Graduating Kasi

73 2 0
                                    

     "Lord, kahit makakalahati lang sapat na!" piping panalangin ko habang hinihintay ang final judgement ko bilang isang kolehiyo.

      Graduating na ako at finals na namin. Tatlong subjects na lang ang kailangan kong bunuin: Research/thesis II, Physiological Psychology at Educational Psychology. Mali pala, isa na lang pala ang Educ. Psych. Yung Research cleared na. Napasa na namin yung hardbound. Yung Physio. sa akin ay chicken feed na kasi parang Biology lang naman. Pero itong Educ. Psych? Punyemas sa lahat ng punyemas. Iiyak ka ng dugo. Tatae ka ng bato at uutot ka ng nitrogen gas kasi isa ito sa mga major subjects namin bilang Psychology student. Isa pa itong requirement para sa iyong pasaporte para masabing ganap ka ng Psych major sa takdang panahon.

      Madali naman siya kung tutuusin pero sa tulad kong nakaasa sa stocked knowledge at handouts ng mga kaklase ko ay mahirap ito. Ang daming terms na kailangang tandaan, sauluhin at namnamin. Isabay pang student leader ako na hinahanapan ng solusyon ang mga problema ng mga kapwa ko mag-aaral  patungkol sa mga misa nilang kulang, sa activities na di nila sinipot at mga pasaring sa mga professor na walang hustisya kung magturo, magbigay ng proyekto, manlait, at may pinapaburang mga engkanto. Idagdag pa na may problema rin ako sa bahay na kahit anong gawin kong liko ng aking konsentrasyon, paga-apply ng displacement, projection, o maski anong mechanisms ay bumabalik pa rin ito sa iisang punto: ang problema ko sa pamilya ko.

      Punyemas! Graduating kasi.

      Ito na! Ito na ang takdang panahon para harapin ang isang halimaw sa aking buhay bilang estudyante: ang exam.

      Nakakagago naman kasi. Yung mga teacher ko na madalas magsabi na halos wala pa sa kalahati ng mga natutunan namin sa paaralan ang magagamit namin sa mundong handang lumamon sa mga taong mahihina ang loob, walang prinsipyo at takot sa pagbabago.

      Hindi naman masasagot ng enumeration kung bakit may prinsipyo ang isang tao o kaya ng fill in the blanks ang gender equality na wala pa hanggang ngayon o kaya'y identification kung bakit di ka crush ng crush mo? Malaking essay ang buhay ng isang tao. Araw-araw ay ikaw ang magsu-supply nito. Mula sa pinaka simple, normal, mahirap at kumplekado ay mararanasan mo. Ikaw ang magsasama ng mga pangyayaring magpapabago sa iyong pananaw, prinsipyo o maski delusyon sa mga taong nakasalamuha, nakaututang dila, minahal, nakaromansahan, nasaktan, sinaktan, nakilala, nakasalubong o maski nakatitigan. Lahat yan. Ikaw ang bida ng essay na ginagawa mo o pwede ka ring maging kontrabida base sa pananaw at sa paniniwala mo.

      Packing tape naman talaga o? Tapos kung magpa-exam daig pa kung sinong pontio pilato. Anak ng tupa!

      Nagvibrate ang phone ko. May isang message galing sa ate ko. Pucha. Pwedeng mamaya na?

      Lumangitngit ang pinto tanda ng may pumasok. Dahan-dahan, napakabagal at yaong tipong huminto ang kamay ng orasan sa pag-ikot pati na rin ang Earth sa tinakdang takbo nito.

     Nakita ko na siya. Nanunuyo ang aking lalamunan kahit malamig naman ang aming silid aralan. Ito na siya. Walang iba kundi ang teroristang professor namin at pinuno ng akademya.

     Oo, terorista siya. Daig pa nga nya ang mga hunters noong unang panahon kung makahuli ng mga hayop na kakainin. Daig pa ng mga mata niya ang laser beam, laser sword at x-ray vision ng mga superheroes natin kung makatitig, makapanuri at makahuli.

     Make it or break it. Kahit graduating ka pa. Basta mahuli ka niyang magcheat paniguradong tapos ang boxing.

     Nagvibrate na naman ang phone ko indikasyon na may mensahe. Binasa ko ito pero binalik ko na ulit sa bulsa ko. Parehong tao, parehong mensahe: Nasaan ka na?

    "Turn off your gadgets and we shall proceed to your test proper." sabi niya.

     Lahat ginawa ang sinabi niya at umupo na sa upuang magsisilbing silya elektra sa buong durasyon ng buhay este ng pagsusulit namin. Isang oras na magpapabago sa ikot ng aming buhay.

     Bahala na! sabi ko sa sarili ko.

     Pinasa na ang test paper. Pagdating nito sa harapan ko ay tila nablanko ang utak ko. Simula na ng pagsusulit.

     Ano ito? Malaking joke? Iba yung format ng test proper niya na hindi ko napaghandaan o kahit nino.

     Lahat na ata ng santo nasabi ko na pero kahit isa walang nagbigay ng sagot sa unang tanong palang.

      Parang tanod ang prof ko. Ikot nang ikot sa buong classroom. Lahat ng kahina-hinalang kilos, paling ng puwet, hinga, utot, hikab, lingon o titig sa kapwa estudyante ay sinisita nito.

      Nagvibrate ulit ang phone ko pero lumikha ito ng tunog dahil sa vibration. Dumulas pala sa bulsa ko at nahulog sa upuan ko. Para akong putahe sa kanyang mga nanlilisik na mga mata. Isang katakamtakam na putahe na handa niyang sakmalin, lapain at kainin.

      "Mr. Santillan, turn it off or keep it away!" bulyaw niya sa akin.

      Pinagtinginan ako ng lahat na nagpupumilit na maitago ang aking phone.

      Balik uli ang lahat sa pagsagot.

      Maya-maya lang ay nagvibrate na naman ang phone ko. Sa puntong iyon ay pasimple kong kinuha ito at binasa ang mensahe na maaring magpabago sa aking buhay bilang isang estudyante.

      Pasimple ako sa pagtingin sa phone at sa professor ko. Malapit na ako. Malapit na akong matapos magbasa at makakuha ng di inaasahang impormasyon na aking ikinabigla. Pero sa puntong titignan ko sana kung nasaang bahagi ang professor ko para di niya makita ang ginagawa ko ay nahuli ko ang kanyang mga matang nakatingin sa akin habang ang isang kilay ay nakaangat na tila di mababali.

      Dahan dahan siyang lumapit sa akin.

      "Give me your phone! Now!" Halos marinig na sa kabilang kwarto ang sigaw niya.

       "But ma'am-" sasabihin ko sana ngunit pinutol na niya ang iba pang salitang naipon sa aking bibig sa isang malakas at pagalit niyang sigaw.

       "You have the guts to protest wherein I saw you in my own naked eyes that you're cheating!" sabi niya sa akin habang pulang-pula ang kanyang mukha na indikasyon na galit siya.

       Napapaiyak na ako sa puntong iyon. Hindi ko alam ang aking gagawin, paanong eksplenasyon ang dapat kong sabihin upang maniwala siya. Wala na, wala na akong pag-asa.

       Oo nga naman. Sa makabagong teknolohiya ngayon ay pwede ka ng makagawa ng milagro gamit ang cellphone mo. Lalo na sa mga estudyanteng hayok dito. At isa na ako sa gumamit ng taktikang iyon.

       Wala na akong nagawa kundi iabot sa kanya ang cellphone ko tanda ng aking pagkatalo. Dala ang aking bag ay lumabas ako ng kwarto habang walang humpay ang pagtulo ng aking mga luha at sabog na sipon.

        "Class, you're my witnesses. Will you read kung anong nakalagay sa phone ni Mr. Santillan?"

         Tumayo ang kaklase kong inutusan ngunit may pagaalinlangang basahin ang mensaheng naiwan.

         "Ma'am sigurado po ba kayo?" tanong niya.

         "Yes, you may proceed." wika ng aking Prof.

         Tutol man ang aking kaklaseng nautusan ay ginawa niya ang pinag-uutos ng aming guro.

         "Bakit hindi k sumsgot? Wala na si mama. D na niya nakaya pang lmaban. Hindi ka na niya nahntay ksi may exam ka pa. Pnta ka na please kung tpos ka na. Sa huling hininga ni mama ay ikw ang inaalala niya na bilang bunso ng pamilya ay kailangan mong magtapos kahit wala na siya. Kahit di na siya ang aakyat sa stage at magsasabit ng medalya. Mahal na mahal ka ni mama bunso. :(" text ni ate sa akin.

           Nakakabingi... nakakabinging katahimikan ang namayani.

Graduating KasiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon