Oren’s POV
“Magandang hapon sainyo.” Naalimpungatan ako matapos kong marinig na nagsalita ang guro namin sa Filipino na si Ginang Eden Santos. Tiningnan ko ang aking lumang relo na bigay pa ng tatay ko limang taon na ang nakalilipas. “Alas-tres na pala ng hapon”, mahinang wika ko sa aking sarili habang tumatayo para sumabay sa aking mga kaklase na ito ay batiin.
“Magandang hapon din po Ginang Eden”, pormal na báti namin na magkakaklase sa kaniya at hindi ito tinawag na “Ma’am”, hindi katulad sa ibang guro. Ayon kasi sa kaniya, dahil Filipino raw ang asignatura na itinuturo niya, marapat lamang na hindi kami gumamit ng ibang lenggwahe katulad ng Ingles habang siya ay kausap sa oras ng kaniyang pagtuturo. Pabor naman ito sa akin dahil mas matatas ako sa paggamit ng Wikang Filipino kaysa sa wika ng mga banyaga.
“Maaari na kayong magsi-upo.” Nagpasalamat naman kami rito. “Siya nga pala, hindi ba may takdang aralin ako na ibinigay sainyo? Tungkol nga saan ulit iyon? Medyo makakalimutin na rin ako eh, tumatanda na talaga ako”, wika niya habang umiiling-iling pa. Natawa na lang ako sa loob-loob ko. Halos nangangalhati na pala kami ng taon sa pag-aaral, ngayon ko lang din matagal na natingnan ang guro namin na ito. Kadalasan kasi ay sa pisara ako nakatingin. Medyo may katandaan na pala ito, maputi na ang buhok at ang alam ko ay matandang dalaga na. Mabait naman si Ginang Eden, may katangkaran at hanggang balikat ang buhok. Mukha talaga itong guro.
“Ang natatandaan ko po Ginang Eden na sinabi niyo po sa amin ay kinakailangan po namin mag-isip ng isang bagay na maaaring maglarawan sa amin”, si Irene, ang presidente ng klase. Medyo matapang ito lalo na kapag pasaway ang iba kong mga kaklase pero masasabi kong responsableng Pinuno sa amin. Napatango naman ito, senyales na naaalala niya na.
“Ay oo, salamat Binibing Irene Ramos”, nginitian na lamang ito ni Irene na marahil ay natawa na lamang sa pagbigkas ng buo nitong pangalan. “Siguro naman ay may naisip na kayo ano”, napatango kaming lahat. “Oh siya, simulan na natin. Magtatawag ako ng tatlong mag-aaral mula sa pangkat ninyo at pupunta sila sa unahan upang sabihin at ipaliwanag ang bagay na naisip nila na maglalarawan sa kanila. Ang hindi naman matatawag, isusulat niyo sa isang papel ang inyong kasagutan at ipapàsa sa akin búkas ng umaga. Naiintindihan ba ng lahat?”, muli, tumango kaming lahat dahil sa maayos niyang pagpa-paliwanag tungkol sa gagawin.
“Mabuti, simulan na natin. Ang una ay ikaw”, itinuro niya ang kaklase ko na nasa aking likuran, ang pinakatahimik sa klase, si Kerstein. “Binibining Kerstein Hernandez, maaari ka ng pumunta sa unahan at simulang magpaliwanag”. Katulad ng dati, tahimik lang itong naglakad papunta sa unahan at kami naman ay tahimik lang din na naghihintay sa mga sasabihin nito.
“Hello po—”, agad na pinutol ni Ginang Eden ang sinasabi ni Kerstein. Alam ko na ang dahilan. Napabuntong-hininga na lang ako.
“Hindi ba Wikang Filipino lamang ang gagamitin? Ulitin mo Binibining Kerstein”, mahinahon na wika ng aming guro rito. Tumango naman siya rito at nagsalita.
“Paumanhin po Ginang Eden”, nginitian naman siya nito. “Muli, magandang hapon po sa inyong lahat”, mahinhin nitong panimula. “Ang isang bagay po na aking naisip na maaaring maglarawan sa akin ay isang aklat. Dahil kung inyo pong mapapansin, ako ay tahimik lamang din at hindi palaging nagsasalita, pero sa kabila no’n, ako po ay mapapagkatiwalaan. Alam naman po natin na minsan, ang aklat ay ating ginagamit upang sabihin lahat dito ang kung anumang nararamdaman natin sa pamamagitan ng pagsulat sa bawat pahina nito. Hindi tayo nangangamba na bakâ kumalat ang ating mga sinulat dito dahil hindi naman ito nagsasalita. Katulad ko, sa tuwing nagiging bukás po ang aking mga kaibigan sa akin tungkol sa kanilang problema, katulad ng aklat, mananatili lamang po ito sa akin at kailanman ay hinding-hindi ko ilalabas o ipagkakalat”, mahaba nitong salaysay na siyang ikinangiti ko. Sa totoo lang, malaki rin ang naging tulong ng guro namin ngayon sa Filipino upang mas maging matatas kami sa paggamit ng sariling wika. Karamihan kasi noon ay nahihirapan magsalita ng purong Filipino dahil madalas ay nasasamahan nila ng Ingles. Pagkatapos magsalita nito ay pumalakpak kami, ganoon din ang aming guro. Mapapansin sa mukha nito na labis siyang humanga.
BINABASA MO ANG
Hopes Beyond Words
Aktuelle Literatur"Hindi ko gusto ang ideya na may mga kaibigan o kakilala akong tao na mas pinipiling tapusin ang sariling buhay at tuluyan na lamang sumuko sa nasimulang laban. Ang mas nakakalungkot pa rito ay wala akong magawa man lang upang sila ay mapigilan na g...