Sa mga humabol na naglayk ng pahina bago pa man pumatak ang alas doce ng hatinggabi, maraming salamat po. Gayon din sa mga nagdagdag sa kanya-kanya nilang reading lists ng aking mga rekomendadong babasahin. Salamat sa mga mambabasa na handang tumuklas ng mga diyamante sa historikal piksyon. Na handang magbasa ng mga akdang hindi nasisilayan sa ibabaw at nasa malalayong panig ng naturang kategorya sa Wattpad.
Sa mga manunulat na naging kasalo ko sa mga taon sa pamamagitan ng kanilang mga akda, nawa'y dulutan pa kayo ng Ama ng napakaraming ideya, konspeto, tema at mga dagdag kaalaman upang inyo pang mapaganda at mapalagong lubos ang inyong mga sulatin. Na makapagbigay pa kayo ng inspirasyon at dagdag aral sa amin. Sana'y hindi kayo magsawa na magbahagi ng inyong mga akda na pupukaw sa aming mga kamalayan. Maraming kuwento pa sana tayong pagsasaluhan hindi lamang sa taong ito kundi maging sa mga susunod at susunod pang taon.
Napakabilis ng taon at magsisimula na naman tayong muli ng mga bagong kabanata ng ating buhay. Nawa'y naging isang napakagandang taon ang ibinigay sa inyo ng taong dos mil dieciocho (2018). At kung hindi ma'y simulan nating kalimutan ng sabay-sabay ang mga hindi naging magandang pangyayari at magsimulang bumuo muli ng mga makabago at magagandang alaala kasama ng ating mga mahal sa buhay. Na bumangon muli matapos ang mga unos na ating naranasan sa nagdaan kasabay ng pagpapalit ng taon. Iwanan na natin ang mga bagay na nagpasama sa ating mga damdamin at nagbigay ng kapaguran sa isip.
At sa muling pagbubukas ng panibagong taon, sana'y isang maligaya, mapayapa, napakasagana at puspos ng pagpapalang taon ang ating kamtin ngayong taong dos mil diecinueve (2019)!
Pagpalain nawa tayo ng Ama!
Manigong bagong taon sa inyong lahat!
Feliz año nuevo a todos ustedes!
Anata no subete no haiku!