Kabanata I: Ang pag-iisang dibdib ni Arong at Liway

4 0 0
                                    


Hara Lingyaran

Orihinal na Katha ni A.D Andrius

Kabanata I: Ang pag-iisang dibdib ni Arong at Liway

Ngayon ay ikatlong mukha ng buwan. Ang alon sa dagat ay marahang hinahampas ang dalampasigan na tila sinasabayan ang mahinang samyo ng tugtugan na nanggagaling sa kalagitnaan ng gubat.

Kung ito'y iyong lalapitan ay iyong mapagtatanto na ang ingay ay nangagaling sa pinakamalaking balay na nakatirik sa kalagitnaan ng banwa.

Ang buong puod ay lasing sa kasiyahan. Halos hindi sila naantala ng malakas na ihip ng hangin na noo'y kinakatakutan ng mga tao dahil sa nakakapanginig-butong lamig na hatid nito.

Sa kanilang isipan, hindi ngayon.

Sa gitna, ay maririnig ang masiglang ingay nang lantoy at buktot sa mga babaying mananayaw na nagbibigay aliw sa lahat. Kasabay nito ang matining at nasa tiyempong hampas ng kulintang at gansa, na siya namang kanilang nasasabayan ng may linis at giliw sa kanilang galaw. Maririnig rin ang kay yuming tinig ng kanilang mang-aawit na kay lambot na sinasabayan ang kanilang musika. Sila'y mga mang-aaliw na lumilibot sa iba't-ibang banwa. Mayroon silang mga manunugtog, mananayaw at mang-aawit. Kilala sila sa kanilang kasuotan na kulay berde at ginto na malimit makita sa mga pamilihan.

Ang paligid naman ay napapalibutan ng mga magigiting na sandig, timawa at naakopan na malayang nakikihalubilo sa isa't-isa. Sila'y napapalibutan ng inuming nakakalasing at pagkaing inihanda para sa okasyong ito. Ang kakalakiha'y nakasuot ng kangan bilang pang-itaas at bahag bilang pamibaba. Ang mga babayi naman ay nakasuot ng tapis sa kanilang dibdib at patadyong bilang palda.

Sa kanilang tabi naman ay nakatayo ang mga uripong naglilingkod sa mga mayayamang timawa at magigiting na sandig. Sila'y may suot lamang na patadyong at ang dibdib ay natatakpan ng kanilang mahahabang buhok.

Sa isang banda naman ay naroon ang lupon ng mga babaylan at alabay na abot tainga ang ngiti habang nasasaksihan ang kasiyahan. Suot ng punong babaylan ang kanyang espesyal na putong na gawa sa sungay ng kalabaw na may mga nakasabit na makukulay na batong gumagawa nang kanais-nais na tunog tuwing ito'y magdidikit-dikit. Suot niya ay itim at pulang tapis at patadyong. Ang kanyang leeg at braso naman ay napapalibutan ng mga espesyal na bato at perlas na may basbas ng mga diwata't diwani. Ang mga babaylan naman ay may suot ding itim at pulang tapis at patadyong na may kwintas na hinabi sa kulay puti't pula at nagdadala ng iisang batong nakasabit sa gitna na ang kulay ay naayon sa kanilang antas. Ang mga alaba'y naman ay may suot na puting damit na hanggang talampakan na may itim na disenyo na nakapalibot sa leeg, kamay at laylayan. Ang mga alabay din ay may suot na kuwintas na may itim at puting habi. Natatanging ang punong alabay lamang ang may suot na espesyal na bato upang ipakita ang kanyang katayuan sa lupon ng mga alabay.

Sa unang palapag ng balay naman ay napapalibutan ng mas maraming sulo. Sa gilid ay nakatayo ang mga hayahay at uripong may hawak ng malagintong pamaypay at payong. Nakayuko at nakaupo bilang paggalang sa pinuno ng naakopan. May nakalatag ding ginto at pulang tela nainuupuan ng mga nakaupo sa tatlong magkakatabing lamisita.

Sa kanan ay nakaupo ang magiting na kanang kamay ng pinuno ng naakopan. Si Sarangay. Isang pangalang tawag sa nakakahilakbot na halimaw na may katawang tao at ulong kalakian. Inihalintulad sa kanya ang ngalang ito dahil sa kanyang isog at lakas sa pakikidigma. Siya lamang ang nag-iisang mandirigma na nakasuot ng lila at gintong kangan at itim na bahag. Sa kanyang ulo ay makikita ang pulang burdadong putong bilang tanda ng kanyang kaisugan. Ang kanyang katawan naman ay napapalibutan ng napakaraming batuk na kaniyang naipon dahil sa kapuri-puri niyang ambag sa pulo. Sa kanyang baywang ay nakasabit ang kampilang hugis pabilog ang hawakan at punyal na kahalintulad ding disenyo.

Hara LingyaranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon