Masakit palang tanggapin na kailanman hindi mo na maibabalik pa ang oras kung saan ka binigyan ng pagkakataon na makamtan ang mga pangarap na dati ay kayang kaya mong sungkitin.
Masakit na mawala ng parang kisap mata ang mga pinaghirapan mo noon, ang ginugol mong oras para mahinog ka sa larangan ng kahusayan sa pag aaral.
Masakit mangarap ng paulit ulit dahil wala itong kasiguraduhan na matutupad iyon. Kailangan mong isugal ang pagkatao mo dahil hindi mo alam kung ano ang kayang gawin nito sayo. Dudurugin, wawasakin, sasaksakin, lulumpuhin, bubulagin ka nito ng paulit ulit hanggang sa mawala ka sa ulirat, hanggang sa malasahan mo ang pagkabigo, pagkatalo, at pagkamatay ng apoy na naglalagablab noon sa puso mo.
Ngayon ay para ka nang patay na bituin na unti unting nawawalan ng ilaw, sa pagbulusok mo, ang nakakasilaw at nakakahalina mong kulay ang nagsisilbing panandaliang kasiyahan lamang sa mga taong nakatanod sa kalangitan.
Aapuyin ka dahil dito at mamumuo sa kaibituran ng pagkatao mo ang isang bagay na kailanman hindi mo nakita at naramdaman.
Isa pang pangarap, pag asa para makapag simula. Dahil siguro kailangan muna natin na maging isang matigas na bato bago tayo muling maging isang bituin.