"Hindi ka kawalan" (mc_lpt)
Sa saliw ng awitan ng mga kuliglig at palaka
Sumasayaw kang palayo hanggang sa hindi na kita makita
Pinapalaya ang mga luhang nasipag unahan
Bagamat hindi nakikita ng karamihan dahil sumasabay ang patak ng ulan
Sa lilim ng nakakabinging katahimikan ng hating gabi
Nilalasing yaring sarili sa kung papaano at bakit ito nangyari
Wala akong balak na sumilong sa malamig na yakap ng aking kumot
Walang balak na magpahele sa malamig na boses kung saan nananahan ang lungkot
Lasug-lasog na at sugatan ang mga pakapak na aking nakakapa
Pinilay ng mga babasaging salita
Salitang dahan-dahan, unti-unti akong sinasakal
Salitang tila sintalim ng kutsilyo kung ako'y saksakin mapaharap man o talikuran
Binabakuran na ng matatayog na tinik
Nakakulong sa pader ng mga linyang hindi na magkatugma ang pintig
Saang sulok man makarating ang tanaw
Wala na, tapos na ang araw na ika'y matatanaw
Nakakalungkot isipin na hindi na makukulayan ang ating nagawang pangarap
Pangarap na sabay nating inukit ngunit biglang nasayang
Hindi na ako ang hihintayin mo sa harap ng maraming tao
Yung tipong sabay aabutin and dulo pero dumating sa hangang dito na lang ang tayo
Hindi man alintana ang pagdalaw ng pagtangis
Ngunit tumingin ka sa mga mata't nakakubli sa biro ang tubig na langis
Sisilong pa ba sayo kung ang lahat ay madilim?
Kakapit pa ba kung ang kamay mo'y tila patalim?
Kulang ba ang ako sa ikaw, kaya ka naghanap ng bago?
Kung hindi naman, bakit mo ako tinarantando
Kung hindi naman, bakit hindi ka nakontento
Kung hindi naman, bakit nawala ang tayo
Napakalamig ng gabing unan lang ang nasasandalan
Habang ikaw nagtatampisaw, nagtatampisaw sa harap ng isang mapanlinlang
Ngunit gayunpaman, marahan kong iisasara ang pintuan
Sabay ngingiti at bibitawan ang mga katagang "hindi ka kawalan"