Ikalawang Pagpagaspas

26 12 1
                                    

Ikalawa

"Alpas, Huni, Musika, maaari n'yo ba akong tulungang ipamahagi ang mga pagkaing ito sa mga tagamasid at inakay na hindi pa nakakain kanina?"

Bumaling si Alpas kay Binibining Dalisay na siyang tumawag sa kanila. Isa itong maya at isa sa mga manggagamot ng kanilang angkan.

Sa kabila ng hindi nawawalang pagkabahala at takot ay ngumiti pa rin si Alpas sa binibini. "Oo naman po, binibini. Tutulungan na po namin kayo."

Napasulyap siya sa kapatid na si Huni at sa isa pa nilang kaibigang si Musika na kapatid ni Sining nang kuhain nila ang mga pagkaing itinuro sa kanila ni Binibining Dalisay. Sa tindig pa lamang ay masasabi na niyang handang-handang makipaglaban ang mga ito kung sakali mang may makalampas sa depensa at may sumugod sa kanila. Nakagayak ang mga ito nang pandigma at nakahanda na rin ang mga sandatang naka dikit sa mga pakpak, buntot, at mga paa ng mga ito.

Pumunta si Alpas sa grupo ng mga inakay na nag-uusap sa gilid ng isang hindi kalakihang pugad upang dalhan ang mga ito ng makakain, ngunit napahinto siya sa akmang paglapit nang marinig ang pinag-uusapan ng mga ito.

"Nakakatakot naman."

"Oo nga, eh. May digmaan na naman."

"Wala pa tayong kasama ngayon. Ano na ang gagawin natin kung sakaling may sumugod sa atin dito?"

"Huwag kayong mag-alala. Nandito naman ang ilang manddirigma ng ating angkan. Hindi nila tayo papabayaan."

"Oo nga, pero paano kung hindi pa sila sapat?"

"Nandito rin sina Binibining Huni at Binibining Alpas na mga anak ng ating Pinunong Sulo. Mga agila rin sila kaya asahan na nating malakas sila. Kaya nila tayong ipagtanggol sa mga kalaban."

"Pero hindi ko pa nakitang makipaglaban si Binibining Alpas kahit na kaylan. Kaya niya ba tayong ipagtanggol?"

"Nakita ko nang makipaglaban si Binibining Huni nang minsang tinulungan niya ako sa lupa, at ang galing niya talaga."

"Kung ganoon, ang mga mandirigma at si Binibining Huni lamang pala ang maaasahan natin? Paano na tayo niyan? Sana'y matapos na 'to agad."

"Oo nga. Sana rin ay matuto nang makipaglaban si Binibining Alpas nang makatulong na siya sa atin."

"Oo nga, eh. Parang wala siyang naitutulong sa atin at sa kaniyang pamilya kahit na kay pinunong Sulo man lamang."

"Kung ako siya, mahihiya ako sapagkat anak ako ng pinuno ngunit isa pa ako sa mahihina at naduduwag."

"Kapag natuto na talaga akong lumipad at makipaglaban, hindi ako magiging duwag tulad ni Binibining Alpas."

Gamit ang mga nanginginig na tuka ay dahan-dahang binitiwan ni Alpas sa sahig ang pagkain ng mga inakay na kaniyang pakay. Dali-dali niyang ibinuka ang mga pakpak at lumipad papalayo.

Nang nasa ere na siya ay tuloy-tuloy na sa pagtulo ang kaniyang mga luha, ngunit nahihipan lamang ito ng malakas na hanging sumasalubong sa kaniya.

Totoo man ang narinig niyang pinag-usapan ng mga inakay, nasaktan pa rin siya. Hindi niya alam na masakit pala iyong marinig sa iba. Alam niya at tanggap niya sa sarili niyang mahina at duwag siya, ngunit masakit sa kaniyang marinig sa ibang wala siyang pakinabang sa kanilang angkan maging sa kaniyang sariling pamilya.

Hindi niya rin namang ginustong maging ganito. Hindi niya lamang mapigilan ang sarili sa tuwing kinakain na siya ng kaniyang takot. Wala rin siyang tiwala sa sariling mananalo siya sa isang laban dahil sa paniniwala niyang mahina pa siya.

Akmang babalik na sa kanilangpuno si Alpas nang matanaw niya mula sa malayo ang isang ibong matuling lumilipad palapit sa kinaroroonan niya. Kilala niya ang kulay luntiang mga pakpak nito; si Hiraya, ang isa sa kaniyang mga kaibigan.

Pagaspas ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon