Mga manunulat, mga mambabasa, at para sa iba pa,
Sana nasa maayos tayong kalagayan at ang mga mahal natin sa buhay. At kung nasa mahirap na sitwasyon, sana malagpasan natin 'to. Matindi 'yung pinagdadaanan ng bansa at ng mundo ngayon pero kahit mahirap, sana 'wag tayong tuluyang maubusan ng pag-asa. Dasal tayo para sa kabutihan ng lahat. Mas lawakan sana natin 'yung pag-unawa sa bawat isa at mas laliman 'yung pagtingin sa mundo. Masaya sanang mag-time travel sa panahon na hindi ganito katindi 'yung problema natin, pero wala tayong magagawa kung nakatakdang mangyari. Hilingin na lang natin na dumating na 'yung future na maitutuloy na natin 'yung mga pangarap natin at 'yung tila tumigil nating mga buhay, baon lahat ng mga aral sa pagsubok na 'to.
At alam ko na napakahirap gawin pero sana 'wag tayong mag-panic at ma-stress nang sobra lalo na at pwedeng maapektuhan ang immune system. Humugot tayo ng lakas mula sa mga inspirasyon o mahal natin sa buhay. May kaunting sakripisyo. At maaaring iba-iba tayo ng sitwasyon ngayon pero manaig sana 'yung pagkakaisa sa 'tin.
Nasaan man tayong parte ng mundo, sana ipagdasal natin 'yung makabubuti hindi lang sa sarili natin kundi maging sa kapwa.
Mahirap umisip ng tamang salita sa ganitong sitwasyon. Hiling ko lang, mas maging mabuting mamamayan sana tayo pagkatapos ng lahat ng ito.