Mahal kita. Hinding hindi kita iiwan at ipaglalaban kita kanino man
Tiktak. Tiktak. Tiktak.
Katagang namutawi sa akin at nakakintal sa isipan. Katagang pilit kong inalis ngunit hindi ko magawa. Mga salitang binitiwan niya sa akin noon. Pero noon iyon.
Noon, nung ang mga panahon ay tila nakikiayon sa aming nais gawin. Noong mga sandali na tanging sariling bahay lamang ang makakapaghiwalay sa amin. Noong mga araw na kalaunan ay naging gabi dahil sa magdamag naming lambingan at suyuan.
Noong mga panahong, minahal niya pa ako. Noong mga panahong, hindi niya ako iniwan.
Binigay ko na lahat pero bakit ako pa rin yung nabalewala? Mas ipinaglaban ko siya pero bakit niya iyon sa aki'y nagawa? Nagkulang ba ako? Nagkamali? Mga tanong sa aking isipan na tanging siya lamang ang makakakagbigay ng kasagutan. Pinilit ko maging masaya. Sinabi ko na makakalimutan ko rin siya. Pero bakit kay lupit ng tadhana?
Sa tuwing ako ay nag-iisa, tanging mukha niya ang aking nakikita. Saan man ako magpunta, tanging siya ang aking naiisip. Saan man ako tumingin, siya pa rin ang aking nakikita.
At heto ako ngayon. Naglalakad sa kawalan. Nagugulumihanan. Natatakot. Nalulungkot. Nag-iisa.
Hinihiling na sa bawat sandali ay kapiling kita. Pero para saan pa nga ba? Eh diba diyan ka naman masaya. Ang iwanan akong nagdurugo at lumuluha.
Sana isipin mo na buhat nang ako ay iwan mo, hindi ako sumaya. Dahil minsan lang ako sumaya. Iyon ay nang makilala kita.