Ikaapat na Pagpagaspas

24 12 1
                                    

Ikaapat

Hindi kumibo si Alpas. Mula sa patalim ay umangat ang mga tingin niya kay Makisig.

Nakaramdam man ng pagkabahala sa kalaban ay ipinagpatuloy pa rin ni Makisig ang pagsugod kay Alpas na walang imik. Sa paglipad niya'y alam niyang mayroon ng mali ngunit binawila niya ang pakiramdam sa kagustuhang paslangin na ang babaeng nasa kaniyang harapan.

Nang nakalapit si Makisig kay Alpas ay dali-dali nitong inataki ang huling hindi man lamang umiwas. Akmang tatama na rito ang matutulis na kuko ni Makisig, ngunit napahinto si Makisig nang may patalim ang tumama sa kaniyang likuran.

Napapikit ang lalaking buwitre sa hindi maipaliwanag na sakit na sumakop sa kaniyang sistema. Hindi nito naigalaw ang mga pakpak na lubhang nasugatan sa nangyari. Akmang babagsak na ito, ngunit mabilis na dinagit ni Alpas ang leeg ni Makisig. Hinigpitan ng babaeng agila ang kapit sa kaniyang kalaban.

Kahit na nahihirapan ay nagawa pa ring ngumisi ni Makisig dito. "P-paano mo . . . s-sino . . ."

"Ang patalim na hawak ko kanina ang sumaksak sa 'yo," pagpapaliwanag ni Alpas sa nais malaman ng kaniyang kalaban. "Nang napapikit ka kanina ay hinagis ko 'yon sa direksyon mo, ngunit sinadya kong hindi 'yon ipatama sa 'yo at tiniyak ko ring lalampasan ka niyon. Ang patalim na iyon ay kusang bumabalik sa pinanggalingang direksyon niyon kapag hinagis."

"K-kung kaya't sinadya mo ring makipaghabulan sa akin sa ere upang wala akong mapansing patalim, at hinintay mo ang pagkakataong babalik na ang patalim na 'yon?"

Ngumisi nang bahagya si Alpas, ngunit walang bahid ng tuwa ang ngisi niyang iyon.

"Pa-paano mo nagawang maramdaman ang papalapit na patalim? W-wala akong-"

"Hindi ko naramdaman. Nakita ko. Salamat sa patalim ni Kuya Adlaw na inilabas mo. Para sa 'yong kaalaman, tumatagos sa patalim na 'yan ang liwanag kung kaya't nakita ko ang papalapit na patalim na hinagis ko sa direksyon mo kanina."

Matinding napapikit si Makisig. Ayaw niyang matalo ng isang babae lamang at agila pa, ang kaniyang kinamumuhiang lipi. Hindi siya makapapayag.

"Kahit mapatay mo 'ko, hindi magbabago ang katotohanang napaslang ko ang inyong susunod na pinuno."

"Huwag mo 'kong subukang linlangin, buwitre. Hindi ako mangmang at hangal na tulad mo." Muling ngumisi si Alpas. "Kilala ko ang mga 'yon. Hindi hahayaan ni Kuya Adlaw na mapunta sa isang tulad mo ang patalim na ineregalo ko sa kaniya. Kaya nang sinabi mong nakipagpustahan siya sa 'yo ay sumagi na sa isipan kong may nagaganap na lingid sa aking kaalaman, at nakatitiyak akong buhay pa sila ni Ate Huni. Hindi isang gaya mo lamang na hindi nag-iisip ang tatapos sa mga katulad nila."

Gamit ang mga paa'y hinugot ni Alpas ang nakatarak na patalim sa likuran ni Makisig na ikinasigaw ng huli, at dere-deretso itong bumulusok pababa. Ngunit agad itong hinabol ni Alpas pababa.

Sinubukang muli ni Makisig na igalaw ang kaniyang mga pakpak, ngunit tumitindi lamang ang sakit na kaniyang nadarama.

Pumormang ibabato ni Alpas ang patalim kay Makisig upang wakasan na sana ang buhay nito,, ngunit bubuwelo pa lamang siya'y natigilan na siya sa sumigaw sa kaniyang pangalan.

"Alpas!"

Hindi siya lumingon at ipinagpatuloy ang pagbato ng patalim kay Makisig. Sa kaniyang paghagis pababa ay mabilis na bumulusok ang dagit niyang patalim pasunod sa kaniyang kalaban. Akmang tatama na ito at muling tatarak sa bumubulusok na buwitre, ngunit napigilan ito ng isang ibon, at nasalo ng isa pa ang nanghihina nang si Makisig.

Kilala ni Alpas kung sino ang nagmamay-ari ng pulang mga pakpak na tila naglalagablab na apoy na siyang pumigil at dumagit sa kaniyang patalim at ng gintong mga pakpak na siya namang dumagit din kay Makisig. "Kuya, ate."

Pagaspas ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon