Pahimakas

31 3 2
                                    


               Alas - tres ng umaga at nasa kalaliman ng tulog ang karamihan ngunit hindi ang kaniyang kaluluwa.

Nakatulala, hawak ang panulat at isang blangkong papel sa harapan, handa na siyang magsulat. 

Hindi pa nakapagsisimula sa pagsusulat ay lilingong muli sa larawan kasama ang pamilya, gugunitain ang nagdaan mga araw na ang kasiyahan nila ang kasiyahan rin niya. 

Marami na ang nagbago pero hindi ang desisyong binabalak at ngayo'y isasakatuparan, 

kalayaan.


               Nagtimpla na muna siya ng kape, marahil ito na ang huli kaya naman iba ang halimuyak at sarap nito. Nakahanda na ang lahat, ang lumang balabal na bigay ng ina sa kaniya noong siya ay labing anim na taong gulang, ang puting kamisetang natanggap niya sa matalik na kaibigan noong ika - labing anim niyang kaarawan, kulay ulap na maong regalo sa sarili noong ika - dalawampung kaarawan at tsinelas na niregalo ng kasintahang kasama ng kaniyang pamilyang maiiwanan, ang kailangan na lamang niya ay magsulat.

       "Hindi na ba magbabago ang isip mo?", 

                Sabi sa kaniya ng kasintahang hindi mawari kung saan galing ang pamamaga ng mata, sa luha ba o sa biglang pag-gising ngunit tukoy rin sa pagpatak ng luha sa mga mata nito. Titig na lamang ang naging sagot niya, pakiwari'y sapat na itong tugon sa libong tanong na gumugulo sa babaeng kaniyang iniibig. Niyakap siya ng kasintahan at pinipilit niyang punasan ang luha sa mata nito, pinipilit na malunasan ang pighating maiiwanan niya sa kaniyang pag-alis. 

    "Magkikita pa rin tayo, magsasamang muli." 

                  Sabay sa katok sa dibdib nito at halik sa noo, pinipigilang maluha ang sarili, hindi siya maaring magdala ng kahit anong bagahe sa puso na maaring makahadlang sa kaniyang paglalakbay, sa kaniyang paghahanap.

                Sinamahan niya na muna pabalik sa kwarto at hanggang sa makahiga ang kasintahan. Tinalikuran siya nito bunga ng labis na sakit na nararamdaman at pangungulilang mararamdaman sa pagsikat ng araw. Bumalik siya sa mesa, humigop sa tasa ng kapeng unti-unting lumalamig at pagkaubos nito ay sinimulan na niyang magsulat. Walang luha sa kaniyang mata ngunit bakas ang labis na lungkot, wala ng tinig sa kaniyang maririnig dahil na rin sa tutok ito sa pagsusulat. Sa liham na ito na lamang niya kayang ipaliwanag ang maagang pag-alis at kung bakit siya aalis, umaasa siyang sapat ito upang matugunan ang mga katanungang magpapaluha sa lahat ng kaniyang mahal sa buhay. Natapos na niya ang liham, itinupi sa tatlo. Nakasaulat sa ibaba na bahagi ng tupi ang katagang, 

"Sa makakabasa nito."

               Lumabas na siya ng pinto dala ang isang maliit na bag na may lamang kwaderno at panulat, maliban rito ay wala na siyang iba pang dala. Mahaba ang paglalakbay at malayo ang patutunguhan ngunit huli na para umatras at wala na sa isip niya ang bumalik. Kasabay ng bukang-liwayway ang kaniyang paglakad pa kanluran ng kawalan bitbit sa dibdib ang pag-asang matagpuan ang hinahanap na tao at mamahinga sa paraisong walang pananambitan. Tuloy - tuloy siya sa paglalakad palayo sa katinuan.



Ika-22 ng Agosto 2020



                Nagising na Carla mula sa mababaw na tulog ng kaniyang buhay, alam niyang isang taon na rin mula noong umalis ang kasintahan, alam niyang tanging pagsuporta na lamang ang kaniyang nagawa.  Kaya pagtangis na lamang ang kaniyang nagagawa sa mga bawat gabi na  mangungulila sa lumayong kasintahan. Mabigat ang kaniyang kalooban, isang taon na rin ang nakalipas mula noong huling gumising siya na may katabi sa kama. Wala na ang kaniyang kasintahang palagi siyang ginigising para uminom ng kape at ipagpapalaman siya ng mantikilya sa nakapapasong pandesal tuwing umaga.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 04, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PahimakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon