chapter 4

130 9 0
                                    

BUKOD kay Santi Sixto ay may isang tao sa San Simon na galit na galit din sa pagkaka-cover ng binatang taga-Santiara sa international magazine.

Si Bernardo II o si Bernie Jr, ang anak ng yumaong sugarol na si Bernardo Calixto Sr. Si Calixto Sr. ang pangit na lalaking umangkin noon ng isang gabi sa kapurihan ni Arabella, kapalit ng pagbabalik nito kay Santi Delos Santos ng Santiara na tinalo nito sa sugal.

Nasa Manila si Bernardo II nang makita niya sa book store ang bagong labas na Global Weekly na si Sixto ang cover.

Kahit pa nga wala namang pangalan sa buong magazine si Sixto ay hindi matanggap ni Bernardo II na isang taga-Santiara pa ang nasa cover ng prestihiyosong babasahin.

Sa galit ni Bernardo II ay pinakyaw niya ang lahat ng Global Weekly sa lahat ng bookstore at newsstand sa iba’t ibang panig ng Maynila.

Sa kahabaan ng Recto ay binili ding lahat ng hindi guwapong binatang taga-San Simon ang lahat ng kopya ng naturang magasin.

Nakarating pa nga siya sa Subic at Clark sa pagpakyaw sa mga natitirang kopya.

Ang nais kasi ni Bernardo II o Bernie Jr. ay walang Global Weekly na makarating man lang sa San Simon; ayaw din niyang makita ng maraming Pilipino ang cover boy na mula sa angkan na kanyang kinasusuklaman.

Di ba nga nasapawan na siya ng magkapatid na Abraham at Gabriel Delos Santos?

Pati ba naman ngayon ay hihirit din itong si Santi Sixto?

Kaya naman nang matapos mamakyaw ay napakaraming kopya ng Global Weekly ang nasa loob ng van ni Bernie Jr.

Sa loob ng kanyang tinutuluyang condo sa Manila ay isa-isa niyang pinagwawasak ang cover ng Global Weekly. Ang inside pages ay pinanghinayangan naman niya, itinambak sa attic ng bahay sa San Simon bilang souvenir ng kanyang pagkontrol sa pagsikat ni Santi Sixto.

At bakit naman hindi niya ituturing na tagumpay ang nagawa? Di ba dahil sa maagap niyang pagkilos ay wala na halos makakakita sa picture ni Sixto sa Pilipinas?

Of course, alam niyang may kopya ang mga taga-Santiara, pati na rin siguro sina Gabriel at Abraham na nasa abroad.

Pero hanggang doon lang ‘yon, kakaunting tao lamang ang nakakita. Kumbaga sa pelikula ay hindi naging hit sa takilya si Sixto.

Natuwa sa sariling uri ng katalinuhan si Bernardo II. Walang kaalam-alam ang ulul na si Sixto na pinakialaman ko ang kanyang kapalaran. Gago kasi, hindi naglalalabas ng San Simon.

MULA sa kabilang panig ng mundo, si Marissa Carrera Johnson kasama ang yayang si Manay Caridad ay patungo na ng Pilipinas.

Nakumbinsi ni Marissa ang amang si Howard na sa Pilipinas naman siya magtatatag ng charitable foundation na tutulong sa mahihirap na kabataan, laluna ang mga yagit ng lansangan.

Ang mabait na ama ay ihinatid siya sa airport at pinasamahan sa mga bodyguard na ito mismo ang pumili.

Kasama ni Marissa sa chartered flight, bukod sa yaya, ang tatlong tapat na lalaking bodyguards na pawang Kano. Magrereport kay Howard ang mga ito tungkol sa kaligtasan ni Marissa.

Naalala ni Marissa na dalawang araw bago siya tutungo sa Pilipinas ay nakipagkita sa kanya ang inang si Veronica.

Bagong banat ang mukha ng ina, nawala na rin ang mga bilbil, salamat sa magaling na cosmetic surgeon sa Chicago.

“You are going to the Philippines, Marissa? But that poor country is so corrupt and dangerous!”

“I can take care of myself, Mama.” Hindi na niya sinabi sa ina ang tunay na dahilan kaya siya pupunta sa Pilipinas. Sinarili na lang. Nasa Pilipinas ang lalaking mag-i-inspire sa akin para magpatuloy ng buhay, Mama. At least ay hindi ko maiisipang magpakamatay sa lungkot. Iisipin ko kasing siya ang extension sa mundo ni Jonathan.

Naputol ang alaala ng dalaga, nagbalik sa kasalukuyan. Sa loob ng eroplanong palapit na sa Asya.

“Yaya, sino na nga uli ang national hero of the Philippines?” Habang nasa tapat ng Dagat-Pasipiko ay nagtanong sa katabing yaya Marissa.

“Si Doktor Jose Rizal.”

“Gosh, akala ko ay si Jose Feliciano. Singer nga pala ‘yon na blind.”

“Isa pang bayani namin ay si Andres Bonifacio, Marissa. He is the founder of the KKK.”

“KKK? What is that, yaya?”

“Kagalang-galangan, Kataas-taasang Katipunan. See, I still know my history Marissa.”

Napangiti ang magandang dalagang banyaga.

“Oo nga, you are very good, Manay Caridad. And you promised me to look for San Simon at once…”

“Oo naman, iha. Ako pa? Pagdating na pagdating natin sa Manila ay kokontakin ko agad ang mga kamag-anak ko. Tiyak na alam nila kung nasaan ang beach ng San Simon.”

“Hopefully that Filipino guy is as loving as my Jonathan,” nasambit pa ni Marissa Carrera Johnson, nangilid pa ang luha.

Itutuloy….

SANTiARA'S   P.R.I.D.E   (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon