TPCG ENTRY NUMBER 5: Replika ng Pagmamahal

86 5 5
                                    

     Pasko na naman. Sigurado akong mauuso na naman ang mga samu’t-saring dekorasyon na makikita sa bahay. Mga Santa Claus na iba’t iba naman ang itsura. Mga Christmas Tree na putol ang isang sanga,at mga Christmas Light na patay-sindi.

     Minsan nga,naiingit ako sa kanila, kasi kung minsan, sila yung pinaka-mabenta, samantalang ako, nanatiling nakatingin at nakadisplay. Sabagay, hindi naman ako nakikita ng mga tao sa Pilipinas. Alam ko namang tanging sa mga cartoon lang ako nakikita, o kaya naman, sa mga palabas sa ibang bansa.

     Bakit kaya ganito no? Kung sino pa yung malambot at masarap yakapin, sila pa yung hindi nakikita. Kung sino pa yung hindi nakikita, sila pa yung mga nababalewala. Bakit? Sa tingin ba nila totoo si Santa Claus? Sa tingin ba nila may tutubong Christmas Tree dito? Wala naman ‘di ba? E ako? Totoo. Nahahawakan at nakikita ng mga bata---sa ibang bansa nga lang.

     Habang nag-iisip ako ng malalim,may naalala ako.

      “Khyle! Tingnan mo ‘to oh! Ang cute! Ang sarap yakapin.” Wika ng isang dilag.

      “Oo nga no? Ang kaso,hindi naman sila nag-e-exist dito sa Pilipinas” sagot naman ng isang binata.

      “Bakit? Nag-e-exist ba si Santa Claus?” sarkastikong tanong naman ng dalagang kanina ay yumakap sa’ken.

      “Hindi yun yung ibig kong sabihin, kumbaga, Si Santa Claus ay kilalang kilala. Oo, di nga siya nag-e-exist pero madali namang magaya.” sagot ng binata.

      “Sabagay”tugon ng dalaga. “Pero ang lambot talaga niya. Siguro kung siya yung lagi nating nakikita, siya yung babansagang Replika ng Pagmamahal.” wikang muli ng dalaga.

      “Bakit naman?” tanong binata.

      “Syempre, siya yung parang tao na masarap yakapin. Yung parang ano.....alam mo yun? I mean, para siyang tao na akala mo e masarap magmahal. Ewan ko. Basta!” ani Dalaga. “Gusto ko siya.” wika pa nito.

      “Wala na akong pera pambili sa kanya e. Sa susunod na lang. Pangako.” pangako ng binata.

     Nagising ang aking diwa ng mapansing may dalawang taong nakatingin sa’ken. Bakit kaya lagi kong naalala ang pangako sa kanya ng binata gayung alam ko naman ang katagang, “Promises are meant to be broken.” Pero kahit ganun, umaasa pa rin akong babalikan nila ako. Ayaw ko na rin kasing magtago sa madidilim na lugar. Pagkatapos e ilalabas na lang kapag sasapit ang kapaskuhan.

     Napatingala ako dahil sa dalawang taong nakatingin at nakangiti sa’ken. Parang sila yung dalawang tao na      nakita ko nung mga araw na nag-usap sila. Parang yung babae ngayong nasa harapan ko ay ang dalagang yinakap ako at ang lalaki ngayon ay ang binatang nangako na bibilhin ako. ‘Di kaya, tutuparin nila yung pangako nila? Sana.

     Napangiti ako sa aking sarili nang mapansing tinuro ako ng binata. Nagbigay siya ng salapi kay Ate Elise na siyang tagapag-alaga naming lahat na naririto. Nakita kong papalapit na sila.

     Isa.....

     Dalawa.....

     Alam kong sa huling bilang ay makukuha na nila ako,

     Tatlo.....

     Nanatili pa rin akong nakapikit. Tapos na ang aking pagbibilang ngunit hindi ko pa rin nararamdaman ang pagdampi ng mainit nilang kamay. Napamulat ako. Nakita kong papa-alis na sila. Napalingon ako sa likod ko kung saan nakapwesto si Santa. Wala na siya roon, siguro, siya yung nabili ng tao.

The PSYDEMag Christmas GaloreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon