Oren’s POV
Habang naglalakad ako pauwi ng aming bahay, biglang umulan ng malakas. Naghanap agad ako ng maaaring pagsilungan upang hindi ako mabása at magkasakit dahil kinakailangan ko pang tumulong sa karinderya pag-uwi.
“Sira na nga pala ang payong ko, dapat pala nadála ko na lang muna ‘yong kapote na gawa sa sako na ginawa ng aking nanay. Bakit ko ba naman kasi kinalimutan? Hays”, nadidismayang sabi ko sa aking sarili habang pinapanood ang malakas na pagbuhos ng ulan pati ang mga táong nagmamadali sa paghahanap ng masisilungan dahil sa biglaang pag-ulan. Mabuti na lang at may malapit na waiting shed malapit sa nilalakaran ko kanina bago umulan.
“Nakakainis, puting-puti pa naman ng suot kong sapatos ngayon. Bakit ba kasi ito pa ang napili kong isuot. Amp”, naiinis na sabi ng babaeng malapit sa akin sa kaniyang sarili. Tiningnan ko nga ang suot nitong sapatos at nakíta kong halos mangitim na ito dahil sa putik. Bigla naman akong naawa rito, alam ko kasi kung gaano kahirap pabalikin sa natural na kulay ang isang bagay sa oras na malagyan ito ng ibang kulay. Parang tiwala ng isang tao, mahirap ng ibalik sa dati. Natawa na lang ako sa ginawa ko na pagku-kumpara.
“Binibini, ito oh basahan, gamitin mo muna para punasan ‘yong sapatos, nang sa ganoon ay hindi manuot ang dumi at para na rin hindi ka mahirapan masyado na linisan iyan”, bigla naman ito napatigil at gulat na gulat na napatingin sa akin. Nagtaka naman ako sa ekspresyon ng mukha nito.
“Grabe naman Mister HAHAHAHA”, nagulat ako dahil bigla itong tumawa ng malakas. Kumunot naman ang noo ko dahil dito. “Napaka-pormal mo naman magsalita, puwede mo naman ako tawagin na Miss o kayâ ay Ate, by the way salamat dito”, sabay abot ng basahan. “Bigla-bigla naman kasi umulan, wala naman ako narinig kanina sa balita na uulan ngayong hapon, hindi tuloy ako nakapagdála ng payong”, dagdag pa nito na mararamdaman mo rin talaga ang inis dahil sa paraan ng pagsasalita nito.
“Ah eh, wala iyon, lagi ko rin iyan dala-dala, araw-araw kasi akong naglalakad kayâ kailangan ko ng pamunas ng pawis”, nagulat naman ito sa sinabi ko.
“P-p-pamunas ng pawis? Ito?”, tumango naman ako. “Eh bakit sinabi mo kanina na basahan, eh panyo pala ito! May sira ba ulo mo?”, medyo naiinis nitong sabi. Natawa naman ako rito.
“Kalma ka lang Binibini, kapag kasi sinabi kong panyo iyan sa halip na basahan, bakâ tanggihan mo ang tulong ko, pati mas madali naman iyan labhan kaysa sa sapatos na suot mo”, pagpapaliwanag ko rito na naging dahilan upang mas mainis lalo ito.
“Amp, ganito na lang, lalabhan ko na lang itong panyo at kapag nagkíta ulit tayo, iaabot ko na lang ulit, at bawal kang tumanggi. Nakakahiya at panyo mo pala ito. Tsk”, umiiling-iling nitong sabi. Gusto ko man sanang tumanggi dahil bukod sa dadalawa lang ang panyo ko, eh ang sabi pa niya ay bawal akong tumanggi. Hayaan na lang, lalabhan ko na lang gabi-gabi ang isang panyo ko hangga't hindi pa niya naibabalik ang panyo kong nasa kaniya.
“Okay, wala na rin naman ako magagawa, sana lang ay magkita agad tayo ulit para maibalik mo na rin iyan”, tumango na lang din ako agad dito para hindi na ito mainis at magsabi ng kung anu-ano. Sa totoo lang, ayoko ng maingay.
Napansin kong humihina na ang pagbuhos ng ulan kung kaya’t naghanda na ako para maglakad ulit. Kinakailangan kong magmadali at masyado na akong ginabi sa paghihintay na tumila ang ulan.
“SAGLIT MISTER!”, may narinig akong sigaw mula sa aking likuran, noong tiningnan ko, ‘yong babae palang may puting sapatos. Tumingin lang ako sa kaniya at hinihintay ang sunod nitong sasabihin.
“Ang bastos mo naman kausap, hindi ka man lang nagsabi na aalis ka na, tss”, naiinis na wika na naman nito na siyang ipinagtaka ko. Humingi na lang ako ng pasensya rito para hindi na humaba pa ang usapan.
BINABASA MO ANG
Hopes Beyond Words
General Fiction"Hindi ko gusto ang ideya na may mga kaibigan o kakilala akong tao na mas pinipiling tapusin ang sariling buhay at tuluyan na lamang sumuko sa nasimulang laban. Ang mas nakakalungkot pa rito ay wala akong magawa man lang upang sila ay mapigilan na g...