SUNNY AVRIELLE's POV
Isang maginhawang umaga na naman ang bumungad sa akng paggising, ngunit ang maingay na bunganga ng aking ina ay hindi ko narinig. Nakasanayan ko nang marindi sa kanyang tinig sa tuwing hindi pa ako tumatayo sa aking higaan, pero ngayon ay napakatahimik ng kapaligiran.
Hindi kaya'y na-kidnap si mama?!
Dali-dali akong tumayo mula sa aking malambot at maputing kama nang dumaan sa isipan ko iyon. "Mama!" Tinulak ko palayo ang nakaharang na kagamitan ko sa eskuwelahan upang hindi ako madapa. "Mama," pag-uulit ko ng pagtawag sa kanya.
Ang bawat paghakbang ko paibaba ng hagdan mula sa ikalawang palapag ng bahay namin ay mabilis pa sa alas-kwatro. Kakaiba ang nadarama ko ngayon at alam kong hindi ganito ang nakasanayan ko. Nag sign of the cross na ako at walang tigil ang aking isipan sa pagdarasal, na sana ay nasa maayos na kalagayan lang si mama.
Narating ko na ang kusina at sinilip ko na rin ang bawat kwarto na naroroon pero wala pa rin akong nasisilayan na kahit kapiranggot na anino ni mama. Nilayasan na ba niya ako? Masyado na yata ako naging pabigat sa kanya.
Kusang nanghina ang mga binti at tuhod ko at hindi ko na rin namalayan na napaluhod na pala ako sa sahig. "Mama, nasaan ka na ba?" pabulong na tanong ko sa sarili. Hindi ko naman magawang hanapin si mama kay papa dahil wala din siya rito, naroroon na siya sa pinagtatrabahuhan niyang opisina.
Wala na akong ibang nagawa kundi ang yakapin ang sarili kong mga binti matapos kong umayos sa pagkakaupo sa lapag. Nararamdaman ko na rin ang nagbabadya kong mga luha dulot ng nag-iinit kong mga mata.
Talaga nga namang isang segundo na lang ay gugulong na ang mga luha ko papunta sa aking pisngi subalit, hindi na ito natuloy nang marinig ko ang mga yapak ng isang tao palapit sa direksyon ko. "Sunny? Anong ginagawa mo riyan, anak? Hindi pa ako nakakapaglinis ng bahay baka marumihan ka riyan!"
Agad akong napabangon ng mapagtanto kong boses iyon ni mama at nang makita kong siya nga iyon pagkalingon ko ay tumakbo na ako papunta sa kanya tsaka ko siya niyakap ng mahigpit. "Mama naman eh... Akala ko... A-Akala ko iniwan mo na ako... pati si Papa," naiiyak na sambit ko habang nakapatong ang mukha ko sa parte ng sikmura niya.
"Ang aga mo naman magising?" nagtatakang tanong niya sa akin na para bang hindi niya pinansin ang sinabi ko.
Bahagya kong inangat ang ulo ko para masilayan ang napakaganda niyang mukha, na siyang pinagmulan din ng sarili kong kagandahan. "Saan ka ba pumunta?" usisa ko sa kanya at siya na mismo ang kumalas mula sa aming pagkakayakap. Naglabas siya ng isang mahabang puting envelope at hindi ko naman alam kung ano ang laman no'n. "Ano 'yan?" tinitigan ko lamang iyon hanggang sa buksan na niya ang envelope.
Napansin ko kung paano nagbago ang timpla ng mukha ni mama, na para bang hindi magandang balita ang dulot ng isang envelope na iyon. Gustuhin ko man na 'wag na niya iyon basahin pa sa akin ay hindi ko rin mapigilan ang sarili kong ma-curious.
"Letter of resignation ito ng mahal mong tatay," ngumiti siya ng peke tsaka iniabot sa akin ang papel na naglalaman nga ng sulat base sa pagkakasabi niya sa akin. "Nakita ko lang ito sa kwarto niya at mukhang naiwan niya o sinadya niyang iwan dahil alam niyang kinakalikot ko ang mga gamit niya sa kwarto," dagdag na paliwanag pa ni mama.
"R-Resignation po?"
"Oo, anak..."
Umiling ako ng tatlong beses. "H-Hindi ko po maintindihan, para saan ba ito at napapalungkot ka ng isang pirasong papel na ito?" naguguluhan pa ring tanong ko.
"Masyado ka pa kasing bata para maintindihan ang problema, Sunny," bumuntong hininga siya at binawi ang papel mula sa kamay ko. "Mawawalan na ng trabaho ang Papa mo, kusa siyang aalis sa trabaho ng hindi naman nagsasabi sa atin kung ano ang problema niya," pagpapaintindi sa akin ni mama sa sitwasyon. "Akala mo naman ay hindi natin siya kaano-ano para sarilihin ang problema," pabulong na dugtong niya na sapat naman para marinig ko pa rin.
"Iiwan... Iiwan na rin ba tayo ni P-Papa?" nauutal kong tanong.
"Nasa sa kanya na iyon, Sunny," diretsahang sagot ni mama tsaka niya hinawakan ang magkabila kong pisngi. Nakakangawit man ay nakaangat ang aking ulo para lang magpantay ang tingin namin ni mama. "Sa ngayon, kailangan mong mag-aral ng mabuti. Naiintindihan mo ba, Sunny? Wala ka ibang dapat na gawin kundi ang mag-aral ng husto hanggang sa araw na makapagtapos ka na ng pag-aaral mo," mariin niyang sabi sa akin.
Basta na lang akong tumango kahit pa hindi ko naman alam kung bakit ko kailangan gawin iyon, kung si papa naman ang mawawalan ng trabaho. "K-Kung ganoong aalis na sa trabaho si Papa, nasaan na siya ngayon?" Inilibot ko ang tingin ko sa bahay, sa bawat sulok nito at nang hindi ko makita si papa ay binalik ko na lang ang atensyon ko kay mama.
"Huwag mo na muna intindihin ang tatay mo. Mag-asikaso ka na ng gamit mo at mahuhuli ka na sa klase mo, anong oras na oh," bilin sa akin ni mama.
Sinulyapan ko ang orasan at nakitang malapit na nga ang oras para sa una kong klase. Tinataboy na rin ako ni mama kaya wala na akong palag pa roon. Bumalik na ako sa kwarto ko at dinampot ang bag ko, nakahanda naman na ang mga kailangan kong dalhin sa school kaya wala na ako ibang dapat pang gawin.
Pagkababa ko mula sa aking kwarto ay nakita ko si mama na nakapatong ang dalawa niyang kamay sa noo niya habang nakaupo sa tapat ng lamesa. Nang marinig niya ang pagtapak ko ay agad niya akong tiningnan.
"Okay ka na? Tara, ihahatid na kita."
Nauna pang maglakad si mama kaysa sa akin kaya sinundan ko na siya. Bago ako tuluyang lumabas ng bahay ay pinagmasdan ko muna iyon, baka sakaling lumabas at magpakita si papa sa akin at sabihin na nagsisinungaling lamang si mama na wala na siyang trabaho.
"Sunny? Bilisan mo na," sabi ni mama na nasa malayo na kaya ako na ang nagsara ng pinto.
"Nand'yan na po!"
Ito na ba ang unang hakbang ko patungo sa buhay na hindi ko kailanman hahangarin?
BINABASA MO ANG
Love Me With Your Lies
Teen Fiction[BOOK 1] Si Sunny Avrielle ay mayroong mataas na pangarap para sa kanyang sariling kinabukasan, halos lahat ng kanyang ginagawa ay para sa ikabubuti niya. Abala siya sa pag-aaral at wala siyang ibang gustong atupagin kundi ang matuto nang husto. Sub...