Una
Isang mapayapang umaga ang bumungad kay Alpas nang imulat niya ang kaniyang mga mata. Sumisilip ang haring araw mula sa siwang ng kaniyang pugad. Kumakaway sa kaniyang mga mata ang iba't ibang kulay ng mga dahong natatanaw niya mula sa kaniyang kinaroroonan. Masiglang lumilipad sa labas ng kanilang puno ang mga kaibigan niyang ibon na tila sumasayaw lamang sa hangin.
Abala siyang pinagmamasdan ang mga ito nang isang magandang musika ang pumaibabaw sa kaniyang pandinig. Napangiti siya nang makilala ang huni ng kanilang pinakamamahal na ina. Sa paraan ng pag-awit nito, alam na ni Alpas na oras na para sa kanilang agahan.
Tila hangin kung kumilos si Alpas. Agad-agad siyang humakbang palabas ng sariling pugad. Nang makalabas siya'y bumungad sa kaniya ang iba't ibang pugad sa paligid na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya at mga kaibigan. Nakaayos nang pabilog ang mga ito. Sa gitna ay may isang malaking hapagkainan kung saan may mga nakahanda nang iba't ibang pagkain para sa kanilang mga ibon.
"Alpas,"
Napalingon siya nang tawagin siya ng isang matining na tinig. Bumungad sa kaniya ang isang napakagandang agila na nagtataglay ng napakagandang pakpak. Kahit na nakatupi ang mga ito ay hindi pa rin ito maiwasang hindi bigyang pansin dahil sa pulang balahibo nitong tila naglalagablab na apoy kung titingnan. Tila mabangis na babae ang nakatayo sa kaniyang harapan ngayon, ngunit sinasalungat ito ng matamis na ngiting nakapaskil sa mga labi nitong tila isang napakabuting anghel.
"Magandang umaga, Ate Huni!" pagbati niya rito.
Niyakap naman siya ng mga pakpak ng babaeng agila at nagtanong, "Kamusta ang naging tulog mo, bunso? Nagkaroon ka ba ng magandang panaginip?"
Ibinalik niya ang matamis na ngiti nito. "wala akong naging panaginip, ngunit naging maayos naman ang pagtulog ko. Ikaw, ate?"
Masigla itong humuni at nagwika, "Walang kasing ganda, kapatid. Maayos na maayos ang aking pagtulog." Humuni pa itong muli na nagbigay ng isang magandang awitin sa pandinig ni Alpas.
Likas na sa mga ibong kagaya nila ang may magandang tinig at ng kakayahan sa pag-awit, ngunit higit na binayayaan ng talento ang kanilang inang si Himig at ng kaniyang nakatatandang kapatid na babaeng si Huni. Kaya ng mga itong maglabas ng napakagandang musika na palaging pumupukaw sa damdamin ng mga nakikinig sa mga ito.
"Lumabas na rin mula sa kaniyang pugad ang napakagandang agila sa buong himpapawidd."
Muling sumilay ang kasayahan kay Alpas nang narinig niyang nagsalita ang isa sa kaniyang mga nakatatandang kapatid mula sa kaniyang likuran. Umikot siya upang harapin ito. "Kuya Sandata!" Agad niya itong niyakap. "Muli mo akong binibiro, kuya."
Humalakhak naman ito sa kaniyang tinuran. "Hindi ako nagbibiro pagdating sa kagandahan ng aking pinakamamahal na mga prinsesa. Walang katulad ang kagandahan ninyong dalawa ni Huni."
Natawa si Huni at yumakap din sa mga kapatid.
"Maaari ba akong sumali?"
"Kuya Adlaw!" Sabay-sabay na sigaw ng mga ito nang dumapo bigla sa kanilang tabi ang kanilang pinakamatandang kapatid. Hindi pa man nito natutupi ang pakpak nito ay sinugod na ito ng yakap ng tatlo.
"Kumusta ang paglipad, kuya?" tanong ni Alpas.
"Gusto mo bang masahihin ko ang iyong mga pakpak?" Marahang hinaplos ng mga pakpak ni Huni ang kulay gintong pakpak ng kanilang kuya na tila isang gintong liwanag sa paningin.
"Mag-unahan na tayo sa paglipad, kuya." Bahagya naman itong binunggo ni Sandata.
"Kalilipad lamang niya, Kuya Sandata. Hayaan mo muna siyang magpahinga bago kayo mag-unahan," pagsaway rito ni Alpas.
BINABASA MO ANG
Pagaspas ✔
Short StoryComplete Maikling Kuwento (Pabula) "Ang pagiging ibon ay hindi natatapos sa pag-aral lumipad, at ang paglipad ay hindi rin nagwawakas sa pagbuka mo ng 'yong mga pakpak at pagpagaspas. Matuto kang suungin ang mapanganib na hangin, Alpas."