosi, babae, o droga, 'di na niya ito binalikan. 'Di tulad ng mga kaibigan niyang bangag pa rin maghapon at sa gabi'y dumidiskarte sa dilim ng syudad para kinabukasan ay makabili uli. Kaya masarap magbenta sa kanila dati. 'Di nagtatagal ang 10 gramo dahil mga kaibigan niya pa lang, kulang pa. Magkakasama pa sila noong naghahati-hati sa kanyang bahay. May nakahanda nang tig-iisang foil at lighter sa kabinet ng lalaki. Sabay-sabay silang magsisindi para sabay-sabay din ang tama. Agad na gumaganda ang mundo sa mga mata nila. Lahat ng bagay ay posible. Magagawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin kahit hindi pa ito nagagawa sa kasaysayan ng sangkatauhan. Wala silang kinikilalang hiya, tradisyon, o paniniwala. Wala ring batas-batas o diyos-diyos na makakapigil sa kanila. Sila ang magpapakita sa mundo ng tunay na kalayaan ng tao. Sa oras na iyon malalamang napasailalam na sila sa kapangyarihan ng shabu.
Habang naghahanap ng pera ang mga kaibigan niya, dumadayo noon ang lalaki sa Maginoo malapit sa kanila. Malayo pa lang ay nakikita na niya ang mapang-akit na ilaw ng KTV. Doon pa lang ay pwede na siyang magparaos. Ngunit mababalik ang atensyon niya sa bar tuwing binabati siya ng mga babaeng nag-aabang sa tapat ng pintuan. Tatanungin siya ng mga 'to kung si Summer o si Krystal ang hanap niya. Palaging walang customer ang dalawang babae 'pag dumadayo ang lalaki doon. Mukhang nakabisado na ni Mama Jing kung kailan siya tinatamaan ng libog kaya't hindi na pinapa-table ang mga babae 'pag alam nitong paparating ang lalaki. Lalabas mula sa madilim na bahagi ng Maginoo ang babae niya para sa gabing iyon. Mag-aabot pa siya ng isang libo kay Mama Jing bago lumabas. Sa akbay pa lang ng lalaki ay alam na ng babaeng magiging mahaba na naman ang kanyang gabi. Aabutin sila ng ilang oras. Hahapdi uli ang puki niya at mahihirapan na naman siya sa susunod na customer. Susubukan niyang magmakaawa ngunit 'di siya mapapansin ng bumabayo sa kanyang likod. Hanggang sa ilabas na ng lalaki ang libog sa kanyang loob kahit na paulit-ulit niya itong binilinang sa labas ito gawin. "Kingina mo kang gago ka sabing. . ." Sasabihin ng babae habang nagmamadaling pumasok ng banyo. Hindi na siya maririnig ng lalaking unti-unti nang magdidilim ang paningin at magpapaubaya sa himbing.
Madalas, 'pag bumabalik sa huwisyo ang lalaki ay madadatnan niyang mag-isa na lang siya sa kwarto, hawak-hawak ang sarili. Huhupa na ang kapangyarihang bumalot sa kanya. Nakakalat ang pantalon niyang maluwang na nakabuka ang bulsa. Hindi na niya ito pupulutin sa sahig, wala na rin naman itong laman. Sisilipin siya ng tirik na araw sa bukas niyang bintana. Palagi siyang hinuhusgahan ng liwanag at init nito. Bibitawan niya ang sarili at isasara ang bintana.
Ganoon lang kadali ang buhay ng lalaki noon. Ngunit nagbago ito nung biglang napaaway ang isa niyang kaibigan dahil sa isang cellphone na inaagaw nito sa may-ari. 'Di niya napansing may dala palang baril ang dinidiskartehan niya. Bumulagta na lang ang kaibigang butas-butas ang bungo. Ilang linggo pa'y nabalitaan nilang hinahanap ng may-ari ng cellphone ang mga kasama ng kaibigan niya nung gabing yun. Isa pala ito sa mga malalaking pangalang nagbebenta ng droga sa probinsya. Malaki raw ang koneksyon nito sa mga pulis-Maynila. Kinabahan siya na baka maituro o maikuwento o mabanggit man lang ng mga tao sa baranggay nila sa kung sinong mapadaang pulis ang pangalan niya. Galit pa naman ang mga ito sa mga tulad nilang gumagamit. Dahil hindi niya maiwan ang minanang bahay para sumama sa mga kaibigang magtago, iniwan niya na lang ang kanyang mga kaibigan. Nilinis niya ang bahay. Winalis ng patpating mga kamay ang kalat na pruweba ng nangyari kani-kanina lang. Nagulat siya sa nakatitig sa salamin. Kamukha ng kaibigan niyang 'di pa mailabas sa morge. Hinahabol siya ng tingin saan man siya magtago. Tinakpan niya ito ng kumot, baka sakaling iwanan rin siya ng multo sa salamin. Nag-abang siya sa sulok. Naramdaman niya pa rin ang titig nito sa likod ng manipis na tela na para bang nangingilala ito at inaalala ang kanyang pangalan. Binalikan niya ang kahoy na pader kung saan nakasabit ito sa kalawanging pako, hinubaran, at ibinato ang salamin sa semento. Agad naman itong nabasag sa sandaang pirasong may sandaang mukha. Nagmamasid lang sila sa loob ng kanyang bahay. Madali niyang pinulot ang mga ito at binato palabas ng bintana. Bumalot ang dugo sa kanyang mga daliri. Sa pangambang baka magtago lang ang mga mukha sa kanyang sugat ay pinilit niyang pigain ang mga kamay hanggang sa mangitim na ito't mawalan na ng pandama. Bumagsak ang kanyang katawan sa linoleum na sahig. 'Di niya sigurado kung natanggal niya ba ang mga multo sa kanyang dugo't laman. Umasa na lamang siyang sana'y hindi na ito magpakita pang muli sa loob ng kanyang bahay. Nawalan siya ng malay.