Nagising si Lionel dahil sa sikat ng araw na tumambad sa kanyang mukha. Kinusot-kusot niya ang magkabilang mata habang umupo upang sumandal sa uluhan ng kama. Napabalikwas siya nang naalala niyang may kasiyahan silang magaganap sa iskwelahan.
Agad agad siyang bumangon at tinungo ang daan papuntang banyo. Naligo siya at nagsipilyo. Pagkatapos ay nagbihis siya saka tinungo ang daan papunta sa sala kung saan naroroon ang kanyang ama't ina.
"Magandang umaga po!" nakangiting bati ni Lionel sa kanyang magulang sabay mano rito. Nakangiti ang dalawang mag-asawa habang pinagmamasdan ang kanilang anak.
"Inay, itay, aalis na po ako. May kasiyahan na magaganap sa aming iskwelahan!" natutuwang anunsyo ni Lionel.
"Oh, sige. Mag-iingat ka, anak, ah? Tawagan mo kami kapag may kailangan ka," sabi ng Ama ni Lionel.
"Opo, maraming salamat po! Aalis na po ako, Inay, Itay!" paalam ni Lionel habang kumakaway kaway paalis.
Hindi kalayuan ang bahay ni Lionel sa kanilang iskwelahan kaya nilakad niya lamang ito. Hindi dahil sa nagtitipid siya pera kundi nasisiyahan siya dahil sa sikat ng araw at sa sariwang hangin na tumatambad sa mga balat niya.
Nang nakarating si Lionel sa loob ng iskwelahan ay inilibot niya ang kanyang paningin. Lalo siyang natuwa dahil paniguradong may laro at premyo sila. Agad agad na tumakbo si Lionel papunta sa kanyang silid kahit hindi pa siya nahuhuli. Gusto niya makita ang kanyang guro upang batiin pati na rin ang kanyang mga kaklase.
"Si Lionel, oh!" Wala pa nakakalapit si Lionel ngunit narinig niya ang sinabi ng isa sa mga kaklase niya.
Agad nawala ang ngiti sa mga mukha ni Lionel nang nakalapit siya rito. "Bakit gan'yan ang suot mo? Wala ka bang pambili ng damit?" sambit ng isang maitim at matabang kaklase ni Lionel dahilan nagtawanan ang lahat.
Napatingin si Lionel sa suot niyang damit. Hindi naman mahal at tatak ang suot niyang damit pero maayos naman ito. Nakasuot siyang polo na kulay dilaw na pinaghalong pula at asul at maong na pinares sa suot niyang rubber shoes na iniregalo sa kanya ng kanyang Ama noon.
Nagtataka niyang tinignan ang kanyang kaklase at pinipigilan huwag malungkot. Kagat pang ibabang labi habang tinuloy ang paglalakad. Siya na ang kusang umiwas dahil ayaw niyang makipag-away, iyon ay bilin sa kanya ng kanyang magulang.
Lumaking mahirap si Lionel kahit ganoon ay hindi niya ipinagkait na lumaki siya sa mahirap na pamilya. Mahirap man siya pero may pamilya siyang tunay na nagmamahal sa kanya. Agad umaliwalas ang ngiti sa mukha ni Lionel nang salubungin siya ng kanyang guro na si Bb. Carlos.
"Merry Christmas, anak! Na saan ang regalo mo at nang mailagay ko na roon sa mesa?" bungad ni Bb. Carlos.
"Merry Christmas din po, Bb. Carlos. Ito po ang aking regalo at para po sa inyo," bati ni Lionel saka inabot ang dalawang regalo. Ang isa ay para sa kanyang guro.
"Maraming salamat, anak. Sige, umupo kana roon at malapit ng magsimula ang kasiyahan," sabi ni Bb. Carlos na ikinatango ni Lionel bilang sagot at sinunod ang bilin ng guro.
Buong araw ay masaya si Lionel at tila nawala sa kanyang isipan ang sinabi ng kanyang kaklase. Maraming premyong natanggap si Lionel dahil sa kakasali niya sa iba't ibang klaseng laro. Ang iba niyang kaklase ay gano'n din.
Nang matapos ang kasiyahan ay umuwi si Lionel na may ngiting kumurba sa kanyang mga mukha. Natuwa ang kanyang magulang nang makita ang anak at tila nasisiyahan sa kasiyahan sa kanilang iskwelahan.
AlaishaViolet's note,
Ito ay takdang aralin namin sa Filipino. Gusto kong i-share sa inyo ang ginawa kong maikling kwento at paumanhin kung iba ang pagkakaintindi ko dahil medyo hindi ko maintindihan ang storyang iyon. Kung napapansin niyo, ginamit ko lang ang tauhan pero iba ang storya. Kung ikaw ay isang Grade 10 student kagaya ko, ay sa palagay ko ay alam niyo ito.
Ang natutunan ko roon ay huwag masyadong mataas ang tingin sa sarili (base iyon sa pagkakaintindi ko). Tayo ay pantay-pantay lamang. Walang mataas, walang mababa. Ngunit iba nga lang ang ating estado sa buhay.
Sana'y may natutunan kayo at may aral na nakuha. Kung hindi kayo pamilyar, maaari niyo siyang basahin o pakinggan sa YouTube. I-search niyo lamang ang Parang Sine at lalabas na iyon.
Iyon lang, maraming salamat sa pagbabasa at sa walang sawang suporta. Mahal ko kayo, Violetians.