Chapter 2

73 1 1
                                    

Chapter 2

"Ang galing kaya niya, mas sobra pa sa sobra!" Nag-uumapaw sa kayabangan kong sabi sa kanila. "Naku! Kung napanuod niyo lamang siya kahapon, sigurado akong maiintidihan niyo 'ko!"

Sabay-sabay na nag-iwas ng tingin ang mga kaklase ko sa akin habang nakangiwi, ang ilan pa sa kanila ay umiiling na sa mga pinagsasabi ko ngayon.

Napahalakhak na lamang ako. Batid kong naniniwala naman sila sa akin na magaling talaga si Caius kahapon sa pageant. Kaya nga siya nanalo, eh. Hindi naman niya makukuha ang titulong iyon kung hindi. At alam kong alam nila iyon. Gayon pa man ay tila hindi sila lahat makapaniwala na halatang mas masayang-masaya pa ako, kahit na hindi naman ako ang nanalo, o miski kaibigan lamang niya.

Sa katunayan, hindi niya naman ako kakilala.

"Akala ko ba, ayaw mong manood ng mga pageant?" Pang-aasar ni Angela sa aking tabihan. "Tapos ngayon, daig mo pa ang school publication sa pagkwento sa mga nangyari kahapon."

Sandali akong natahimik, napagtanto na tama siya. 'Gaya nga ng sabi ko sa kaniya, hindi naman talaga ako mahilig sa mga pageants sa umpisa pa lang. Ni wala pa ngang tatlong beses na nanood ako ng ganoong klase ng patimpalak. Dahil bukod sa hindi ko ito nakasanayan, ayaw na ayaw ko rin sa maiiingay na paligid.

Pero ibang usapan naman kung si Caius ang lalaban sa entablado. Siguradong walang pag-aalinlangan akong manunuod, kahit na mabingi man ang aking tainga sa mga sigawan. Sa tingin ko nga'y makikiisa pa ako sa mga humihiyaw para suportahan siya.

"Bakit parang kasalanan ko pa, Angela? Hindi ba't ikaw ang nagyakag sa akin?" Pag-iiba ko ng usapan. "Kung hindi mo sana ako sinama, edi hindi sana ako nag-iingay ngayon."

Sa una pa lang, alam ko na ang totoong rason kung bakit niya ako inimbitahan na pumunta rin doon. At iyon ay para makita niya ang gusto niyang lalaki na kasali rin kahapon. Ginawa niya lamang panakip-butas ang kagustuhan niya umanong makasama ako.

"Natalo lang 'yung gusto mo, ganiyan ka na." Dagdag ko pa habang ngayo'y mas malapad na ang ngisi sa kaniya.

Kaagad akong pinagtaasan ng kilay ni Angela. Ngunit hindi rin naman siya nakaimik agad dahil sa alam niya na tama rin ang sinasabi ko. Sa halip, ibang boses ang narinig kong tumugon sa akin.

"Nanalo lang 'yung gusto mo, nagmamayabang ka na riyan..."

Nag-angat ako ng tingin kay Eric na ngayon ay nakikisawsaw na sa usapan naming mga kababaihan. Nang tuluyang maunawaan ang sinabi niya sa akin, tuluyang napawi ang ngisi sa aking mga labi, at bagkus ay inirapan siya.

"Hindi ko nga gusto 'yun. Namamangha lang ako," pagtanggi ko pa. "Ang kulit mo rin talaga, ano?"

Dahil doon, isa-isang humalumbaba sa aking harapan ang mga kaklase ko. Pare-parehong mapaglaro ang mga mata nila, tila ba hindi sila lahat kumbinsido sa pagtanggi ko. Patago akong ngumisi ulit. Ako rin naman, ah. Hindi ako kumbinsido sa sinabi ko dahil ang mismong kalooban ko na ang sumisigaw na nagsisinungaling ako.

"Sa tingin mo, maniniwala kami sa'yo?" Si Eric pa rin.

"Sa tingin mo rin, maniniwala kami sa'yo, Eric?" Tanong ko rito pabalik. "Hindi ka nga kasali sa usapan, nakikisawsaw ka lang sa amin."

"Aysus! Mas sinu-suportahan mo pa nga si Caius, kaysa sa pambato natin." Panunumbat naman ng isa pa sa mga kaklase ko.

"Kaya nga! Halos kabadong-kabado ka pa no'ng sasabihin na ang panalo." Paggatong pa ni Angela.

Ngumiwi ako sa kanilang mga sunod-sunod na sinasabi. Hindi ko na nagawang makisabat, ni itanggi ang mga paratang nila sa nararamdaman ko kay Caius dahil bawat Segundo ay palala nang palala ang atake nila sa akin, at pinagkakaisahan na ako.

Until the End of EverythingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon