SIMULA
Mataas na ang sikat ng araw ng huminto ang sinasakyang bus ni Camila sa probinsiya ng kaniyang tiyo at tiya. Ito pa lamang ang pangalawang beses na nakapunta siya dito. Ang una ay noong pitong taong gulang pa lamang siya kung kaya naman muntik pa siyang maligaw.
Kakatapos niya lang sa pag-aaral at nagpasya siyang magpahinga sandali at paunlakan ang hiling ng kaniyang tiyo at tiya na magbakasyon sa kanilang probinsya ng kahit isang buwan.
"Maraming salamat po, Manong," aniya sa matandang lalaki na umalalay sa kaniya sa pagbababa ng kaniyang gamit. Ngumiti naman ito sa kanya.
"Ang init naman ngayon," wika ni Camila sa sarili.
Walang anumang cellphone ang kaniyang tiyo at tiya kung kaya hindi niya ito matawagan na siya'y nakarating na sa kanilang bayan. Hindi pa naman niya kabisado ang lugar at hindi niya rin alam ang eksaktong kinatitirikan ng bahay ng mga ito.
"Magandang tanghali, maaari ba akong magtanong?" aniya sa binatang una niyang nakita pagkababa niya ng bus at kakatapos lang tulungan ang isang matanda na pulutin ang mga manggang nalaglag sa nabutas nitong plastik.
Nakatalikod ito ng bahagya niyang kalabitin ngunit napansin na niya ang malaki nitong pigura. Nang humarap naman ito ay hindi niya mapigilan ang mamangha sa maamo nitong mukha at matipunong pangangatawan. Kahit pa nga isang simpleng puting damit lang ang suot nito ay lutang na lutang ang kaniyang pagiging magandang lalaki.
"Oo naman, ano ba iyon?" maging ang boses nito ay malalim at wari'y nangungusap.
"Itatanong ko sana kung kilala mo ang aking tiyo at tiya..." binanggit niya ang pangalan ng kaniyang mga kamag-anak at nagliwanag ang itsura niya ng tumango ang gwapong binata.
"Malapit lang ang bahay nila sa amin. Halika at isasabay na kita," magalang na paanyaya pa nito.
Napuno pa ang galak sa kaniyang puso ng alukin pa siya ng tulong ng binata sa pagbubuhat ng kaniyang gamit.
"Oh, Samuel! Napadaan ka, hijo?" narinig niya ang pamilyar na boses ng kaniyang tiya.
Natatabunan siya ng binata sa paningin nito kaya hindi siya agad na nakita. "Ay naku! Camila, pamangkin ko!" ang maligayang sambit ng kaniyang tiya ng umatras ang binata para makita na siya nito.
"Nakita ko po siya sa may istasyon at nagtanong kung saan ang bahay ninyo," magalang na tugon ng binata.
"Magandang araw tiya! Kumusta na po kayo?" maligaya ko ding salubong.
"Mahal, bilisan mo na diyan at nandito na ang pamangkin mo!" natawa pa ako ng sumigaw sa galak si tiya upang tawagin ang kaniyang asawa na kapatid ng aking ina.
Napuno ng tawanan at hindi matapos-tapos na kwentuhan ang kanilang munting tahanan sa mga sumunod pang oras. Inanyayahan din ang binatang si Samuel na sumalo sa amin sa pagkain. Sa pagkwekwentuhan ay napag-alaman ko na may plano palang magpari ang binata. Hindi ko maipaliwanag pero may kung ano akong naramdaman sa aking loob, hindi ko alam kung ano.
"Magandang araw, Camila," isang araw ay bati sa akin ni Samuel.
Sa tuwing umaalis sila tiyo at tiya para magtrabaho sa bukid ay kay Samuel nila ako ibinibilin. Sa halos isang linggo kong pananatili dito sa probinsiya ay nakagaanan ko siya ng loob. Isa siyang tunay na maginoo.
Kung minsan ay sabay kaming naliligo sa malinis na batis hindi kalayuan sa mga kabahayan at kung minsan naman ay namimitas ng kung anu-anong mga prutas sa bukana ng kagubatan. Madalas din kaming bumisita sa simbahan kung saan niya gustong maglingkod sa hinaharap.