DAVID MAURICIO
(Ninong/Tito David)Ilang oras na kaming nasa hapag ngunit wala pa ring nagnanais na tumayo at umalis (maliban sa mga bata na kanina pa naglalaro sa sala). Lahat ay masayang masaya sa muling pagbabalik ni Rodel, kasama si Allie at ang dalawang pagkagwapo-gwapo at mistulang mga anghel nilang anak na sila Angelo at Ricco.
Hindi maubos ang mga tanong, mga pagbabalik-tanaw sa mga alaala ng nakaraan (lalo na ng magkakapatid), mga kalokohang banat nila Nelson at Martin, at mga diskusyon na may kinalaman sa trabaho. Maging si Brent ay komportable rin na nakikipagusap sa lahat. Palibhasa'y may angking talino at kasing edad lang rin nila Allie at Rodel, marami siyang naibabahagi. Hindi ko nga napipigilang humanga at lalong mapamahal sa napakagwapo kong kasintahan.
Maya maya, habang tuloy pa rin ang kwentuhan ay napansin ko ang pananahimik ni Rodel. Tahimik niyang iniikot ang paningin sa palibot ng bahay (kung ano ang kaya niyang makita sa kusina).
"May problema ka ba, Rodel?" tanong ko.
Tumingin siya sa akin at umiling. At palibhasa, sa kanya napatingin ang lahat, kitang kita kong pinilit niyang ngumiti.
"Wala naman po. I just can't help but be amazed. Ang ganda ganda na po kasi ng bahay. Ibang iba sa hitsura noon, nung mga bata pa kami."
"Well, asawa ko lang naman ang nagdesign niyan." buong pagmamalaking sinabi ni Charlie habang si Martin ay nagpapanggap na umuubo.
Nagtawanan kami ngunit agad na napawi nang biglang lumungkot ang mukha ni Rodel.
"Pasensya na kayo ha?" nakayuko niyang sinabi. "Ako ang Kuya pero dahil iniwan ko kayo, hindi ko man lang kayo nasuportahan at natulungan sa pag-abot ng mga pangarap niyo. Ako dapat ang unang unang may ambag dito - sa pagpapagawa ng bahay, pero dahil wala ako, kayo tuloy ang umako ng responsibilidad."
Dahil doon, ang masayang kwentuhan ay napalitan ng iyakan pagkat nagumpisa nang umiyak si Lisa.
"Kuya naman. Kahit kailan naman eh hindi naman namin naisip na may pagkukulang ka." sabi ni Kevin. "Katunayan, hindi namin makakalimutan na bago mo pinili ang sarili mo, matagal mo muna kaming inuna."
"Oo nga, Kuya." sabi naman ni Charlie. "Nag-aaral kami ni Kevin, pero ikaw, isinantabi mo ang pangarap mo. Nagtrabaho ka. Sumama ka kay Tito David sa byahe para may maiuwi kang pera para sa amin. Alam mo bang lagi kong ibinibida iyon sa mga kaklase namin noon? Na ang kuya ko, hindi gaya ng ibang mga kuya na pabigat at walang silbi. Ayan o, si Tito David. Siya ang makakapagpatunay ng mga sakripisyo mo para sa amin."
"Oo nga, Rodel." hindi ko napigilan ay nagsalita na rin ako. "Bakit ba bigla mong inisip 'yan?"
"Ako ang may kasalanan." sabi ni Robert at lahat ay napatingin sa kanya. "Kung hindi ako naging masama sa kuya niyo, hindi niya kinailangang iwanan tayo."
"Tay." sabi ni Rodel pagkat umiyak na rin ang kanyang ama.
"Kung ako ang tatanungin," Tumaginting ang malaking boses ni Marco. Hanggang ngayon ay nagugulat pa rin kami sa biglang paglaki ng boses niya. "wala namang mali na pinili mo ang sarili mo, Kuya at pinili mo kung ano ang magpapasaya sa'yo. Ang akin lang sana, kahit man lang sana sa Facebook, nagparamdam ka. Hindi ka naman siguro masusundan ni Tatay sa Italy at pauuwiin dito sakali mang hindi pa rin siya pabor sa inyo ni Kuya Allie. Kasi Kuya, namiss naman kita. Batang bata pa ako noon nung iwan mo kami. Kung sila, kaya nila ang mga sarili nila, ako, walang nagpaliwanag sa akin kung bakit bigla ka na lang nawala. Lumaki ako na alam kong may kuya ako na sana naging gabay ko sa pagbibinata, pero hindi ko alam kung nasaan."
Walang nakapagsalita pagkatapos dahil umiyak na halos lahat. May punto si Marco. Ibinilin ko rin kay Rodel na huwag siyang makakalimot. Hindi ko rin akalain kasi na tuluyang maglalaho si Rodel na ang unang akala ko ay magpapakalayo-layo lang kasama si Allie.
BINABASA MO ANG
The Other Half
RomanceA rich, handsome young man meets the penniless, bright-eyed boy on the day he decided to take his own life. Will their differences complete each other's missing parts? Written in 2007 by the author that gave you Two Roads 1-3, Wheel Turns and I Love...