.the boarder.

96 0 1
                                    

Ito ay tunay na pangyayari sa aking buhay.

Sabi nila lahat ng lugar may bantay, at naniniwala ako dun. Nirerespeto ko ang mga namayapa na pati ang mga hindi nakikita.

In fact, sa prayers ko laging kasama ang mga namayapa kong kamag anak pati iyong mga bantay at walang nakakaalala. Hindi bukas ang aking third eye sa palagay ko, ngunit lubos akong nagtataka kung bakit nakakaramdam ako at nakakakita.

Madalas nakikita ko lang sila sa peripheral vision ko. Iyon bang sa gilid lang ng paningin kaya madalian lang kumbaga.

Kakagraduate ko lang ng high school at hindi pa sigurado kung saan mag aaral ng kolehiyo.

 Binisita ako ng aking bestfriend para ayain akong mag enroll sa isang unibersidad dito sa Pangasinan.

Dahil magbestfriend kami, pareho kami ng pinasukan.

Nauna na siyang nakahanap ng boarding house kaya tinanong nya kung gusto ko bang doon na rin ako.

At Dahil gusto kong may kasamang kakilala, pumayag ako na doon na rin.

Pareho kaming first year Nursing student ng bestfriend ko, magkasama sa kwarto pero magkaiba ng section.

Magkaiba kami ng schedule kaya kung minsan ako lang ang nasa kwarto.

Baguhan kami kaya madalas bumababa kami sa first floor para makipagkuwentuhan sa mga dati ng boarders doon.

Kung minsan, ikinukuwento sa amin ng mga datihan na doon ang mga kababalaghan na naranasan nila.

Madalas hindi ako naniniwala dahil sa tingin ko nagbibiro sila.

May sinabi sila na may isang kwarto doon kung saan may nagbigting boarder.

Kinilabutan ako sa kwento nila pero binalewala ko lang dahil wala naman akong nararanasang kakaiba sa kwarto namin.

Isang gabi naharap naming magkwentuhan ng bestfriend ko.

Naging active kasi kami pareho kaya madalang na kaming magkausap.

Kung anu-ano lang napag uusapan namin hanggang sa magsabi sya na matulog na kami dahil alas dose na pala ng madaling araw.

Wala kaming electric fan ng panahong iyon kaya nagkabit ako ng kulambo, siya naman ay nagkasya na sa pagtatalukbong ng kumot.

Para maiwasang pasukin pa ng madaming lamok, isinara nya ang bintana sa tabi ng kama nya.

Hindi kami nagpapatay ng ilaw dahil naniniwala kaming pag may ilaw, walang masyadong lamok.

"Matutulog ka na?" tanong ko sa kanya, "oo, maaga pa klase ko nyan" sagot nya.

Ipinikit ko na ang aking mata para makatulog.

Maya- maya nagising ako dahil pakiramdam ko may humihila sa akin...Tumingin ako sa paanan ko.

Nagulat ako ng makitang may kamay na nakahawak sa aking mga paa..

mahaba ang mga kuko nyang napipintahan ng kulay itim...

hinihila nya ako...

Bukas ang pinto ng makita ko. Ang kama ko ay nakalinya sa pinto mismo dahil maliit ang kwarto namin. Nagtaka ako kung bakit nakabukas ang pinto.

Laking hilakbot ko ng makita ang may ari ng mga kamay na pilit humihila sa mga paa ko...

Isang babaeng nakasuot ng itim, nakalugay ang mahaba at magulo nyang buhok, namumutla at tila may marka ng kung anong lubid sa kanyang leeg...

Sa takot ko ay pilit akong humahawak sa gilid ng kama upang huwag nyang mahila! Nilingon ko ang aking bestfriend sa kabilang kama; tulog na tulog sya!

Sinusubukan kong magsalita o kaya ay sumigaw ngunit walang tinig na lumalabas mula sa aking bibig. Hindi ako makagalaw.

Hinihila na nya ako palabas ng pinto ngunit nananatili ako sa kama. Naririnig ko syang nagsasalita.

Nung una ay hindi ko maintindihan kung ano iyong sinasabi nya ngunit kalaunan ay tila ba nagbago ang pananalita nya at naunawaan ko.

Ang sabi nya, " umalis ka rito! sa akin ang kwartong ito! umalis ka rito!" paulit ulit...Hilakbot ang aking naramdaman at tinangka kong magsalita.

Sa pagkakataong iyon ay nasambit ko ang " sino ka ba? bakit mo ako pinapaalis dito?!" Sumagot sya, "ako si_____!at akin ang kwartong ito!"

Saka ko naalala ang pangalang iyon.

Iyon ang binanggit sa amin ng mga datihang boarder doon. Siya iyong babaeng nagpakamatay sa boarding house na iyon.

Kaya pala hindi sinabi sa akin kung aling kwarto ang dating kwarto nun dahil iyon pala ang kwartong inuupahan namin!

Napapikit ako at hindi ko na alam ang sumunod na nangyari...

Nang imulat ko ang mga mata ko, maliwanag na ang paligid. Ala-sais na ng umaga. Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang bestfriend ko. 

"Late ka nagising ngayon", puna nya. Hindi ako umimik. Nasa isip ko kasi ang nangyari. Parang totoong totoo kasi.

"Bumangon ka ba kagabi?" tanong nya. "Hindi, diretso ang tulog ko" sagot ko.

"Eh akala ko tumayo ka pa kagabi dahil may anino sa tapat ko. Akala ko bumangon ka para tignan ako. "

"Baka nahangin lang iyang kurtina sa tabi mo", sagot ko.

"Imposible! Sarado kaya lahat ng bintana!" wika nya.

Doon ko na sinabi sa kanya ang naging enkuwentro ko sa babaeng nakaitim.

"Mali kasi ang puwesto ng kama mo pati pagtulog mo", sabi nya sa akin. Dapat baguhin mo dahil iyang ayos ng kama mo ay parang ayos ng bangkay pag inilalabas ng bahay!

Isa iyong pamahiin sa amin na ngayon ko lang nalaman. Mali palang nakapuwesto ang paa malapit o sa tapat mismo ng pinto.

Bigla kong naisip, baka sya rin iyong aninong tinutukoy ng bestfriend ko.

Nagparamdam siya sa amin, iyon ang aking konklusyon.

Marahil ay nabulabog ang bantay ng kwartong iyon ng gabing iyon dahil sa kwentuhan at tawanan namin.

Bangungot na maituturing daw ang naranasan ko.

Ganun daw pag binabangungot ang tao, hindi makagalaw, hindi makapagsalita ngunit nakikita ang paligid. 

Bangungot man o hindi, lubos na takot ang ipinaramdam sa akin ng pangyayaring iyon.

Hindi naman namin sinasadyang bulabugin ang kaluluwa nya na hindi namin alam na di pa pala nakakaalis ng lugar na iyon.

Ipinanalangin namin ang kanyang kaluluwa at humingi ng dispensa sa pagkakagambala sa kanya.

Matapos ang pangyayaring iyon, nagdesisyon kami na lumipat ng kwarto. Natakot akong makita muli ang babaeng nakaitim.

Ngayon ay graduate na ako pero hindi ng kursong nursing. Madalas pa rin akong bumisita sa boarding house na iyon dahil naging malapit sa akin ang caretaker nun. At sa tuwing umaakyat ako sa second floor, napapadaan sa hagdan malapit sa kwartong iyon, tumitindig pa rin ang balahibo ko.

Pakiramdam ko ay naroon pa rin siya at nakatingin sa akin...

>abimay<

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 12, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

.the boarder.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon