Mabilis ngunit puno ng pag-iingat siyang tumatakbo habang tinatahak ang masukal na gubat. Hawak niya ang sinapupunan na tila ba dito siya humuhugot ng lakas. Kailangan niyang makalayo upang hindi manganib ang buhay niya alang-alang sa batang nasa kan'yang sinapupunan. Pagod na siya ngunit pilit pa ring inihahakbang ang kan'yang mga paa upang tuluyang makalayo. Nilingon niya ang kanyang pinagmulan at nakita niyang nakasunod pa rin sa kanya ang isang dambuhalang aso. Luhaang pinagpatuloy niya ang pagtakbo kahit na panaka-naka ang pagsakit ng tiyan. Anim na buwan pa lamang ang ipinagbubuntis ngunit malaki na ang tiyan niya.
"Huwag ang anak ko," usal niya habang umiiyak at nanghihina dahil sa pagod.
"Hayun ang aswang!" sigaw ng mga tao. Lumingon siya at nakita niyang wala nang sumusunod sa likuran niya. Nakakita siya ng mga mayabong na halaman at doon niya isiniksik ang sarili upang magtago. Paluhod siyang sumuot sa mga halaman at tiniis ang mga tinik na sumusugat sa kanyang balat.
Limang buwan ang nakararaan ay payapa pa silang naninirahan sa lugar na iyon. Unang buwan ng pagbubuntis niya ay dumating sila ni Alfred sa lugar. Mainit ang pagtanggap sa kanila ng mga tao at napakabuti ng mga ito sa kanila ni Alfred.
Doon sa bayang iyon ay nakapagsimula sila ng bagong buhay. Pagtatanim ng mga gulay at paghahayupan ang kanilang naging hanapbuhay. Sagana ang bayan sa likas na yaman kaya naman labis na ipinagpapasalamat nilang doon sila napadpad. Ang kapitana na siyang namumuno roon ay si Lola Biring na inirerespeto ng mga tao. Napakapayapa at napakasaya ng mga taga Nayon. Kuntento na sila sa kung ano ang mayroon sila. Ngunit nagkaroon ng epidemya na unti-unting pumapatay sa mga hayop. Isang uri ng sakit na sa mga hayop lang makikita. Nabahala ang mga tao dahil unti-unti ng nauubos ang kanilang mga alaga.
Hanggang sa dumating ang pista. Kahit na may kinakaharap na epidemya ay itinuloy nila ang isang malaking piging. Kinatay ang mga natirang hayop upang maging handa at alay para sumagana muli ang kanilang pamumuhay. Ngunit lalong naging mahirap para sa kanila dahil pati ang kanilang mga pananim ay sinalakay ng salot na mga insekto. Namatay ang kanilang mga pananim.
Labis na nabahala ang mga tao dahil sa sunod-sunod na trahedya. Lumaganap ang sakit na malaria at ang apektado ay mga bata. Lumapit na ang mga taga Nayon sa isang kilalang albularyo sa karatig bayan upang isangguni ang kanilang kamalasan.
Ang albularyo ay dumayo sa Nayon. Napag-alaman nitong bagong salta lamang sila sa lugar na iyon. Walang pag-aalinlangang itinuro ng albularyo ang mag-asawa na siyang nagdala ng salot!
Isang palahaw ang nagbalik sa kanya sa realidad. Palahaw ng isang aswang ang narinig niya.
"Patayin ang aswang! Patayin ang salot!" sigaw ng mga tao.
Nagmadali siyang lumabas sa pinagtataguan. Nakita niya ang isang dambuhalang aso na kanina lamang ay sumusunod sa kanya upang protektahan siya ngunit ngayon ay nakahandusay na sa lupa. May nakatarak na kawayan sa sikmura nito. Naglakad siya palapit ng unti-unting magbagong anyo ang aswang at nagbalik sa anyong tao.
"A-Alfred," bulong niya na tila ba maririnig siya ng asawa.
"Takbo! Tumakas ka na Maria!" sigaw ni Alfred. Ayaw niyang iwan ang asawa ngunit wala siyang magagawa. Labis ang galit ng taga Nayon sa kanila at buo ang paniniwala ng mga itong sila ang nagdala ng salot ngunit hindi! Hindi lamang ang Nayon ang dumaranas ng salot. Maski ang karatig bayan ay may salot din.
Ngunit alam niyang kasalanan niya ang lahat. Muli ay nanumbalik sa alaala niya ang pangyayari habang siya ay tumatakbo upang tumakas.
"Aswang!" sigaw ni Tiya Pacing na anak ng kanilang kapitana na si Lola Biring. Nakita siya nitong umaaligid sa bahay ni Nenita. May sakit ang anak nito at mahirap gamutin ang malaria. Alam niyang malapit ng mamatay ang bata. Gutom na gutom na siya dahil wala na ang mga hayop na kinakain niya. Namatay na lahat dahil sa epidemya. Hindi na niya matiis ang gutom lalo na at may bata pa sa sinapupunan niya. Mabango ang halimuyak ng batang maysakit. Nais lang niyang ibsan ang nadaramang gutom at ang batang nasa loob lamang ang makapapawi. Ngunit nakita siya ni Tiya Pacing na agad sumigaw ng saklolo.
Tumakas siya at nagmadaling umuwi. Kailangan nilang makalayo ng kanyang asawa dahil tiyak na nasa panganib na ang kanilang buhay.
"Patayin ang Aswang!" sigaw ng mga taong humahabol sa kanya. Napatay na ng mga ito si Alfred na siyang nagliligtas sa kanya kanina. Sinubukan niya magpalit anyo ngunit nanghihina siya dahil sa nadaramang sakit ng tiyan. Nagaalala siyang baka makunan siya.
"Hanggang diyan ka nalang, Maria!" sigaw ng isang lalaki. Nakilala niyang ito si mang Damian.
"Maawa ka Mang Damian!" luhaang hinarap niya ang lalaki. Nasukol siya sa ilog at wala na siyang matatakbuhan.
"Mas maawa ka sa aming taga Nayon, Maria. Kayo ang salot at nais niyo pa kaming gawing pagkain!" galit na sigaw ng matanda.
May mga lumapit na kalalakihan at hinawakan sa magkabilang balikat ang babae.
"Sunugin ang aswang!" sigaw ni Nenita habang nanlilisik ang mga mata. Hindi niya nakain ang bata ngunit namatay ito sa sakit at sila ang sinisisi.
"Wala akong kasalanan! Hindi kami ang salot. Wala kaming kinakain na tao. Hayop ang aming pagkain. Para na ninyong awa!" lumuhod si Maria habang luhaan ang mga mata.
"Mang Damian, ilang beses ka ring iniligtas ng aking asawa." pagsusumamo niya sa matandang lalaki. Ayaw niyang isumbat ang ginawang kabutihan ng asawa ngunit nais niyang ipaalala sa mga ito na naging mabuti silang kaNayon.
Umiwas ng tingin ang matanda na muntik ng matuklaw ng ahas noong minsang nangangahoy sa kagubatan. Mabuti at naroon din si Alfred upang ito ay tulungan.
"Buntis ako! Maawa kayo sa anak ko!" sigaw niya habang namumugto ang mga mata sa matinding pagluha.
"Naawa ka ba sa anak ko?" Nanggagalaiting sigaw ni Nenita. Mabilis itong lumapit at sinampal siya.
"Sakit ang kumitil sa buhay ng anak mo! Hindi ako! Natukso akong kainin siya ngunit hindi ko rin iyon magagawa dahil ina rin ako! Nenita maawa ka sa anak ko!" pagmamakaawa niya. Halos lumuhod siya sa pagmamakaawa ngunit nanatiling mabalasik ang mukha ni Nenita.
"Dapat sa inyo, sinusunog ng buhay! Dahil susunugin din naman kayo sa impyerno!" sigaw pa ng babae.
"Sunugin ang aswang!"
Itinali nila si Maria sa isang puno. Nagmakaawa ito ngunit walang nakinig. Sinabuyan nila ng gas ang buo nitong katawan. Humahagulgo ang babae at tinatawag ang pangalan ng asawa. Sinubukan nitong magbagong anyo ngunit hindi niya kaya. Nanghahapdi ang balat niya sa asin na nakapahid sa taling ginamit sa kanya.
"Paalam, Maria!" sigaw ni Mang Damian bago siya sinilaban ng buhay. Nanuot sa balat niya ang init. Humiyaw siya sa labis na sakit. Mula sa di kalayuan ay natanaw niya si Lola Biring.
"Sandali lang maghunos dili kayo mga kanayon!" sigaw nito ang huli niyang narinig bago siya ubod lakas na sumigaw dala ng sakit na nararamdaman niya hindi lang sa pisikal. Mas nasasaktan ang kalooban niya at hindi niya napigilang ilabas ang kanyang galit.
"Sinusumpa ko! Lahat ng nakatira sa Nayong ito ay mararanasan ang hirap na aming dinaranas! Walang makalalabas sa nayong ito na kahit sinoman sa inyo! Lahat kayo ay magdaranas ng aking sumpa! Ang sumpa ng pagiging ASWANG!"
Nilamon ng apoy ang buo niyang katawan. Hindi na niya nakayanan ang sakit kaya nawalan siya ng malay hanggang tupukin ang katawan niya sa kamatayan.
BINABASA MO ANG
Kwentong Aswang
HorrorMga iba't ibang kwento ng aswang na nagmula pa sa aking malikot na imahinasyon. Ang mga kwentong aswang na narito ay isinulat at nai-narrate para sa Youtube Channel ng Ang Mensahero. Sa mga nais pong makinig ay nasa ibaba po ang Link ng Youtube Cha...