Paunang Salita

27 4 4
                                    

"Kailanman ay 'wag mo na akong sundan! Kahit ano pang dahilan, kahit hanggang sa huli kong hininga, ayaw na kitang makitang muli! Hindi na kita nais pang makitang muli!" sigaw ko sa kaniya habang patuloy akong tumatakbo palayo. Rinig na rinig ko ang tugtog ng kampana, hudyat na magsisimula na ang nobena sa Ina ng Laging Saklolo. 

Ang dilim ng gabi'y sumasalamin sa puso kong wala ng itinitibok kundi sakit, pighati. Tumatakbo kahit hindi alam kung saan patungo, bahala na. Humahagulgol, tumutulo ang luha sa bawat hakbang. Parang nauupos na kandilang unti-unting nawawala ang liwanag. 

"Bumalik ako sapagkat mahal kita." sambit niya. Sambit ng lalaking bukod tangi kong minahal sa buhay ko. Ang lalaking bukod-tangi kong pinagkatiwalaan, ang lalaking umapi sa puso ko. "Hindi natatapos ang pagmamahal ko sa iyo. Kailanman ay hindi ito naglaho, dahil mahal na mahal kita." saad niya bago pakawalan ang isang hikbi na nagpapatunay na siya'y nasasaktan.

Napatigil ako sa aking pagtakbo, umihip ang malakas na hangin at sumalamin ito kung gaano na kamanhid ang puso ko. Sobra-sobra na ang sakit, hindi ko na mapigilan ang mas malakas na iyak. Humarap ako sa kaniya at nakita ko siyang lumuhod sa lupa, ibinaba muna ang lamparang hawak sa isang bato saka kinuha ang panyo bago ipinunas sa kaniyang mata. Hindi pa din siya nagbabago, ganoon pa din ang kaniyang itsura, ang makisig niyang katawan at ang itim niyang buhok. Hindi pa din nagbabago ang kaniyang labi, matangos na ilong at nakakaakit na mata.

Nagkatitigan kaming muli, ngunit ang dating masaya niyang mga mata, nagyo'y lumuluha kagaya ng sa akin. Mas lalong kumirot ang aking puso ng mas lalong narining ang mga hikbi niya, "Sol, hindi ko na kayang mawala kang muli. Pakiusap, masyado na nating sinusugatan ang bawat isa. Hindi ko na kinakayang matanaw ka lamang sa malayo, ngumingiti ngunit hindi na dahil sa akin, dahil na sa iba.

Hindi ko na napigilan ang aking sariling tumakbo papunta sa kaniya, at gawaran siya ng isang sampal. Sampal na hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko, ang pangalawang sampal na iginawad ko sa kaniya.

"Tumigil ka na! Hindi na kita kailangan!" sabi ko sa kaniya habang nabasag ang boses ko't napahagulgol. "Tama na, Andres. Tama na! Hanggang kailan ba?" tumalikod na ako sa kaniya para punasan ang luha ko. "Punyeta, Andres, hanggang kailan?!" idinampi ko ang palad ko sa aking mukha't patuloy kong pinunasan ang luha na dumadaloy sa aking mukha bago humarap sa kaniya. 

"Sabihin mo sa akin, Andres. Hanggang kailan....hanggang kailan mo pahihirapan ang puso ko?" tanong ko sa kaniya, parehas kaming napahikbi na para bang hindi na matatapos ang paghihirap naming ito. 

Patuloy akong lumuluha at dinama ang gabi. Tumingala pa ako sa kalangitan, walang bituin kundi ang bilog na buwan lamang. Rinig ko na rin ang kanta ng mga mang-aawit sa simbahan na umaalingaw-ngaw sa buong baryo.

Hindi niya nasagot ang tanong ko, patuloy lamang siya sa pag-iyak. Kay tagal na, taon na ang lumipas simula ng ibaon ko ang aking pag-ibig sa kaniya, inihawla ko na ang sarili ko sa pag-ibig, nagtayo ng mga pader kung saan ay hindi na ako magiging biktima pa ng traydor..traydor na pag-ibig.

"Pagmasdan mo ang buwan.." sambit ko sa kaniya, tumingin muna akong muli sa kanaiya at kitang kita ko ang tumulong luha bago niya hinarap ang paraluman.

Tumingala na rin ako at sabay naming pinagmasdan ang buwan, "Ang ganda ng buwan, hindi ba?" tanong ko sa kaniya habang patuloy na pinagmamasdan ang sinag nito. 

"Oo, maganda pa rin, hindi nagbabago." kita ko sa gilid ng aking mata ang pagtitig niya sa akin. "Ganoon pa rin, sumasalamin pa rin ito sa ganda mo." sambit niya habang nakatingin sa akin ng malalim.

Humarap ako sa kaniya, "Ganito.." itinuro ko ang kalangitan habang nakatingin sa kaniya, "Ganito ang senaryo, ganiyan kabilog ang buwan noong umalis ka." Ibinaba ko na ang kamay ko at ramdam ko na naman ang namumuo kong mga luha.

Lumapit siya sa akin at sinubukang hawakan ang aking kamay ngunit sinalag ko ito. "Nandito na akong muli, nagbalik ako sa'yo. Bumalik ako dahil simula pa lamang ay iyo na ako, wala ng iba kung hindi ikaw." wika niya sa akin, nagmamakaawa.

Muli akong tumitig sa buwan, naalala ko ang aming pinagsaluhang pag-ibig, ang pagpapanggap hanggang sa naging totoo na ang lahat. Naalala kong muli ang aming mga tawa, kung gaano naging matamis ang pagsasama naming dalawa. Ngunit higit sa lahat, naalala ko rin kung paano niya ako nilisan. Kung gaano ako napahiya sa mga tao pati na ang aking pamilya. Kung paanong naging nasa magasin ako at balita ako sa buong barrio.

Muli akong napaisip, at nagnilay-nilay. Oo, may nararamdaman pa rin ako sa kaniya at hindi ko ito maitatanggi, ngunit tama na. Kailangan ng huminto ang sayaw ng pag-ibig na hindi na karapat-dapat pa. Kailangan ko ng mas pahalagahan ang aking sarili bukod sa iba. Hindi na muli ako magpapasakop, hindi na.

"Nagkakamali ka." wika ko pagkaharap sa kaniya, " Ang iyong matatamis na salita'y wala ng epekto sa akin, at hindi na mababago nito ang katotohanan na lumisan ka, iniwanan mo ako. Pinabayaan na parang isang sisiw sa ulan! Sinugatan ang puso kong walang nais kundi ang mahalin ka habang-buhay, na hindi mo pinahalagahan." sambit ko sa kaniya. Tinalikuran ko na siya't kinuhang muli ang lampara ko. Panahon na nga siguro na wakasan ang kahibangang ito, panahon na para unahin ko ang sarili ko.

Dali-dali kong inayos ang baro ko, itinupi ko na rin ang panyong ipinunas ko ng aking luha. Wala na siyang ginawa upang pigilan ako, inayos kong muli ang aking mukha, inaalis ang bakas ng sakit na nakakahiyang masaksihan pa ng mga nagdadasal sa simbahan.

Pinagpagan ko ang aking saya't nagwika, "Ngunit salamat din, dahil tinuruan mo akong magmahal....hindi para sa iyo, ngunit para sa aking sarili. Tinulungan mo akong bumalik sa panahong hindi pa kita nakikilala." Inilugay ko na ang nakapusod kong buhok at hinaplos-haplos ito. Akma akong lalakad ngunit muli niya akong tinawag kaya't napalingon akong muli sa kaniya.

"Consolacion pakiusap 'wag mo nama-"

"Tumigil ka na, ayoko ng muli kang makita." sambit ko sa kaniya habang diretsong nakatingin sa kaniyang mata, "Nais kong malaman mo na ang pag-uusap nating ito'y isa ring pamamaalam. Huli na."

"Hindi, hindi mo naiintindih-"

"Ginoong Andres, tandaan mo ito. Katakutan mo ang babaeng naging bato na ang puso dahil sa pag-ibig, dahil kahit maglumpasay ka, magmakaawa o magpamisa, wala ng makakapanakit pa sa kaniya. Ako iyon. Hindi ko na muling hahayaang mabuwag ang sarili ko dahil sa pag-ibig. Walang makakabuwag sa akin, at kung mayroon man, desisyon ng babaeng ito kung sino at kailan...ngunit tandaan mo, ang lalaking iyon ay kailanma'y hindi magiging ikaw." lumakad na ako papalayo sa kaniya. "Paalam, sana'y ito na ang huli nating pagkikita." sambit ko sa kaniya bago ako tumakbo pabalik sa simbahan.

Muli niyang tinawag ang pangalan ko ngunit hindi na ako muling lumingon pa.

Hindi na muli, hindi na ako pasasakop sa pagmamahal niya dahil ito na ang huli.

Huli.

Sa Huling Letra ng Ating KundimanWo Geschichten leben. Entdecke jetzt