Umilaw ang screen ng phone ni Aisha sa kadiliman ng gabi, at panandalian ang naging pagtaginting nito sa tabi ng kanyang ulo.
Kahit hindi tingnan ni Aisha ay alam niya ang oras. Siya kasi mismo ang nagtakda ng alarm sa kanyang android phone. Pinalipas muna ni Aisha ang ilang sandali bago nagpasyang harapin ang isang bagay na alam niyang bubuhay sa kanyang pighati.
Dahan-dahan ang ginawa niyang pagbaling. Kasabay ng paggalaw ng kanyang ulo ay ang butil ng mga luha na umagos pababa. Ang bawat patak ay gumawa ng maliit na lawa sa ibabaw ng maliwanag na gadget.
Tak!
Tak!
Tak!
Pagkatapos ay wala na.
Sa wakas ay tumigil ang pagbagsak ng mga luha mula sa kanyang mga mata. Pagak ang naging pagtawa ni Aisha habang pinagmamasdan ang malabong larawan ng isang babaeng nakangiti sa kanya. Walang kupas ang taglay nitong ganda.
Mabilis na kinagat ni Aisha ang ibabang labi. Suminghot at gamit ang nanginginig na mga daliri, dinampot niya ang kanyang cellphone. Tumihaya ang dalaga at pinunas ang basang screen sa kanyang dibdib na naninikip na namang muli.
Iniangat ni Aisha ang hawak at matapang na pinagmasdan ang larawan ng babaing iniibig.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata nang muling umalpas ang kanyang mga luha. Itinapat ang cellphone sa kanyang dibdib. Bumaluktot ang katawan patagilid kasabay ng pagyakap sa isang unan. Suot ang isang maluwag at may kalumaan ng damit, itinago ng dalaga ang mukha at tuluyan nang nagpaubaya sa hinagpis na nadarama.
Mal, hintayin mo ang aking pagbabalik.
Huling dasal ni Aisha bago siya ginupo ng isang mahimbing na tulog. Pagal na ang kanyang katawan sa araw-araw ngunit hindi maubos-ubos ang luha niya sa gabi. Kagaya na lamang ng puso niyang nagmamahal pa din sa napakahabang panahon, di kayang isuko ni Aisha ang babaing dahilan ng kanyang tagumpay ngayon.
"Masarap ba?"
Nilunok ni Aisha ang kinakain bago tumango-tango.
"Ayi, 'yong totoo?" Gamit ang kanang kamay, itinutok ng kasintahan ni Aisha ang hawak nitong bread knife sa kanyang direksyon. Nakakunot ang noo at ang kaliwang kamay ay nakapameywang. May suot na hairnet ang dalaga at puting apron. Kapansin-pansin ang butil ng pawis na nagmamaganda sa may katangusan nitong ilong.
Matalim pa sa hawak na kutsilyo ang tingin ng kanyang nobya.
Binaba nito ang hawak at dumampot ng banana cake sa platito ni Aisha.
"Nganga," mariing utos nito. Nagtataka man ay sumunod naman si Aisha. Nanlaki ang kanyang mga mata nang isalpak ng kanyang kasintahan ang malaking hiwa ng cake at agaran na tinakpan ang kanyang bunganga gamit ang palad nito.
Ngumiti ito na mas lalong naging dahilan ng pagtayo ng mga balahibo ni Aisha sa kanyang braso. Ito kasi ang klase ng ngiti na pinapakawalan ng babae sa tuwing may nagawa siyang kasalanan.
"Masarap ba?" Muli, tanong ng dalaga sa kanya.
Sa pagkakataong ito ay mas naging maliwanag na ang tanong ng kanyang girlfriend. Biglang may tumubong pawis sa noo ni Aisha ngunit hindi niya magawang punasan iyon lalo pa sa harap ng kanyang kasintahan na pinapatay na siya nang paulit-ulit sa utak nito.
May nagbabadyang bagyo sa kayumangging mga mata ng dalaga kaya naman parang giikan ng palay, mabilis pa sa alas kwatro ang naging pagnguya ni Aisha sa pagkain. Pilit nilunok ang cake at agad na uminom ng tatlong baso ng tubig.
![](https://img.wattpad.com/cover/244494036-288-k801881.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Pagbabalik ni Aisha...
General FictionMinsan, ang pagbabalik sa lugar na kinagisnan mo ay isang bagay na nakakatakot gawin. Hindi dahil sa masamang karanasan na iyong pinagdaanan, hindi dahil sa pag-ibig na hindi mo nakamtan kundi marahil para tuparin ang pangako na iyong binitiwan para...