Ang Pitong Diwata

498 8 4
                                    


Ang Pitong Diwata

Sa isang kabundukan naninirahan ang binatang si Suru. Siya ay walang kinakasama sapagkat siya ay laging bigo sa pag-ibig. Kung hindi man siya gusto ng gusto niya, sadyang hindi lang talaga sila nakatadhana para sa isa't isa.

Isang araw, sobrang desperado na siyang magkaroon ng kasintahan na magiging asawa niya kaya humingi siya ng tulong sa isang diyos na si Draol.

"Draol, lagi na lang akong sawi sa pag-ibig. Sa lahat ng mga aking inibig, wala ni isa sa kanila ang nagkagusto sa akin. Tulungan niyo po ako."

"Nakita ko ang mga paghihirap mo. At siguro ngayon na ang panahon para bigyan kita ng pagkakataon na lumigaya."

Galak na galak si Suru sa narinig.

"Sa lugar kung saan ka naninirahan, may isang tagong pook kung saan matatagpuan ang Pitong Talon. Sa bawat talon, may isang babaeng naninirahan at nagbabantay. Habang pataas ng pataas ang talon, paganda rin ng paganda ang mga babaeng naninirahan doon. Ngunit, may nais lamang akong ipaalala sa iyo Suru. Sa oras na marating mo na ang susunod na talon, hindi ka na pwedeng bumalik sa pinanggalingan mo. Sana'y gamitin mo ng maayos ang pagkakataong ito. Sana magtagumpay ka." Bago pa man makapagsalita ulit si Suru, nawala na si Draol. Naghanda agad si Suru para sa gagawing paghahanap sa Pitong Talon. Naririnig niya sa mga usap-usapan dati ang tungkol sa talon at kung saan ito matatagpuan. Kaya hindi nagtagal, nahanap niya rin ang misteryosong pook na ito. "Sa wakas, nahanap din kita. Oras na para wakasan ang pagiging sawi ko sa pag-ibig dahil makikita ko na rin ang babaeng magiging asawa ko." Sabi ni Suru sa kanyang sarili.

Pero hindi inakala ni Suru na ganoon kahirap ang mapagdadaanan niya bago makarating sa bawat talon. Dumaan siya sa madawag na kagubatan, madilim na mga sulok at nakaharap ang mga iba't ibang klase ng halimaw na hindi niya inakalang nabubuhay pala sa lugar nila. Habang pataas ng pataas ang talon, pahirap naman ng pahirap ang mga pagsubok na kailangan niyang harapin. Hindi nawalan ng pag-asa si Suru. Nilakasan niya ang loob niya dahil determinado siyang makita ang babaeng mapapangasawa niya. Naisip niya, pagkakataon na niya ito kaya hindi niya dapat ito sayangin.

Nang sa wakas narating na niya ang unang talon, hindi maipaliwanag ang kagalakan niya dahil naramdaman niya ang pagkagaan ng loob dahil natapos niya ang unang pagsubok, at dahil na rin sa kagandahang bumungad sa kanya. Ngunit naisip niya na kung ganito kaganda ang nasa unang talon, siyempre 'di hamak na mas maganda ang nasa ikapitong talon.

Umaakyat pa ulit si Suru sa mga susunod na mga talon, pinagdaanan ang mga iba't ibang pagsubok ngunit pahirap ng pahirap. Pero hindi siya nagpadala sa pagod at hirap na pinagdadaanan at mas nagpursiging marating ang pinakamataas na talon.

Nang nasa ikaanim na talon na siya, halos hindi siya makagalaw at makapagsalita dahil sobrang ganda ng diwata na kaharap niya. Naisip niya na sa kabila ng lahat ng hirap na dinanas niya, hindi alintana ang pagod kung ganito ang makukuha niya sa huli. Hindi pa nakuntento, inakyat ni Suru ang pinakahuli at ang pinakamataas na talon, ang ikapitong talon. Mas mahirap ang mga pinagdaanan niya, sa bawat sulok ay may nakabantay na mga nakakatakot na nilalang at habang palapit siya ng palapit sa pinakatuktok ng talon, padami ng padami ang mga halimaw na kailangan niyang labanan. Pero dahil sa lakas at kakayanang taglay ni Suru, hindi naging imposible na marating ang bawat talon lalo na ang ikapito. "Sa wakas, nandito na ako. Magiging kumpleto na ang buhay ko. Hindi na ako hahangad ng ano pa dahil makikita ko na ang babaeng susuklian din ang pagmamahal ko." Ngunit sobrang tagal na siyang naghihintay, wala pa rin siyang makitang magandang nilalang, wala pa ring lumilitaw na diwata. Noong halos tuluyan na siyang mawalan ng pag-asa dahil wala talagang diwata na nagbabantay doon, nag-ipon ulit siya ng lakas ng loob at lakas ng katawan upang bigyan ng hustisya ang lahat ng mga hirap na pinagdaanan niya. Binagtas niya ang daan na dinaanan niya kanina at napagdesisyunang bumalik sa ikaanim na talon. Ngunit ilang pasikot-sikot na ang nadaanan niya, napagtanto niyang pabalik-balik lamang siya sa iisang lugar. At naalala niya ang sinabi sa kanya ni Draol na hindi na siya makakabalik sa naunang talon.

Mas naging malumbay si Suru dahil pakiramdam niya wala na talagang pag-asa. "Draol, ang sabi mo, makikita ko na ang babaeng magiging asawa ko kapag narating ko ang ikapitong talon. Ngunit nasaan na siya? Bakit hindi ko siya mahanap?" Tawag ni Suru sa diyos na si Draol. Makalipas ang ilang sandali, may narinig siyang boses. "Suru, hindi ko sinabi na ang nasa ikapitong talon ang para sa iyo. Sa umpisa pa lang, noong sinabi ko sayo ang tungkol dito, nasa iyo na ang desisyon kung sino ang gugustuhin mong asawa sa mga babaeng naninirahan dito sa talon. Nagtagumpay ka nga sa mga hamon pero inabuso mo ang pagkakataong ibinigay ko sa iyo. Wala talagang babaeng naninirahan sa ikapitong talon dahil ang pinakamaganda sa kanila ay nasa ikaanim. Ngunit hindi ka nakuntento at pinagpatuloy mo pa hanggang sa ikapitong talon. Nagustuhan ko ang lakas ng loob at determinasyon mo pero sana marunong ka ring makuntento at magpahalaga kung ano ang nasa harapan mo. Sana magsilbi itong aral sa iyo."

Naglaho ang tinig at ang maririnig na lamang ay ang tunog ng mga insekto at hayop sa kagubatan. At doon lamang pumasok sa isipan ni Suru ang kanyang pagkakamali. Dapat siya ay marunong makuntento. Dahil hindi lahat ng bagay na nais o gusto mo ay iyo nalang basta-bastang makukuha. 



_________________________________________-


Here's another Mitolohiya. This is not originally mine. I just changed some of it, so credits to the rightful owner.

MythologyWhere stories live. Discover now