Naisipan naming magbabarkada na magbakasyon sa probinsya nila Jake-- isa rin naming kabarkada at balak naming sorpresahin ito. Tutal ay semestral break naman at nataong pista sa bayan nila Jake. Nauna nga lang itong umuwi at hindi na kami nakisabay. Palagi nitong ibinibida na masaya ang pista sa San Agustin kaya naman nagkasundo kaming lahat na doon na lamang gugulin ang aming bakasyon.Napakalayo pala ng San Agustin at liblib pa ang kinaroroonan ng lugar nila Jake. Limang oras na byahe sa bus at dalawang oras naman papasok sa bayan sakay ng dyip. Rough road pa kaya naman sobrang hilong-hilo kami sa byahe. Pagdating doon ay agad naming ipinagtanong ang bahay ng kaibigan namin.
"Weird ng mga tao rito," kumento ni Adrian habang nakatingin sa mga nag-uumpukang tao. Tinignan ko kung saan siya nakatingin at napansin kong sa amin din nakatingin ang mga tao.
"Alam mo naman sa probinsiya pare, bihira makakita ng gwapo lalo na at liblib!" tumatawang sambit ni Rico.
"Ayos pare, tama ka!" sang-ayon ko sabay nakipag-high five sa kanya.
Apat kaming magbabarkada at talaga namang magkakapatid ang turingan namin sa bawat isa. Halos magkakapareho rin ang hilig namin at iyon ay ang adventure. Ngayon pa nga lang ay sabik na kaming pasukin ang gubat na natatanaw namin mula rito. Masarap sigurong mag-inuman doon habang may bon fire.
"Miss saan ba rito ang bahay ng pamilya Gregorio?" tanong ni Adrian sa nakasalubong naming babae. Morena ito ngunit maganda ang hubog ng katawan at maamo ang mukha. Tiyak na kursunada na naman ito ng lalaki.
"Dayo kayo rito? Umalis na kayo! Hindi kayo dapat nagpunta rito!" mariing sambit ng babae bago nagmamadaling umalis.
"May sapak yata 'yon! Sayang maganda pa naman," napapailing na bulalas ni Adrian.
"Nakakatakot na ang mga tao dito ah, ang sama nila makatingin!" sambit din ni Rico. "Mukhang hindi sila nagugwapuhan sa atin sa palagay ko."
"Insecure sila pare!" sabat ko naman. Pero sa totoo lang ay iba nga talaga ang tingin nila sa amin. Para bang pinag-aaralan nilang mabuti ang bawat naming galaw.
"Tawagan mo na nga lang si Jake, Marcus!" utos sa akin ni Adrian. Halata na sa mukha nito ang pagod. Masakit na rin ang mga paa ko at gusto ko na ring mahiga. Agad kong nilabas ang cellphone ko ng may sumigaw mula sa aming likuran. Sabay pa kaming napalingon na tatlo ng mabosesan si Jake.
"Put--mga pare! Anong ginagawa niyo rito?" bakas ang pagkabigla sa tinig ni Jake habang palapit sa amin.
"Surprise!" natatawang sinugod namin siya ng yakap pero hindi siya natinag. Parang hindi ito natutuwang naroon kami.
"Hindi kayo dapat narito! Umuwi na kayo!" sambit nito na parang natataranta.
"Ang sama mo pare! Natagtag kami sa byahe para lang puntahan ka tapos pauuwiin mo lang kami?" hindi nakatiis na sambit ko. Tila nakonsensya naman ito at niyaya kami sa bahay nila.
Ipinakilala niya kami sa mga magulang niya at kapatid. Lihim na nagtinginan ang mga ito na para bang may itinatago.
"Papayag akong dumito kayo ngayong gabi dahil wala na ring byahe ngayon at hapon na pero bukas ihahatid ko kayo sa sakayan!" sabi ni Jake habang naghahapunan kami.
"Bukas pa ang pista hindi ba?" nagtatakang tanong ni Rico.
"Sabihin mo lang kung ayaw mo kaming makikain sa pista ninyo para aalis na lang kami!" bulalas ni Adrian na hindi maitago ang pagtatampo sa boses.
"Anak, bakit hindi mo na lang hayaang dumito ang mga kaibigan mo?" nakangiting sambit ng Mama ni Jake. Tumingin naman dito ang lalaki at nais pang tumutol ngunit pinandilatan ito ng ina. Nakita ko rin na bahagya itong siniko ng kapatid kaya nanahimik na lamang. May kakaiba sa mag-anak na parang may itinatago silang lihim.
BINABASA MO ANG
Kwentong Aswang
TerrorMga iba't ibang kwento ng aswang na nagmula pa sa aking malikot na imahinasyon. Ang mga kwentong aswang na narito ay isinulat at nai-narrate para sa Youtube Channel ng Ang Mensahero. Sa mga nais pong makinig ay nasa ibaba po ang Link ng Youtube Cha...