Chapter XXXVII: Friends
Sa likod nang mga ulap, patuloy pa ring nakamasid sina Eregor sa nagaganap na digmaan. Makikita ang pagkabahala sa mga mata ng limang Heavenly Knight Rank habang ang kanilang tingin ay nakatuon kay Finn na kasalukuyang nagpupumiglas at nagpupumilit na makawala mula sa pagkakagapos ng kamay ni Riyum. Napagtanto nilang lima na balak kainin ni Riyum si Finn kaya naman agad na nagsalita si Eregor.
“Kailangan kong tulungan si Finn Doria. Hindi niya kakayanin ang isang iyon. Masyadong malayo ang agwat ng lakas nilang dalawa,” sabi ni Eregor.
Hindi pinigilan nina Jetro at Sandro si Eregor. Nakararamdam din sila ng pagkabahala sa sitwasyon ni Finn kaya hindi na sila nag-atubili na pigilan si Eregor na tulungan ang binata.
Malaki ang posibilidad na sa paglitaw ni Eregor, lumitaw na rin ang iba pang kalaban, pero, masyadong mahalaga sa kanilang panig si Finn para hayaan itong malagay sa isang komplikado at delikadong sitwasyon.
Kikilos at susugurin na sana ni Eregor si Riyum nang makita niyang ibinuka nito ang kanyang malaking bunganga. Ililigtas niya na sana si Finn mula sa panganib, pero, bigla na lamang nagbago ang enerhiya ng binata. Naging maharlikang asul na berde ang enerhiya ng binata at sa isang iglap, naging anyong likido ang katawan ng binata at nakawala siya mula sa pagkakagapos ni Riyum sa kanya.
Nabuo muli ang nagkahiwa-hiwalay na likido hindi kalayuan kay Riyum at muling nanumbalik sa dati ang anyo ni Finn. Ang pinagkaiba na nga lang ngayon ay para bang naging kalmado ang kanyang enerhiya. Hindi na ito mapangwasak katulad ng kanina. Wala nang malakas na hangin ang nakapalibot sa kanyang katawan na sumasabay sa pag-alon ng kanyang berdeng enerhiya.
Naging payapa ang kanyang palibot at ang ningning sa kanyang pares ng ginintuang mga mata ay nagbigay ng kakaibang pakiramdam kina Eregor, Sandro, Jetro, Castro at Zigar.
Nakita na nila ang pinagsamang enerhiya ni Finn, pero, para bang ibang bersyon na ng Finn Doria ang nakikita nila ngayon. Mas nakararamdam sila ng kilabot ngayong naging payapa ang enerhiya ng binata.
Hindi na nakatuloy si Eregor sa paggawa ng hakbang dahil gaya nina Sandro, humanga na lamang siya sa kasalukuyang maharlikang enerhiyang nakapalibot kay Finn.
“Ako lang ba ang nakakaisip at nakararamdam nito o maging kayo ay nais sambahin si Finn Doria dahil sa kanyang taglay na enerhiya…? Para bang naging ibang nilalang siya sa aking paningin,” sabi ni Jetro habang nakatitig kay Finn.
Isa siyang hambog at mapagmalaking Rogue Adventurer. Dalawa lamang ang hinahangaan niya at iyon ay walang iba kung hindi si Malina at Dayang, pero, naguguluhan siya ngayon dahil nakararamdam din siya ng lubos na paghanga kay Finn.
Nararamdaman niya ito dahil sa maharlikang enerhiya na kasalukuyang bumabalot sa kabuuan ng binata, ganito rin ang nararamdaman nina Sandro. Bawat isa sa kanilang lima ay mapagmalaki, pero, sa kanilang nakikita at nararamdaman ngayon, para bang gusto na nilang sambahin ang binata.
“Hindi ko na masabi ang limitasyon ng lakas at potensyal ni Finn Doria,” pabulong na sabi ni Eregor. “Mukhang hindi niya pa kailangan ang tulong natin…”
Samantala, naguguluhan naman si Riyum sa pagkawala ni Finn mula sa kanyang pagkakahawak. Pinagmasdan niya ang kanyang palad at inalog-alog ito. Nakatuon lamang ang atensyon niya rito at hindi niya pa nakikita na ang binata ay nakatayo hindi kalayuan sa kanya.
Pinanood ni Finn ang ginagawa ni Riyum nang may kalmadong ekspresyon. Hindi agad siya sumugod at umatake dahil sinusuri niya pa ang galaw at pag-uugaling ito ni Riyum.
‘Para siyang isang inosenteng bata...’ sa isip ni Finn. Ibinuka niya ang kanyang bibig at sinubukan niya na kausapin si Riyum, “Ikaw…”
Noong mabigkas niya ang unang salita, agad na napatingin sa kanya si Riyum. Bumakas agad ang matinding galit sa mukha nang dambuhala at walang ano-ano ay wala siyang pakundangang sumugod kay Finn.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 7: Continental War]
FantasíaSynopsis: Nagsulputan na ang mga bagong kalaban. Ang mga sikreto ay isa-isa nang naglalabasan. Hindi pa rin natatapos ang kaguluhan, at upang matapos ito, kailangang magsimula ng malawakang digmaan upang mabago ang nakasanayan. Mayroon nang lakas at...