Chapter 1

188 1 8
                                    

Chapter 1

It's the year 2012.

Kasalukuyan akong nakahalumbaba habang wala sa sariling nakatanaw sa kaganapan sa labas ng aming silid-aralan. Ang ilang hibla ng aking nakalugay na buhok ay dinadala ng malamig na simoy ng hangin mula sa mga naglalakihang puno sa paligid. Muli akong nagpakawala ng malalim na buntong hininga.

Hindi ko na rin mabilang pa kung ilang beses akong humikab sa pagkakataong ito. Sadyang sa tuwing ganito ang klase ng panahon, na makulimlim ang kalangitan at mukhang maya-maya lamang ay uulan na, ay pilit akong tinatawag ng kama at humilata na lamang. Kaya naman hindi ko na nagawang pagtuunan ng pansin ang sinasabi ng kasalukuyan naming guro sa harapan, at sa halip ay tumulala na lamang sa tanawin sa labas buong oras.

Ang daanan sa gilid ng aming silid-aralan ay hindi pa sementado, hindi katulad ng iba pang mga maayos at konkretong daan sa buong eskuwelahan. Marahil hindi rin naman madalas na nagpupunta rito ang ibang mga tao, maliban na lamang kung magtatapon ng basura dahil ang dulo ng daanan nito ay tambakan.

Dahil nga rito, hindi na ako nagtaka pa nang sumabay sa ihip ng hangin ang alikabok mula sa natutuyong lupa. Ang butil ng maliliit na buhangin ay dinala papunta sa aking mga mata nang may isang estudyante ang dumaan dito. Kaagad ko namang kinusot ang aking maluha-luha na mga mata, bahagyang humahapdi na sa pagkapuwing.

Medyo malabo pa ang aking paningin nang muli akong magmulat dahil sa kaunting luha na namuo sa aking mga mata na sigurado akong bahagya nang namumula. Subalit nang makita ang mukha na hindi ko inaasahang bubungad sa akin, hindi ko maintindihan ang aking sarili nang sa isang iglap ay halos luminaw ang lahat.

Bahagya akong napa-igtad mula sa aking upuan, labis na nabigla sa presensiya niya ngayon sa aking harapan. Pansin kong may bahid din ng kunot ang kaniyang noo at ang kulay-kayumanggi niyang mga mata ay nagmamatyag, tila ba inaalam kung ayos lamang ako.

"Sorry," malamyos niyang pagpapaumanhin.

Hindi ako kaagad nakaimik sa kaniya, at sa halip ay pinakatitigan na lamang siya muna. Sinubukan ko siyang kilalanin ngunit hindi pamilyar ang mukha niya. Sigurado ako na ngayon ko lamang siya nakita. Wari ko ri'y mas matanda siya ng ilang taon sa akin kung ibabase sa kaniyang taas. Sobrang tangkad niya naman kung sakaling labintatlong taon rin lang siya, 'gaya ko.

I noticed him a bit alarmed when I didn't acknowledge his apology. Batid kong nabahala rin siya sa matalim na tingin ko sa kaniya dulot ng hindi maiiwasang pagkainis ko kanina, na ngayon ay kay bilis din namang napawi sa hindi maipaliwanag na paraan. Or maybe, I can explain what is happening right now, I just can't accept it yet.

Saglit akong nag-iwas ng tingin. Ayaw kong isipin na kaya umayos ang loob ko ay dahil sa maamo niyang mukha. Ngunit gayon pa man, aminado akong matatawag kong sinungaling ang aking sarili kung itatanggi ko naman ito.

Hindi ko rin naman masisisi ang sarili ko mismo. Lahat naman siguro ay makokonsensiya at mawawala ang galit kapag nakikita siya. Sa pagiging maamo ba naman nito, tila ako pa ang magmu-mukha na masama, kahit siya naman ang tunay may kasalanan.

Sa huli, tipid na napailing na lamang ako at muling nagbaling ng tingin sa lalaki sa aking harapan. Bago pa man ako makapagsalita, natikom ang bibig ko nang may kinuha siya sa loob ng bulsa ng kaniyang pambabang uniporme at kaagad din naman na inabot sa akin.

Automatikong umangat ang aking kilay sa kaniya nang makita ang ibinibigay. Sa pagiging aligaga niya'y imbes na ang panyo, ang maliit na supot ng basura na dapat sana'y itatapon niya ang kasalukuyang inaaro sa akin.

Napangisi na rin ako. Grabe naman! Ganoon na ba ako kaganda para kabahan siya at mawala sa sarili?

Hindi ko na napigilan pa na hindi tumawa sa aking naiisip, pati na rin sa kadahilanan na wala pa rin siyang kaalam-alam sa mga nangyayari. Ang kaniyang mga kilay naman ang nagsalubong. Napuno na rin ng pagtataka ang mga mata niya, hanggang ngayon ay wala pa ring ideya.

Until the End of EverythingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon