8

146 37 6
                                    

Nanginginig ang kamay ko habang hinahawakan ang pinto ng taxi. Hindi ako mapakali sa bawat minutong lumilipas. Puno ng kaba at takot ang buong pagkatao ko. Kaagad akong bumaba nang tumapat ito sa harap ng hospital.

Lakad takbo ang ginawa ko papasok ng hospital. Sa isang oras na naging byahe ko, para ng isang araw akong nag-byahe sa tagal.

Huminto ako sa harap information desk. May isang nurse na nagbabantay do'n habang nakatutok ang mga mata sa computer.

"Nurse, nasaan ang room ni Sanya Rodriguez?" tanong ko sa kaniya.

Umangat siya ng ulo. "Kaano-ano mo po ang pasyente, Ma'am?"

Natigilan ako't hindi kaagad nakasagot sa tanong ng nurse. Hindi ko alam kung ligtas ba na sasabihin ko sa kaniya na anak ko ang pasyente. Isang pagkakamali na hindi ko man lang natanong kay mama kung anong room number nila.

"Kapatid ko po."

Tumango siya at tumingin ulit sa computer. Ilang tipa ang ginawa niya bago umangat muli ng tingin sa akin.

"Room 238. Sa second floor po," nakangiti niyang sabi sa akin.

Tumango ako at nagpasalamat muna sa kaniya bago siya tinalikuran at patakbong pumunta sa hagdan. May elevator naman ang hospital pero sigurado akong marami ang gumagamit no'n.

Pawisan at hinihingal pa nang tumigil ako sa harap ng k'warto. Binuksan ko ang pinto at doon ko naabutan na nakaratay sa hospital bed ang anak ko. Nakapikit ang mata habang may oxygen mask na nakalagay sa bibig.

Napatayo naman si mama nang makita niya akong pumasok. Pinunasan pa niya ang natuyong luha nang humarap sa akin.

"Nandito ka na pala." Lumapit siya sa lamesa at kumuha ng tubig.

Hindi ko sinagot ang tanong n'ya. Nakatutok lang ang paningin ko kay Tanya. Payapa lang ang buo nitong mukha habang nakapikit ang dalawang mata pero mahahalatang may dinaramdam ito. Ang labi nitong palaging mapula ay bigla na lang pumutla.

Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa kama. Pinipigilan ang luha na tumulo. Kahit sino namang ina, maiiyak kung nakikita n'yang nahihirapan ang anak. Walang ina ang makakatiis na makita sa ganitong kalagayan ang anak nila. Kung p'wede ilipat na lang sa amin ang paghihirap ay gagawin namin.

Umupo ako sa gilid ni Tanya. Hinawakan ko ang kamay nito. Maputla at parang walang dugo ang katawan nito. Napapahid ako ng luha nang kusa itong bumagsak. Kahit anong pigil ko na hindi ito tumulo, ngunit tila may sarili itong isip na kayang pasunurin.

"I-im sorry." Wala akong naisip na sabihin ng mga oras na 'yon kun'di ang humingi ng tawad. Pinabayaan ko ito na mag-isa. Lumaki na hindi ako kasama. Kung hindi lang ako makasarili sana naalagaan ko siya ng mabuti. Pero masasabi bang makasarili kung lahat ng mga ginagawa ko ay para rin sa future nito? All I want is the best for her.

Ilang minuto rin siguro akong umiyak bago tumigil. Pinahiran ko ang luha hanggang sa matuyo lahat. Pagod na tumayo ako sa kama at nilapitan si mama. Tahimik lang siya habang nakatanaw sa akin.

"Ano pong sabi ng doktor?" Umupo ako sa silyang bakakante. Katapat niya.

"Ang sabi ng doktor may dengue raw ang bata. Hindi ko naman alam kung paano nangyari dahil nilalagnat lang naman s'ya kagabi. Akala ko simpleng sinat lang hanggang sa nakita ko s'ya kaninang umaga sa k'warto niya na nanginginig at maputla. Mabuti na lang at naagapan kaagad ng doktor." Mahabang paliwanag niya sa akin. Muli niyang pinahiran ang ilalim niya ng may bumadya na namang lalabas. Marahil sinisi rin niya ang sarili ba't ito nangyari kay Tanya, ngunit tila mas nangibabaw ang pagiging ina ko kaysa intindihin siya.

Her Hurtful Mistake ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon