9

11 0 0
                                    

Isinilang sa mainit na pabrika ang isang maliit na bote. Binalutan nila ito ng tatak at pangalan at saka inilagay sa kahon kasama ang iba pang bagong silang na tulad niya. Dinala sila sa bawat tindahan sa syudad para maihanay sa malamig na kwartong paghihintayan nila hanggang sa mabili. Nagtataka ang bote kung bakit iniiwan siya ng kanyang mga magulang nang hindi man lang nakakatikim ng pagaaruga at lambing. Basta itinulak lang sila papunta sa harap ng malinaw na salaming naglalarawan ng isang mundong 'di pa nila lubos na kilala. Bumukas ang pinto ng ref at inabot siya ng isang kamay. Pinatayo sa harapan ng kaherang hinusgahan ang kanyang halaga. Naglabas ng sampung piso ang lalaki. Nilabas siya nito ng tindahan at dali-daling ininom ng isang lagok. Matapos ay binato siya sa malawak na dagat kung saan nagpalutang-lutang siya nang walang malay kung saan patutungo mamaya o bukas. Dumating ang tanghali't binilad siya sa init ng ilaw nito. Sinubukan niyang umiyak ngunit nauna nang natunaw at nagkapira-piraso ang kanyang bibig. Sumunod ang katawan. Huli, ang ulo. Kumalat ang maliliit na bahagi niya sa tubig. Sa sobrang liit niya'y 'di na namamalayan ng mga isdang naroon pala siya. Dumaan ang isang maliit na isda. Sa pagbukas nito ng bibig ay nakain siya nito. Walang alam ang isda sa mga nangyari. Tumuloy lang siya sa paghuli ng kung ano mang tingi-tinging pwedeng makain sa dagat. Isang araw nang nakikipaghabulan ito sa mga kalarong isda ay bumagsak ang malaking lambat. Magkakasama sila ng mga kaibigan niyang inangat papunta sa barko. Dinala sa pabrika kung saan binagsak sila, pinagulong, at inikot-ikot. Ilang kamay rin ang humawak sa katawan ng isda bago ito tapyasan ng ulo at maidelata. Binalutan din ito ng tatak at pangalan. Dinala ang mga lata sa grocery store kung saan binili ito ng magluluto ng ginisang sardinas para sa mga magtatanghaliang manggagawa. Ngunit sa araw na iyon ay 'di bumenta ang ginisang sardinas kaya uulamin na naman ito ng anak ng nagluto. Umayaw rin ang mga bata, halos araw-araw na lang daw silang isda ang ulam. Nabulyawan ang anak. Umiyak ang mga kapatid. Nilagay sa plastic ang sardinas at itinapon sa labas. Naghihintay ang isang lumpon ng mga bata sa tapat ng basurahan. Alam na nila kung anong oras magtatapon ang tagaluto sa karinderya. Binuksan nila ang initsang plastik. Swerteng may lamang sardinas. Pabilisan pa sila sa pagdukot ng ulam pero dinakot na ng pinakamatanda ang sardinas at lumayo na sa agawan. Nilantakan niya ang hawak-hawak na isda. Nanatili to sa kanyang tyan nang ilang taon, kung kailan uli siya makakaramdam ng gutom. Habang nagtatampisaw ang mga kasama niya sa pampang, sumakit ang tiyan ng ngayo'y binatilyo nang lalaki. Kumirot sa bandang pinaglagyan niya dati ng sardinas. Hindi siya napansin ng mga kasamang lumalangoy palayo sa kanya. Sinubukan niyang lumapit sa mga kasama para marinig ng mga ito ang paghingi niya ng tulong. Malas na lamang niya dahil mabigat ang alon ng tubig nung araw na iyon. Natulak nito ang mga paa niyang nakatungtong sa buhangin. Dumapa siya sa dagat. Inanod siya nito sa dakong hindi maabot ng paningin. Nadatnan siyang ganito ng araw. Nakita nito kung paano matunaw ang katawan ng bata at unti-unting pinaghiwalay ng tubig. Nagkapira-piraso ito hanggang sa maging singliit ito ng ambon. Sa munting lamang nabiyak ay lumabas ang plastik at ang kanyang mga kapatid.

Hunyango Man ang Tao Part 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon