9

1.6K 149 21
                                    

PUMALAKPAK si Kent Lauro nang tawagin na ng DJ ang pangalan ni Justienne. Nginitian niya nang banayad ang dalaga ngunit hindi siya nito pinansin. Kanina pa ito tahimik, kanina pa siya hindi kinakausap. Tila malalim ang iniisip nito. Mababakas ang matinding lungkot sa malamlam nitong mga mata.

Kanina ay nagtagal ito sa banyo, at paglabas nito ay nalagyan na nito ng makapal na makeup ang mga mata nito. Tila sinusubukan nitong itago ang lungkot mula roon ngunit hindi pa rin nakaligtas iyon sa kanya.

Lalong lumaki ang inis niya sa Mico na iyon. Mabuti na lang at umalis na ito kasama ang mga kaibigan nito. Baka hindi siya gaanong makapagtimpi kapag patuloy itong nakikita ng kanyang mga mata. Hindi niya ugaling magalit sa mga taong wala namang direktang ipinakitang masama sa kanya, ngunit iba na ang usapan pagdating kay Justienne. Hindi mahirap hulaan na may nakaraan ang mga ito. Pakiramdam din niya ay pinaniniwalaan nang lubos ni Justienne ang mga salita ni Mico. Parang naniniwala ito na pangit talaga ito.

Tila napakalaki ng naging epekto ni Mico kay Justienne. Napapaisip tuloy siya kung minamahal pa rin ng dalaga ang hambog na iyon. Hindi siya mapakali sa isiping iyon. Ayaw niya na may mamahalin o iisipin itong ibang lalaki bukod sa kanya. Noon lang niya naramdaman ang ganoon kasidhing pag-asam. Dalawa pa lang ang nagiging nobya niya ngunit hindi siya naging ganoon ka-possessive. Hindi siya naging ganoong kasara ang isip. Lalong hindi niya naisip makipagsuntukan sa isang lalaking hindi karapat-dapat paglaanan man lang ng atensiyon.

Kalmado siya palagi. Hindi rin siya naniniwala sa karahasan. Ngunit kanina ay gahibla na lang ang kontrol niya. Gustong-gusto na niyang sapakin si Mico. Ano na ba ang nangyayari sa kanya?

Alam mo kung ano ang nangyayari sa 'yo, sagot niya sa sariling tanong habang pinanonood si Justienne na paakyat sa entablado. She was smiling so brightly—a smile that didn't reach her eyes.

"Magandang gabi po sa inyong lahat!" masiglang bati nito sa mga tao. "Palakpakan naman diyan." Tumalima ang mga tao na sinabayan pa ng hiyawan ang palakpakan. Lahat ay nakikilala ito. Mas lumapad ang ngiti sa mga labi nito. He just wished it reached her beautiful eyes. "Nakakaganda naman 'yang mga palakpak n'yo," anito sa magaang tinig. He also wished she believed she was beautiful.

Nagtawanan ang audience. "Palakpak pa para mamaya, diyosa na ako." Pinagbigyan naman ito ng mga tao. May ilan pang pumito.

Natawa ito. Sa pandinig niya ay kulang iyon ng sigla at ligaya, ngunit tila hindi iyon napansin ng iba.

Itinaas nito ang mga kamay upang tumigil na ang palakpakan. "Kakanta na ako at baka sumobra ako sa ganda, mawalan na ako ng trabaho. Alam n'yo kasi, kahit na ganito ang mukhang ito, mahal ko 'to. Aba, pinagkakakitaan ko 'to. O, kakanta na talaga ako." Nagsimulang tumugtog ang banda. Eksaheradong humugot ito ng malalim na hininga bago nagsimulang kumanta.

"'Puttin' my defenses up. 'Cause I don't wanna fall in love. If I ever did that, I think I'd have a heart attack. 'Never put my love out on the line. 'Never said yes to the right guy. 'Never had trouble getting what I want. But when it comes to you, I'm never good enough..."

Napatanga na lang si Kent Lauro dito. She was so beautiful up there. Her voice was so lovely, so divine.

"But you make me wanna act like a girl. Paint my nails and wear high heels. Yes you, make me so nervous. That I just can't hold your hand. You make me glow, but I cover up, 'won't let it show. So, I'm puttin' my defenses up. 'Cause I don't wanna fall in love. If I ever did that, I think I'd have a heart attack. I think I'd have a heart attack..."

Justienne hit all the high notes. Tila wala pa itong ka-effort-effort. Her vocal range and control were amazing. Ginaya pa nito ang hand gesture at paraan ng pagkanta ni Demi Lovato sa music video.

The Charmings and Beauty (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon