Ngayon ko lang napagtanto, ni isang beses wala man lang nagtanong kung ano ang ayaw ko’t gusto.
Wala palang nakakakilala sa akin nang malalim. Kung hindi ko pa ipapaalala, walang pupunta, walang mangungumusta, walang mag-aalala.
Sa dami kong pinagkuwentuhan, wala man lang nagtangkang aralin ako. Walang bumasa na ayoko nang biglaang aya, ng kapeng may asukal, ng masikip na lugar, at ng pritong itlog sa almusal.
Ako pala ‘tong palagi silang kinakabisa, kaya’t kahit kailan, hindi ko pa naranasang masurpresa. Sa totoo lang, dama kong hindi ako naging kawalan sa mga lakad na hindi ko nadaluhan. Palaging ako lang pala ang nagkokonsidera sa iba, pero pagdating sa akin, walang pagpapahalagang bumabalik. Dama ko lang ang importansya sa tuwing mayro’n akong ambag o sa tuwing sila’y nababagabag.
Ngayon ko lang napagtanto, ni isang beses wala palang nagtanong kung ano ang ayaw ko’t gusto, at hindi ayos ‘to. Hindi dapat ganitong trato ang natatanggap ko. Hindi dapat ako masanay na ginaganito.
- Regina Amit