Madilim.
Hindi ko makita ang paligid.
Lumingon ako sa kaliwa't kanan ko ngunit wala akong maaninag na kahit ano. Tanging liwanag lang ng buwan ang nagsisilbing ilaw ko.
Naupo ako at sumandal sa isang malaking puno. Niyakap ko ang nanginginig kong tuhod, pinagdarasal na sana ay ligtas na ako. Ilang minuto akong naghihintay na baka sakali ay may sumaklolo sa akin. Nabuhayan ako ng loob nang may narinig akong mga yapak na naglalakad hindi kalayuan sa pwesto ko. Dahan-dahan ko itong sinilip at nakita ang isang tao na tumigil.
Tinitigan ko ito ng husto at dahil sa liwanag ng buwan, napag-alaman kong lalaki ito. Nakatalikod ito at nakasuot ito ng long sleeve-checkered na kulay pula. Nagpalinga-linga ito sa paligid. Nagdadalawang isip kung hihingi ba ako ng tulong, kinilabutan ako nang makita kong may hinugot ito na isang matulis na bagay at may tumutulo rito na likido.
Sumandal ulit ako sa puno at dahil sa natataranta ay napatuon ako sa isang putol na sanga na naging sanhi ng pagkilos nito. Tinakpan ko ang bibig ko nang maramdaman na papalapit na siya sa direksyon ko. Naluluha ako na hindi malaman ang gagawin.
Ito na ba ang katapusan ko?
Ipinikit ko ang mga mata ko at hinihintay na lang na mahanap niya ako, ngunit isang malakas na kaluskos ang narinig ko sa isang parte ng kakahuyan. Iminulat ko ang mga mata ko at narinig na tumakbo ito ng mabilis palayo sa akin. Muli kong sinilip ang lalaki at nakita kong nagtungo ito sa kakahuyan kung saan may kumaluskos. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na tumakbo ng mabilis.
Tumakbo ako papunta sa direksyon kung saan ako pumasok kanina.
Takbo rito, takbo roon. Kahit nadadapa na dahil sa pagod, pinipilit ko pa rin itayo ang sarili para makaalis dito.
Medyo nakakalayo na ako nang huminto ako saglit. Hinihingal na ako kanina pa. Habang nagpapahinga saglit ay may naamoy akong usok. Napatingin ako sa kalangitan at nakitang may umuusok. Pinuntahan ko kung saan nagmumula ang usok na iyon at nakita ang isang malaking sapa at sa katabi noon ay ang camp.
Ito na ang camp!
Sa wakas! Makakaalis na rin ako rito!
Nagsimula ulit akong tumakbo. Nang makarating ako sa tabi ng sapa, tinignan ko ang camp. May mga nakatayo rito na tent at may liwanag sa loob ng mga ito. Sumigaw ako pero parang walang nakakarinig sa akin. Tumingin ako sa kanang direksyon ko, walang daan na makikita kung hindi daan patungo sa liblib na kakahuyan. Tumingin naman ako sa kaliwa ko at nakita ko na nandoon ang maliit na tulay patawid sa camp. Malayo ito sa akin. Naglakad ako patungo roon pero napatigil na lang ako nang makita kong may tumayo roon na nanggaling mula sa gubat.
Siya ang lalaking nakita ko kanina!
Tinignan ko ang sapa. Ibinuntog ko ang paa ko rito at naramdaman ang lamig ng tubig nito. Hindi ko na kakayanin pang languyin ito dahil sa pagod. Kung matawid ko man ito, mahahabol niya pa rin ako.
Nilingon ko ang lalaki, nakatayo lang ito pero alam kong nakaharap ito sa akin at nakatingin, hinihintay lang na kumilos ako. Wala na akong ibang maisip na paraan kaya tumakbo ulit ako papasok ng gubat. Nilingon ko ang lalaki at nakitang tumatakbo ito. Hinahabol na niya ako.
Pilit kong binilisan ang takbo ko pero nanghihina na talaga ang katawan ko.
Hindi ko na kaya.
Ayoko na..
Lumingon ulit ako sa likuran ko at nakitang wala ng sumusunod sakin. Nang bigla na lang akong nagulat nang pagharap ko ay nakita ko na siyang nakatayo malapit sakin. Hinampas niya ako sa ulo ng hawak niya. Hinawakan niya rin ang mga kamay ko. Sinubukan kong magpumiglas pero nanlalabo na ang paningin ko dahil sa hilo, dahil sa lakas ng hampas niya sakin.
BINABASA MO ANG
Retreat
Short StoryFirst story na ginawa ko nung second year high school pero hindi natuloy. Nitong 2021 ko lang ulit tinuloy pero hindi rin matuloy-tuloy dahil tinatamad kaya inabot ng 2023. Cliche ito at hindi maganda kaya huwag ng mag-abala pang basahin ito. Lol 01...