OSPITAL. Si Sofia ang unang nasilayan ni Mau nang manumbalik ang kanyang malay. Nasa anyo ng kaibigan na halos wala itong tulog dahil sa pagbabantay sa kanya.
“Nasa loob pa ng bahay ang tatlong lalaki nang kumatok ka, Mau… Hindi lang kami makasagot dahil may mga armas sila,” ang sabi ng dalaga.
“A-anong ginawa nila sa iyo?” tanong niya na panay pa rin ang kabog ng dibdib.
Kinuha nila ang laptop ko at pinagsisira pa’ng computer ng kapatid ko. Binantaan din nila kami na papatayin kapag nagsumbong sa mga alagad ng batas.”
“Paano’ng… m-mabuti at hindi kayo sinaktan,” bulalas niya.
” Ang tindera sa tindahan ang tumawag ng mga pulis. May nakitawag daw na isang babae roon pero umalis agad dahil hinahabol ng isang lalaki. Nagkaideya ako na ikaw ‘yon kaya pinaghahanap ka namin sa pali-paligid. Salamat sa Diyos, natagpuan ka namin bago ka pa maubusan ng dugo,” kuwento ni Sofia.
Napapikit si Mau. Umaalon ang dibdib niya sa nabubuong malaking takot.
KAPAREHONG pangyayari ang naganap sa boarding house nina Mau. Ibinalita ito ng roommates niya na dumalaw sa dalaga sa ospital.
“May dalawang lalaking puwersahang pumasok sa boarding house. Kinuha ang laptop mo at ang MPS player. Wala kaming nagawa dahil armado sila,” sumbong ng isa.
“Takot na takot nga kami,” sabi naman ng isa.
“Sino kaya ang mga iyon?” pakli naman ng pangatlo.
Ibig nang manlaki ang ulo ni Mau. Ibig nang sumabog.
Nadagdagan ang takot sa puso niya nang pagkaalis ng mga ka-boardmate ay dumating at dumalaw sa kanya sa ospital sina Ben at Hilda.
Ganoon din ang kuwento ng mag-asawa. May mga lalaking pumasok sa kanilang bahay at pinagsisira ang lahat ng computer sa bahay nila kasama na ang kay Joepet.
Ikinuwento niya sa mga ito ang nangyari sa bahay ng kaibigang si Sofia at sa tinitirhang boardmate.
Iisa ang konklusyon nila: Gustong burahin nina Zoren ang kopya ng mga komposisyon nito na maaaring magamit na ebidensya sakali mang isiwalat niya ang backmasked messages na taglay ng mga ito.
Pero hindi nila puwedeng idemanda si Zoren at ang tatlo pang kasamahan ng robbery at attempted murder dahil walang kahawig ang mga iyon sa mga lalaking umatake sa kanila.
At iyon ang nakatatakot.
Malaki ang takot ng dalaga dahil malinaw na may ibang tumutulong kina Zoren na kung hindi sila magkakamali ay ang mga Satanista.
Agad namang naglaho ang nasabing pangamba ni Mau dahil hindi na itinuloy ni Zoren ang pagbibenta ng komposisyon nito sa kumontratang recording studio at nagdesisyong mangibang-bansa na lamang ang mga ito.
ILANG taon ang nagdaan. Manager na si Mau sa isang call center. Naka-get over na rin siya sa pagkawala ni Joepet. Ang totoo ay may napupusuan na siya sa isa sa kanyang mga manliligaw.
Pero madalas pa rin niyang maalaala ang mahiwagang lalaking iyon na sumaksak sa kanya. Iniisip pa rin niya kung sino ito at kung tama ba ang hinala na kabilang ito sa kulto ng mga Satanista.
Tinapakan ni Mau ang break ng kanyang kotse nang makitang umilaw ang pulang kulay sa stoplight.
Beelzebub ang pangalan ko, ang saya sa mundo ko
Walang hanggan ang tawa, langhap na, langhap pa!
Huwag ipagbukas, lumipad ka! Ngayon na!
Pamilyar na rap. Tinumbok ang dibdib ni Mau pagkarinig noon mula sa stereo ng katabing kotse na nakahinto rin. Marahan siyang lumingon. At muntik na siyang mapasigaw dahil…
Kahit nakatagilid, namukhaan niya ang nasa driver’s seat-ang mahiwagang lalaki!
At nakangisi ito habang nakatingin sa kanya!
Wakas