Chapter 1: The Secret

92 4 2
                                    

"Ano na naman ba 'yang gayak mo na 'yan, Ginoong Angelo Claveria? Tumatanda ka ba nang paurong?" puna ng ina ng binata. "Ano naman pong masama sa suot ko? Eh kahit ano namang porma bagay sa akin!" pabirong sagot ni Angelo habang pinagmamasdan ang mukha sa harap ng malaking salamin na nakasabit malapit sa paanan ng kanilang hagdan.

Alas-siete ang usapan nila ng mga kaibigan niya. Dadaanan na lang daw siya ng mga ito dahil on the way ang bahay nila papunta sa venue ng P-Pop Boyband Search. At dahil alas-sais pa lang, may isang oras pa siya upang ayusin ang mga dapat ayusin sa gayak niya.

Hayagang itinirik ng inang si Charo ang mga mata at kitang-kita iyon ni Angelo sa salamin. "Anak, hindi ka naman siguro nagpursiging makapagtapos ng pag-aaral at maging professional kung sa ganyang bisyo ka rin lang babagsak?!" may bahid ng frustration sa mukha at boses ng ina.

Nakangiting sumagot si Angelo, "Maka-bisyo ka naman d'yan, Ma!"

"Bakit? Hindi ba? May matino bang beinte-tres anyos na nagtatrabaho sa isang public school na nagsusuot ng ganyan?" sita ni Charo. Umiling pa ito habang pinapasadahan ng tingin ang kabuuan ng panganay.

Nakasuot ng jagger pants na butas-butas si Angelo habang naka-lowcut na Chuck Taylor na kulay puti. Ang pang-itaas na suot ng binata ay puting T-shirt na long-back at may nakasabit na scarf sa leeg na halatang sinadyang tabingi ang pagkakasuot. Ang mushroom niyang buhok na kulay hazelnut ay ipinusod niya pa sa gawing likuran.

Sa biglang tingin ay aakalain ninuman na high school student lang si Angelo, lalo't hindi ganoon kalaki ang katawan niya. Balingkinitan ang katawan ng binata kaya lalong nagmukhang teenager.

"Mama, hindi ka pa ba nasanay d'yan kay Kuya?" sabat ng nakababatang kapatid niyang si Michael na parang sea urchin ang buhok sa sobrang tuwid at tulis ng pagkakatayo.

Tinapunan ito ng sulyap ni Angelo habang pilit na pinapasingkit ang mga mata sa pamamagitan ng paglalagay ng eyeliner. "Hoy, Michael! Baka akala mo hindi ko alam ang pagbubulakbol na ginawa mo nung nakaraang linggo!" sita niya sa disi-siete anyos na kapatid.

"Ilang ulit ko bang ipapaliwanag sa 'yo, Kuya, na hindi nga pagbubulakbol 'yon? Parte 'yon ng ginagawa naming project sa school!" tugon ni Michael. Nakayuko ito at abala sa pagpapalit ng kwerdas ng gitara habang nakaupo sa sahig sa gitna ng kanilang sala.

"Project-project! Tigilan mo nga ako sa palusot mo na 'yan, Ginoong Michael Claveria. Akala mo hindi ko alam na suma-sideline ka bilang git—" Agad tumigil sa pagtatalak si Angelo nang makita ang nagbabantang tingin ni Michael. Pinandidilatan siya nito.

"Suma-sideline bilang ano? Ha, Michael?" untag ng ina nilang si Charo. "Naku! Huwag ko lang malaman-laman na tumutugtog ka ng gitara at pumupunta sa mga gig tulad ng ama n'yo!"

Bahagyang tumaas ang boses ng ina nila at nanlilisik ang mga mata nito na napansin ni Angelo. Maging ang mga butas ng ilong nito ay nanlalaki na rin. Ganoon lagi ito kapag napag-uusapan ang kanilang papa. Pati ang alagang aso nilang si Kumu ay parang nakaramdam na rin sa nagbabadyang bagyong paparating kaya dali-dali itong nagtago sa ilalim ng sofa.

Si Michael ay nagkukunwaring walang pakialam at patuloy pa rin sa pagtatanggal ng kwerdas ng gitara, pero halata sa galaw ng mga kamay nito na tensyonado na rin ito.

Nilingon ni Angelo ang ina. Panay pa rin ito sa pagpapaypay sa sarili. Pati ang mga curlers sa buhok nito ay bahagya nang umaalog.

"Ma, yung curlers n'yo po baka matanggal po!" baling ni Angelo sa ina. Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa ina at kapatid at napakagat-labi na lang siya.

Alam niya ang kahihinatnan ng ginawa niya kaya mabilis na nagtrabaho ang kaniyang brain cells para pakalmahin ang ina at pahupain ang nagbabadyang bagyo na malapit nang mag-landfall.

Sparks of Undying LightWhere stories live. Discover now