SI PEPAY lang naman ang number one hater ko since high school. Bitter kasi ang bruha dahil ako ang niligawan ng ultimate crush niya. Lalo siyang nagalit sa akin noong naging kami ni Sam.
Actually, naging magkaibigan kami ni Pepay noon. Siya ang una kong nakilala sa pinag-transfer-an kong school pero ang nagsisimula pa lang naming friendship ay kaagad na sinubok ng tadhana nang ligawan ako ng lalaking patay na patay siya. Pinakiusapan niya akong basted-in si Sam para sa kanya. Noong una ay medyo c-in-onsider ko pa ang request ni Pepay dahil ayaw ko siyang masaktan pero nahulog na rin ako kay Sam kaya pinili ko ang pag-ibig kaysa pagkakaibigan.
"What are you doing here?" tanong ko.
Sa lahat naman ng inaasahan kong unang bisitang dadalaw sa akin ay si Pepay pa talaga. Matagal kaming hindi nagkita nang magtapos kami ng high school pero four months ago ay nagtayo siya ng beauty salon sa mismong street kung saan ako nakatira. Dala pa rin niya ang galit sa akin hanggang sa kasalukuyan.
Nag-roll eyes ang babaeng hindi yata kayang lumabas ng bahay nang walang nakatapal na makeup sa mukha.
"Duh? Ako lang naman ang nagsugod sa 'yo sa ospital na 'to."
Natigilan ako. "Ikaw?" Hindi si Chona. Inakala lang ng nurse na kaibigan ko si Pepay.
"Oo," taas-noong sagot nito. "Ako lang naman, of all people. How ironic, 'di ba? Utang mo na sa akin ang buhay mo."
Napaka-ironic nga naman talaga. Sa dinami-rami ng tao sa mundo, siya pa talaga ang sumagip sa buhay ko. Gusto ko sanang magpasalamat pero sa hitsura ni Pepay, parang habambuhay niya akong susumbatan o ipapamukha sa akin na utang ko sa kanya ang second life ko kung ipapakita ko kung gaano ako ka-grateful sa ginawa niya.
"Kaya pala..." imbes na magpasalamat ay lumabas sa bibig ko.
"Anong kaya pala?"
"Kaya pala dito mo ako inilagay sa charity ward. Halatang may galit." Tumingin ako sa mga pasyente sa ward na mukhang indigent talaga lahat. Pakiramdam ko tuloy ay indigent din ang tingin niya sa akin.
Umigkas ang on fleek na kilay ni Pepay. "Bakit, may pambayad ka ba? Wala ka ngang trabaho."
"What did you say? Wala akong trabaho? Araw-araw, nakikita mo akong dumaraan sa parlor mo papunta sa work ko, 'tapos, sasabihin mong wala akong trabaho? Branch manager ako sa Starmix Café!"
Kumunot ang noo niya. "Nananaginip ka ba? O dahil nagka-head injury ka kaya para kang nagha-hallucinate? Tatlong buwan ka nang walang trabaho!"
"Ano'ng pinagsasabi mo?"
Nagbuga ng hangin si Pepay. "Kalat na kalat kaya sa buong barangay na nasesante ka."
Napanganga ako. "What? Ako, nasesante?"
Natigilan ako nang ma-realize na napalakas ang boses ko at naistorbo ang mga kasama ko sa ward. Nakatingin sa amin ang ilan mga tao roon.
Hininaan ko ang boses nang magpatuloy ako. "Sino'ng nagkalat ng tsismis na 'yan? Si Aling Nita ba?"
"Hindi 'yon tsismis! Totoong balita 'yon na nakalabas lang. Ngayon mo pa talaga ide-deny? Kaloka. Baka i-deny mo rin na nailit ng bangko ang bahay mo dahil ginawa mong collateral sa bank loan mo para sa business venture n'yo ng best friend mo pero na-scam lang kayo."
Kumunot ang noo ko. Ano ang pinagsasabi ng babaeng ito? Hindi ako umutang sa bangko at wala kaming pinapasok na business venture ni Chona! At saka ako, mai-scam? Kalokohan!
Pinakatitigan ko si Pepay. Bukod sa kulay mais na buhok at makapal na makeup ay kapansin-pansin rin ang tattoos niya sa leeg at binti at ang fashion style na pang-GRO. Ang alam ko ay kaka-break lang niya sa boyfriend na bandista.
"Magtapat ka nga, Pepay. Bukod ba sa pagkaadik mo sa makeup, adik ka na rin sa droga?"
Pinandilatan niya ako. "Ano'ng pinagsasabi mong bruha ka? Ikaw yata itong adik, eh. Kitang-kita ko na naka-padlock ang bahay mo. P-in-adlock ng bangko! Pinuntahan mo nga noong isang araw kaya ka bumalik sa Zarragoza. 'Tapos, nakita kitang nakatulala sa tapat ng bahay nina Mang Domeng. Doon pa sa mismong ilalim ng puno ng buko nila na walang lumalapit o tumatambay sa takot na mahulugan."
Ang puno ng buko sa tapat ng bahay nina Mang Domeng. Ayaw ipaputol ng matanda ang puno kahit maraming nagsasabi na delikado iyon dahil sa risk na may taong mabagsakan ng buko sa ulo. May sentimental value kasi ang punong iyon para sa matanda. Pinapayagan lang daw nitong putulin iyon kapag pumanaw na ito.
"'Akala ko nga," patuloy ni Pepay, "sinadya mong tumayo roon dahil gusto mo nang magpatiwakal sa dami ng problema mo. Para kang pinagbagsakan ng langit at lupa dahil sabay-sabay ang kamalasang nangyari sa 'yo. Pero seeing you now, malabong binalak mo talagang magpakamatay noong isang araw."
Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Pepay. Hindi ko maalala na tumayo ako nang nakatulala sa ilalim ng puno ng buko ng kapitbahay. At anong kamalasan ang sinasabi niya? Ang perfect nga ng buhay ko ngayon. Ikakasal na ako sa heredero ng mga Villaroman. Magiging bilyonarya na rin ako bilang magiging may-bahay na ako ni JP.
Simula noon at hanggang ngayon ay ako lang ang babaeng minahal nito. Taglay ko ang kapalarang kaiinggitan ng kahit sinong babae. Wala akong kaproble-problema. Ako na nga yata ang pinakamasayang babae sa buong mundo ngayon.
Iisipin ko na sanang totoong nagdo-droga si Pepay pero nang maalala ko ang mahaba kong buhok ay nanlaki ang mga mata ko.
"Wait. Bakit mahaba ang buhok ko kung sinasabi mong noong isang araw lang ako nahulugan ng buko? I had my hair cut last week."
Kumunot na naman ang noo ni Pepay habang nakatitig sa akin. "Teka nga. Sigurado ka bang wala kang nakuhang brain damage sa nangyari sa 'yo?"
"W-what are you talking about?" Nagsimula na akong kabahan.
"Obviously, hindi ka nagpagupit pero bakit sinasabi mong nagpagupit ka? Hindi mo naaalala na wala ka nang bahay at trabaho."
Matagal kaming nagkatitigan bago ko ibiniling ang ulo. Sinasabi ba ni Pepay na nawala ang ilang alaala ko? Amnesia! May amnesia ba ako? Paano ako magkaka-amnesia? Wala naman ako sa teleserye!
"A-alam na ba ni Chona ang nangyari sa 'kin?" Kasama ko sa bahay si Chona kaya siguradong si Chona ang unang sinabihan ni Pepay sa nangyari sa akin.
Napanganga si Pepay habang nanlalaki ang mga mata. "Si Chona? Hinahanap mo si Chona? Ibig sabihin... hindi mo rin naaalalang bigla na lang siyang umalis at hindi na nagpakita sa 'yo pagkatapos n'yong ma-scam?"
Natigilan ako. "Huh?"
Nagbuga ng hangin si Pepay. "Baka hanapin mo rin si JP Villaroman, ha."
Naramdaman ko ang malakas na pagkabog ng dibdib ko sa labis na kaba sa implikasyon ng sinabi niya. "Ang fiancé ko...?"
Namilog ang mga mata ni Pepay. "Juskoday, Dallie. So, hindi mo rin naaalala na halos isang taon na kayong hiwalay ng fiancé na sinasabi mo? At actually... ikakasal na siya sa ibang babae next week?"
Pakiramdam ko ay gusto kong mag-collapse sa narinig.
AUTHOR'S NOTE: This novel is now available to order. To get a copy, please go to my profile/bio for the link to the order form. Thank you!
BINABASA MO ANG
Snatch The Groom
RomanceNow available in print book and in ebook format. See the details in my bio/profile on how to order I woke up one day and found out how my life had changed suddenly, shockingly. Wala na akong bahay. Wala nang trabaho. At higit sa lahat, wala nang lov...