Kung iguguhit kita, sisimulan ko sa iyong mga mata,
at nang makita mo naman ang aking halaga,
halaga na ipinagkaloob mo sa iba noong mga panahong tayo'y magkasama.Alam mo? Andito lang naman ako pero bakit napakalayo ng tanaw mo?
Hindi ko mahagilap sa mga mata mo ang totoo,
Ano nga ba ako sayo?Kung iguguhit kita, asahan mong hihigit pa sa dalawa ang iyong tenga,
upang marinig mo ang isinisigaw nitong puso ko na sinasambit ang pangalan mo,
kasabay ng mga katagang nasasaktan at napapagod ang isang tulad ko sa mga pambabalewala mo.
Bakit ba kasi nagbibingi-bingihan ka? Bakit pagdating sa kanya,
singtalas pa sa pandinig ng aso ang iyong tenga, iba ka talaga.Kung iguguhit kita isusunod ko ang iyong labi na may pinakamagandang ngiti.
Iyan ang dahilan kung bakit ako sayo'y tuluyang nabighani.
Ngunit ang mga ngiti mong yan pala ang magiging sanhi,
sa pagtulo ng luha ko dulot ng pighati.Tuluyan ka ng nag-iba, minsan ka na lang ngumiti sa akin, peke pa.
Pero bakit sa tuwing kasama mo siya, tumatalon ka sa saya!
Panahon na ba upang ako'y huminto na?Kung iguguhit kita, hindi kita lalagyan ng puso,
hindi naman sa akin yan tumitibok at nakaturo.
Alam mo, naiinis ako sayo dahil pinaramdam mo sa akin na espesyal ako.
Pinaramdam mo na ako lang ay para sa iyo.
Sabi mo pa nga, magiging babaero ka lang kapag dumami ako.
Kalokohan lang pala ang mga sinabi mo at kailanma'y hindi mo sineryoso.Kung iguguhit kita, sisiguraduhin kong magiging maliit ang iyong mga kamay,
dahil alam ko na hindi mo ako kayang panghawakan habang buhay.
Nakakainis kasi nangako tayo sa isa't isa na walang iwanan,
ngunit bakit tuluyan mo akong iniwan?
Ang mga pangako mo'y nilipad na ng hangin.
Unti-unti akong nahuhulog sa bangin,
na akala ko ako iyong sasaluhin.
Akala ko lang pala!
Pinagmukha mo akong tanga,
at eto ako sayo nadala.Kung iguguhit kita, papahabain ko na ang iyong mga paa.
Alam ko kasing mabilis kang tumakbo palayo sa piling ko.
Hahayaan kitang tumakbo hanggang marating mo ang dulo,
hahayaan kitang libutin ang bawat daan na wala ako.
Hahayaan kita kung saan ka mas sasaya.
Hahayaan kita na makapiling siya.
Huwag kang mag-alala, mas sasaya ako kung wala ka.At kung magkita man tayo,
wala ng epekto ang pangalan mo na babanggitin ko.
Ituturing kita kung ano tayo noong una, isang estranghero.Kaya kung iguguhit kita, asahan mong hindi na ito matatapos pa.
Buburahin ko ito, kasabay ng paglimot ko sa mga alaala nating dalawa.