Kabanata 21: Ang Unang Misyon ni Ford

359 21 18
                                    

Ulila na akong lubos. Ngunit nang makilala ko si Cholo ay pakiramdam ko, nakatagpo ako ng panibagong kapamilya na magiging karamay sa hirap at ginhawa. Nagawa kong ituwid ang baluktot kong landas at natutong mangarap na dati ay hindi ko alam kong papaano gawin sapagkat ang tanging hangad ko lamang ay ang makakain isang beses sa isang araw, matugunan ang bisyo at ang makipagbasagan ng mukha sa tulad kong mga palaboy sa lansangan.

Subalit ngayong tinalikuran na niya ako at ipinagpalit sa mayamang si Xander ay bumalik na naman sa akin iyong lungkot ng nag-iisa, walang kakampi at kalaban ang tingin sa lahat ng tao.

Kung iisipin, nagawa ko namang mabuhay noong hindi ko pa siya nakilala. Nagawa kong makuntento sa buhay na pariwara at naging maligaya sa pangungulembat ng mga bagay na pag-aari ng iba. Iyon ang paulit-ulit kong ikinintal sa aking isip habang binabagtas ko ang sementadong daan palabas ng subdivision upang dugasin ang sakit na nararamdaman ngunit bigo pa rin ako. 

Nahihirapan akong ibalik ang dating ako sa panahon kung saan hindi ko pa siya nakilala. Kung bakit ba kasi ako nagpadala sa aking emosyon? Hindi na ako nadala sa sinapit ng aking inay na iniwan matapos sapilitang tinikman ng lintek kong ama. Doon pa lang, napakalinaw ng hindi totoong may pag-ibig lalo na ng relasyon ng lalaki sa lalaki.

Nang makalabas ako ng subdivision ay sinadya kong maglakad sa gitna ng kalsada upang mahagip ng mga dumadaang sasakyan. Sa panahong iyon ay gusto ko ng maglaho sa mundo dahil alam kong doon din naman ang punta ng lahat ng tao. Mas mabuti nang madaliin kaysa ang bumalik ako sa dati at maging sakit lang ng lipunan. Parang napakahirap na kasi ang magpakatino ngayong nawala na ang kaisa-isang taong nagturo nito sa akin.

Patuloy sa pagtagas ang aking mga luha habang hinihintay ang kaskaserong driver na makakabundol sa skin.

Asar! Kung kailan gusto mong mabundol at mamatay ay iiwasan ka ng mga sasakyan. Ngunit sa tuwing ingat na ingat ka at sa pinakagilid ka na ng kalsada dumaan, saka ka naman abutin ng kamalasan. Hit and run pa.

Ganoon ang tumatakbo sa aking isip nang maulinagan ko ang malakas na busena ng isang truck na papalapit sa akin. Mukhang hindi ako napansin ng nagmamaneho nito at huli na para iwasan ako.

Ipinikit ko ang luhaan kong mga mata habang hinihintay ang pagbungggo noong truck sa aking katawan. Dinig ko pa ang hiyawan ng mga Aleng nagtitinda sa gilid ng kalsada sa nagbabadyang kapahamakan ngunit hindi ko sila pinansin. Nagkunwari akong walang narinig. Hanggang sa naramdaman kong may matigas na kamay na humila sa akin. Tauhan iyon ni Blackhawk na naghatid sa akin sa Maynila. Pinigilan ako sa aking pagtatangka.

"Ako ang malilintikan kung hinayaan kita sa binabalak mo. Kailangan kitang maiuwi na walang galos kay Blackhawk," matigas na saad ng lalaki habang hila ako patungong van.

Bumalik naman sa aking isip ang sinabi sa akin ni Blackhawk. Kapag mapatunayan kong tama ang nilalaman ng sulat ay kailangan kong bumalik sa kanya. Siya lang ang taong aking makakapitan ngayong tinalikuran na ako ng taong itinuring kong pamilya. Hindi ko man tiyak kung ano ang plano niya ngunit kailangan kong tanggapin ang kanyang alok upang maisakatuparan ang isang ideyang biglaang pumasok sa aking isip.

Naalala ko ang dating ako. Ako iyong tipong hindi pinapalampas ang mga taong may atraso sa akin. Higit pa sa atraso ang ginawa nina Cholo at ng higad nitong nobyong si Xander kaya kailangan kung makaganti sa anumang paraan.

Kinuyom ko ang aking mga palad. Pinagmasdan ko ang aking repleksyon sa salamin ng sinasakyang van. Mababanaag ang nag-aapoy na galit sa aking mga mata. Salamat at bumalik na ako sa dating pagkatao. Iyong may matigas na damdamin at walang pakialam sa kapakanan ng iba.

Isang kahibangang pagtangkaan ang sarili kong buhay at hahayaang magpapakalunod sa kaligayahan ang mga taong nanakit sa akin. Gagawin ko ang lahat mapantayan lang ang yaman ng Xander na iyon. Ipapalasap ko ang pakiramdam ng inagawan at pinagtaksilan.

Till My Last Breath (BXB On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon