Papag

54 3 2
                                    

Sa edad na 11 anyos, nawalan na ako ng mga magulang. Maaga akong namulat sa reyalidad na walang patutunguhan ang buhay kung hindi magba-banat ng buto. Mahirap tanggapin na ganito ang kinahinatnan ng buhay ko kung kelan kailangan ko ng aruga galing sa mga namayapa kong pamilya. Naalala ko noong namumulot ako ng mga bote't plastic sa tapat ng elementarya na di kalayuan sa munting papag na tinutulugan ko. Ano kayang pakiramdam pumasok sa paaralan suot ang puting blusa at may lamang biskwit sa sukbit na bag? Hindi ko mapigilang pagpagan ang madumi kong t-shirt na kung tutuusin iyon na ang pinakamagandang damit na naisuot ko.

Napatigil ako sa isang maliit na karenderya at namimilog ang mga mata na tinignan ang mga lutong ulam na nakalagay sa tila babasaging salamin. Ibinaba ko ang sako sa may paanan ko at isa-isang inobserbahan ang mga ito. Kada putahe ay naghahalagang 45 pesos kada mangkok. Napalunok ako ng laway sa pagtataka.

"O Nong! Bibili ka ba? Ano ba gusto mo? Ayan meron kaming afritada, menudo, kaldereta, bopis tsaka pritong tilapia. Pumili ka lang." ngiting bungad ni Manang Weng, ang may-ari ng karenderyang ito. Gaya nang una hindi pa rin nagbabago ang mga ngiti niya sa'kin na sa hinuha ko noong umpisa ko siyang makilala ay napakabait ang pagtrato. 50 anyos na siya kung tutuusin at meron ng apat na mga propesyonal na anak na napagtapos pero ni kailanman hindi nagbago ang pakikitungo niya bilang mapagpakumbabang tao.

"Busog pa po ako e." pekeng ngiting aso na lamang ang naisagot ko bilang pagsisinungaling. Ang totoo niyan kahit takam na takam na ako't nanghihina sa gutom ay hindi ko kayang bumili sa kadahilanang 13 pesos na lamang ang natira sa sa bulsa ko. Maingat ko pa itong binalot sa plastic para hindi mawala. Tiis gutom na lang siguro baka may mahanap akong mga tirang kanin sa basurahan para maibsan man lang ang gutom ko. "Mauuna na muna po ako, Manang Weng. Meron pa po kasi akong hahakuting basura sa kabilang eskinita."

Agad ko namang pinulot ang sako at akmang lalakad na paalis ng maulinigan ko ang isang humaharurot na motorsiklo papunta sa direksyon ko. Pilit na nagsisenyales ang driver na humawi ang mga tao dahil nawalan ito ng preno. Sa puntong iyon, aligaga ako kung saan ako tatakbo dahil may kabigatan ang sako na tangan-tangan ko. Rinig na rinig ko rin ang bulyaw ni Manang Weng ngunit tila dumikit ang mga paa ko sa lupa at hindi ko magawang gumalaw. Bumagal ang tibok ng puso ko nang unti-unting lumalapit ang motorsiklo. Dito na lang ba magtatapos ang buhay ko?

"Meow! Meowww!" Isang puting pusa ang na hindi ko alam kung saan galing ang lumundag sa gitna ng daan at naupo pa para dilaan ang mga paa nito. Nanlalaki ang mga mata ko sa pagkagulat dahil rumaragasa ang sasakyan at pawang hindi ito naaalarma sa ingay ng mga nasa paligid.

"HOY BATA! MAGPAPAKAMATAY KA BA?! UMALIS KA NA DIYAN!" bulyaw ng tanod ngunit nanatiling nakapokus ang atensyon ko sa pusa at walang emosyon ang mga matang tinitigan lang din ako. Sa takot ko na mabangga siya ay dali-dali kong binitawan ang sako. Mabilis ang pagtakbo ko at hangos-hangos ang hiningang hinablot siya ngunit sa inaasahang pitik ng segundo'y namalayan ko na lamang ang pagsadsad ng motor kasabay ang tunog ng nakakabinging busina ay naramdaman ko na lamang ang pagkamanhid ng katawan.

"Nong!" Biglang umitim ang buong paligid.


Pumupungay ang mga mata ko sa panghihina at pilit na binubuksan nang maramdaman ang sarili na tila tinutulak sa madulas na pasilyo. May naririnig akong mahinang boses ngunit mabilis ang pagsasalita nito at nagmamadali. "Doc, unstable ang vital signs!" Sinubukan kong igalaw ang hinlalaki ko ngunit hindi ko maramdaman iyon. Maya-maya pa ay tumambad ang nakakahilong sakit sa banda ng ulo ko. Napaka-sakit na hindi ko napigilan ang maluha hanggang sa tuluyan akong dinala ng nakakahigop na antok.

Kung babawian ako ng buhay ngayon, nais kong malaya akong makakapaglakad sa hardin ng mga bulaklak. Sa dulo ng mahabang paglalakbay sana'y naghihintay ang aking mga magulang upang muli ko silang mayakap. Sigurado akong hindi na ako kailanman mangungulila...

Puting kisame. Mabangong halimuyak ng malamig na kwarto. Malambot na puting kama. Nilibot ko ang mga mata sa kabuong disenyo ng kwarto. Hindi iyon pangkaraniwan. Amoy mamahalin. Nasa kabilang buhay na ba ako?

"Hi! Kumusta pakiramdam mo?" napa-titig ako sa nakangiting babae na naka-upo sa paanan ng kama. Matingkad at mahaba ang kaniyang buhok at sa palagay kong nasa 30 anyos pa lang siya. Meron siyang benda sa kaniyang braso't siko maging sa mukha nito'y may mga maliliit sugat. Ngayon ko lang siya nakita.

"Limang araw kang walang malay. Good thing kahit papaano you're okay na." dagdag niya pa. Nanatiling tahimik lang ako habang nagsasalita siya sapagkat hindi ko pa gaano kayang magsalita.
Limang araw? Anong lagay ko sa ilang araw na iyon? Hindi ko alam na ganoon kahaba akong nakaratay mula nang mangyari ang aksidente. Wala rin akong ideya sa kung ano ang posisyon ko ngayon maliban sa nakikita kong naka-angat ang kanan kong paa. Nababalutan iyon ng benda.

"Gusto ko palang humingi ng sincere apology sayo. I know hindi mababayaran ng concern kong pagamutin ka dahil na rin sa nangyari at sa kalagayan mo ngayon. Sobrang unexpected din kasi na mawalan ng preno ang sinasakyan ko that specific time. I hope sa paraang 'to I could help you. I'm really really sorry. Hindi ako patatahimikin ng konsensya ko kung namatay ka." Siya pala 'yon. "Wala ka ng poproblemahin sa gastusin. Ako ng bahala doon."

Bigla kong naalala ang pusa. "Nakita mo ba yung puting pusa na yakap ko?" pilit at nanghihinang tanong ko. Mula nang mawalan ako ng malay hindi ko na nalaman kung anong eksaktong nangyari. Maayos ba kalagayan niya?

"Anong cat? Are you the owner ba? Hindi ko nakita 'yon e. As far as I remember wala akong nakitang white cat doon kaya laking gulat ko nang bigla ka na lang nag-appear sa gitnang kalsada. You could have died if hindi ka kaagad nadala sa ospital. Buti na lang maraming tumulong." Hindi naman 'yon maaari. Kitang-kita kong pumagitna ang pusa sa daan. Saan na kaya siya pumunta? Hindi kaya namamalikmata lang ako?

"Anyway, someone told me na sabihin ko raw sayo na dumalaw siya dito pero babalik lang naman din daw. I thought she's your mother. Nagdala siya ng mga fruits para sayo nandoon nakalagay sa table. Manang Weng name niya right?" tumango ako. "Marami siyang nakwento sa akin even the sad fact na ulilang bata ka na raw. Bakit hindi ka humingi ng tulong sa DSWD? Mas masi-secure nila safety mo kaysa pagala-gala ka sa daan. Masyadong delikado ngayon." Ang alam ko lang din naman gusto kong buhayin ang sarili ko ng mag-isa.

Oo, ganoon ngang mahirap ang pakikipagsapalaran subalit ayoko rin umasa. Balita ko rin naman maraming bata doon pero hindi ko nakikita ang sarili na mapabilang sa kanila dahil gusto kong pagpaguran ang lahat ng bagay. Alam kong hindi ako nababagay doon. Wala pa ako sa tamang edad pero ipinagmamalaki kong walang mali sa buhay na tinatahak ko ngayon at hindi ako nagnanakaw. Ilang beses na rin akong muntikang madampot ngunit sadyang mabilis akong tumakbo para makatakas. Ayokong mapunta sa bahay ampunan.

Hinawakan ng babae ang kamay ko. "I understand na sobra ka pang naguguluhan sa mga nangyayari so I would like to give you an offer. Papayag ka bang i-adopt kita? You remind me of someone na sobra kong tini-treasure. Would it be fine?"




Random SoliloquiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon