Nagising ako sa tunog ng kampana. Agad akong napasilip sa bintana at nasilayan ang isang hanay ng mga taong nagmamartsa, lahat suot ang kanilang malilinis na uniporme.
Araw-araw ba silang ganito? napailing na lang ako at bumuntong hininga. Gutom na gutom na ako. Kahapon ko pa gustong kumain, pero wala akong makitang kantina.
Mabilis akong nagbihis at muling sumilip sa bintana, umaasang may makikitang kantina
Nakita kong unti-unti nang nagsipasukan ang mga tao sa kanilang mga silid-aralan. Dapat ba akong sumunod? Sandali akong nag-alinlangan, pero ramdam ko na ang panghihina mula sa gutom.
Kaya, sa halip na pumasok, nagpasya akong lumabas at maghanap ng makakain. Sa aking paglalakad, natagpuan ko ang isang hapag na puno ng pagkain. Mainit na tinapay, bumubulang sabaw, at mga prutas na tila kumikinang sa ilalim ng araw. Walang bantay, walang nag-aalok ng paninda. Dito, sinuman ay maaaring kumuha ng nais nila.
Dinala ko ang mga pagkain sa isang lumang gusali na tila matagal nang napabayaan. Makapal ang alikabok sa sahig, at nagkalat ang mga basura sa bawat sulok. Tahimik ang paligid, tanging mga yabag ko lang ang maririnig habang dahan-dahan akong pumasok.
Umakyat ako sa hagdan, hindi naman ito kataasan, parang isang lumang bahay na may maliit na beranda.
Sa isang sulok, napansin ko ang isang taong nakahiga. Nakapikit siya, mukhang mahimbing ang tulog. Sandali ko siyang pinagmasdan, payapa ang kanyang mukha, para bang walang iniindang problema.Hindi ko na siya pinansin. Sa halip, naghanap ako ng pwesto at tahimik na naupo sa isang gilid.
Madami-dami rin ang nakuha kong pagkain, kaya naman sapat na ito para sa amin ni Marcus. Napabuntong-hininga ako habang tinititigan ang mga ito.
"Hay, buhay… kahit kailan, bakit hindi ko kayang magalit sa’yo?" bulong ko sa sarili.
Ramdam ko ang bigat sa dibdib ko, at bago ko pa mapansin, tumulo na ang isang patak ng luha. Agad ko itong pinunasan.
Pero bago ko pa maisubo ang unang kagat, isang tinig ang pumunit sa katahimikan.
“Bawal ang estudyante dito.”
Napatingin ako sa nagsalita, nakatingin sa akin na para bang hindi makapaniwala sa nakita niya. Bahagya akong ngumiti.
“Edi bawal ka rin dito?” sagot ko, kasabay ng pagnguya ng pagkain.
Patuloy lang akong tumingin sa kanya, saka muling ngumiti. Kanina pa kasi siya nakatitig sa akin, parang hindi makapaniwala, parang may gustong itanong pero hindi niya masabi.
"Gusto mo?" alok ko habang iniaabot sa kanya ang pagkain. "Madami kasi akong kinuha, baka hindi ko maubos."
Hindi ko na hinintay ang sagot niya. Basta ko na lang inilapag ang pagkain sa harap niya at walang tanong-tanong na naupo sa pwesto niya.
"Bakit ka nandito, Evelyn?" tanong niya habang isinubo ang pagkaing ibinigay ko.
Napangiti ako at bahagyang nagtaas ng kilay. "Kilala mo pala ako?"
"Paano kita hindi makikilala, kilalang-kilala ka sa paaralang ito."
Napahinto ako saglit. Hindi ko akalaing ganito ako katunog sa iba. Totoo namang malakas ang karisma ko.
"Ibig sabihin, madaming nagkakagusto sa'kin?" mayabang kong tanong, sabay kindat pa.
Natawa siya bigla, isang mabilis at pabirong halakhak. Pero pagkatapos lang ng ilang segundo, napawi ang ngiti niya. Biglang naging seryoso ang tingin niya sa akin.
"May sapak ka ata. Sa tingin mo, may magkakagusto sa’yo dahil lang sa pagiging desperada mo?" aniya, may halong pang-aasar sa tono.
At para patunayan ang punto niya, ginaya pa niya ang paraan ng pagsasalita ko. "‘Magandang umaga, Luke.’ ‘Hindi ba’t sabi ko sa’yo, lumayo ka kay Luke?’”
