CHAPTER 4

334 22 3
                                    

CHAPTER 4






GABI na nang makauwi si Nemain. Hindi niya namalayan ang oras dahil naging abala siya na pag-aralan kung paano lumipad. Ayaw paawat ng ngiti niya sa labi sa tuwing maiisip kung paano niya ibinuka ang mga pakpak kanina at ang pagbulusok niya pababa. Napansin niya muli ang pagliwanag ng krus sa kanyang bandang pulso kaya tinago niya ang braso sa likuran bago pumasok sa kanilang tahanan.

Simple lamang naman ang mga tirahan ng Cimmerian. Ito ay gawa pinagsamang matitibay na kahoy, kawayan at may parteng likha ng malalaking bato. Ito ay para maiwasang mawasak tuwing nagkakaroon ng hindi inaasahang digmaan.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan ng kusina nagbabakasakaling natutulog na ang ina upang hindi na naman siya mapagalitan. Ngunit sa mismong pag-ingit pa lamang ng pinto, kusang sumindi ang mga kandila sa mga sulok pati na rin ang malaking gasera na nakapatong sa ibabaw ng mahabang hapagkainan.

Nanlaki ang kanyang mga mata at napalunok. Lagot na naman siya.

"I-ina," pagbati niya at yumuko. Hindi natinag ang kanyang ina.

"Akala ko'y tuluyan ka nang lumayas dahil hindi mo na maatim ang mga sinasabi ko sa 'yo," sagot nito sa kanya at tinapunan siya ng tingin. Mas napayuko siya nang marinig ito.

Ang totoo'y inisip niya iyon pero hindi naman ito sapat na dahilan para iwan niya ang ina. Ginagawa lang nito ang lahat ng paraan upang masanay siya. Tama nga naman ito. Paano siya maipagmamalaki ng yumaong ama kung ni paglipad at pakikipaglaban ay hindi siya marunong?

Kagat-labi niyang inangat ang tingin at sinalubong ang titig ng ina. Bakas roon ang pag-aalala para sa kanya.

Magsasalita pa sana si Nemain nang unahan na siya ni Morrigan.

"Ipinagluto kita ng paborito mong hapunan. Kumain ka na at magpahinga. Maaga pa ang pagsasanay bukas," paalala nito at akma nang tatayo mula sa pagkakaupo ngunit tinawag muli siya ni Nemain.

Mula sa bulsa ng kasuotan na yari sa balat ng hayop ay inilabas ng dalaga ang scroll na naglalaman ng kasunduang siya ay papasok sa paaralan ng Cimmerian. Gulat ang gumuhit sa mukha ng kanyang ina.

Nanginginig ang mga kamay na naglakad siya at inilapag sa mesa ang scroll. Ngumiti siya.

"Nagpasya akong sundin ang gusto mo para sa akin. Tutuloy akong mag-aral, ina."

Dahil sa narinig ay otomatikong nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Morrigan. Napalitan ito ng pagkagalak. Napangiti siya.

"Pwede na po ba akong magsimula bukas?"

Napangiti sila sa isa't isa at nag-usap gamit ang mga mata.













ISANG nakasisilaw na liwanag mula sa pang-umagang araw ang gumising sa natutulog na diwa ni Nemain. Panay pa ang hikab niya ngunit naramdamang may naghahatak na ng kanyang kumot. Mayamaya'y sinunod na ang paghila sa kanyang dalawang paa dahilan para tuluyan siyang malaglag mula sa higaan.

Pupungas-pungas siyang bumalikwas ng bangon. Nakita niya ang alaga niyang tuta na pilit hinahatak ang kanyang kumot.

"Bosson?" nakangiwi niyang sambit at hinila pabalik ang kumot pagkuwa'y dumungaw agad sa bintana. Hindi niya pinansin ang alaga na walang ibang ginawa kundi ang ngatngatin ang kanyang suot na pajama.

Sa sobrang irita, sinipa na niya ito. Nasa ganoong sitwasyon sila ni Bosson nang bumukas ang pintuan ng kwarto at dumungaw si Morrigan. Nagulat tuloy siya sa ina.

"Maglinis ka at magbihis. Ihanda mo ang sarili mo. May dadaluhan tayong pagtitipon," utos ng ina kaya mabilis pa sa humahagibis na hangin ang pagsugod niya sa banyo upang maglinis ng katawan.

Hindi man niya alam kung saan pupunta, mukhang kinukutuban na siya. Ito na ata ang paghuhukom na minsang nabanggit sa kanya noon ni Morrigan. Napakagat-labi siya habang nakatitig lamang sa cabinet kung saan naka-hanger ang kanyang mga damit.

Kumabog ang puso niya habang namimili.

Kinuha niya ang pinakamagarang kasuotan. Isang pares ng damit na gawa pa sa balat ng oso. Kulay itim ito na may halong abo kaya nababagay sa kulay ng kanyang pakpak at balat.

Pinagmasdan niya ang sariling repleksyon sa salamin. Mula sa mahabang buhok, matangos na ilong, mahahabang mga tenga, kulay itim na mga mata at dalawang mataas na sungay. Kawangis niya talaga ang kanyang ina at ama.

Paulit-ulit siyang napabuga ng hangin.

"Nemain?" Sunod-sunod na katok sa pintuan ang kanyang narinig.

Napatayo siya at isinukbit ang espada. Itiniklop niya ang mga pakpak.

"Andiyan na ho, Ina," magalang niyang tugon.













Tahimik lamang sila na naglalakad at nakikipagsiksikan sa karamihan at kapwa mga Cimmerian. Narito sila ngayon sa isang napakalaking plaza na madalas pagdausan ng pagtatanghal sa tuwing nalalapit na pistahan. Ito ang lugar o dome na tinatawag rin nilang Thurian.

Marami nang tao at halos hindi na maintindihan ng dalaga ang paligid. Sa pagkakaalam niya'y wala namang espesyal na okasyon ngayon dahil malayo pa ang pista ng Cimmeria. Mas sigurado naman siyang walang kokoronahan o pararangalan dahil si Morrigan pa rin na kanyang ina ang tinuturing ng lahat na pinakamataas ng pinuno ng kanilang lupain.

"Ina?" sambit niya sa nakayukong si Morrigan at pilit itinatago ang mukha sa suot nitong hood.

"Sumunod ka na lang sa akin," utos pa nito kaya wala siyang nagawa. Nagpalinga-linga siya sa paligid at nagbabakasakaling mahagip ng paningin ang mga kaibigan ngunit wala.

Natigil lang sila sa paglalakad nang makahanap ng maluwang-luwang na pwesto. Doon sila naghintay ng anunsyo mula sa tagapagsalita na nasa entablado. Naging malikot ang kanyang paningin sa iba't ibang direksyon at nanlaki ang mga mata matapos matanaw sa hindi kalayuan si Pict. Nakatunganga lang rin ito kasama ang kanyang magiting na ama. Binubulungan siya nito kaya patango-tango naman ang kaibigan. Bakas sa mata ni Pict na tila napilitan lang rin siyang sumama.

Akma na sana niya itong pupuntahan nang mahigpit na hawakan ni Morrigan ang kanyang palapulsuhan. Napangiwi siya sa naramdamang kirot. Matutulis ang kuko ng kanyang ina kaya halos bumaon ito.

"Saan ka pupunta? Dito ka lang hangga't hindi nagsisimula ang palabas," mariing litanya ni Morrigan kaya para siyang napitpit na luya sa tabi nito. Sinulyapan na lamang niya si Pict na nag-aabang rin sa magsasalita. Hindi siya nito matanaw sa pwesto dahil sa dami ng Cimmerian na narito ngayon sa pagtitipon.

Lumingon naman siya sa ibang direksyon. Nakita niya si Raul kasama nito si Aesir. Kapwa ito nakangiti at nagkukwentuhan. Narito rin ang mga kaibigan niya. Ano bang klaseng pagtitipon ito at parang lahat ay nananabik?

Sa isang iglap, nakarinig sila ng dagungdong ng gong. Natahimik ang lahat. Umakyat sa entablado ang dalawang Cimmerian na may hawak na scroll.

"Magandang araw, mga magigiting na mamamayan ng Cimmeria. Makinig ang lahat. Ngayong araw ay itinakda naming ianunsyo ang mga napiling mag-aaral na kakatawan sa mga bago at umuusbong na mandirigma ng Cimmerian Academy. Ang mga sumusunod na pangalan ay inaanyayahang daluhan kami rito sa entablado upang makilala sila ng buong sambayanan," mahabang anunsyo ng isang Cimmerian. Napuno ng sigawan ang buong paligid.

Tinamaan siya ng kaba at napatitig kay Morrigan na taimtim lamang ang pakikinig sa nagsasalita.





***

CIMMERIA ACADEMY: School For Angels Of DestructionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon