"Welcome to San Fermin," magkakasabay na basa ng magkakaibigan sa karatulang nasa bungad ng bayan na papasukin nila. Balak sana nilang magbakasyon sa Bayan ng Santa Inez kaso ay nasiraan sila ng sasakyan. Tumirik ito sa alanganing daan o doon sa wala halos mga bahay. Gubat ang nasa magkabilang gilid ng kalsada kung saan sila nasiraan kaya naman ilang kilometro din ang nilakad nila.
"I'm so tired na! Super sakit na ng paa ko!" reklamo ni Che habang nakakapit sa nobyong si Joseph. Kanina pa talaga ito nagrereklamo at naririndi na rin si Yen sa kaingayan nito. Paano kasing hindi sasakit ang paa nito ay nakaheels pa ang lokaret na babae.
"Guys, mukhang naliligaw nga tayo!" nakangiwing sambit ni John sa mga kasama. Napapakamot sa ulo ang lalaki dahil tiyak na mag-aalburuto nanaman si Joseph. Magbabakasyon sana sila sa kanilang probinsya pero matagal na rin siyang hindi nagagawi roon kaya naman madami na ang nagbago sa dinaraanan nila. Hindi na niya kabisado ito. Ang natatandaan lang niya ay wala namang San Fermin na madadaanan papunta sa Santa Inez kaya baka maling daan ang natahak niya.
"Hindi mo pala alam ang daan pero nagmamarunong ka! Pati ang bulok mong kotse ay pinahamak pa tayo! Hindi mo ba ikinundisyon muna bago tayo lumakad! Napakatanga mo talaga!" singhal nga ni Joseph.
"Tama na nga 'yan! Hindi makakatulong kung magsisisihan pa tayo. Humingi na lang tayo ng tulong sa mga nakatira diyan!" awat naman ni Yen dahil baka humaba nanaman ang litanya ni Joseph na sesegundahan ng maarte nitong nobya. Napasama lang naman sa barkada nila si Che dahil kay Joseph pero apat lang talaga silang magkakaibigan. Magkababata sila ni John habang nakilala nila sila Joseph at Lance sa kolehiyo. Maaskad man ang pag-uugali ni Joseph ay mabuti rin naman itong kaibigan. Matulungin ito lalo na sa financial dahil may kaya ang pamilya nito. Gusto sana ng binata na ang sasakyan niya ang gagamitin pero nais ni John na ipakita ang nabiling kotse sa kanyang pamilya. Second hand lang iyon pero nagmula sa pagsusumikap ng lalaki kaya naman nais niyang gawing sorpresa sana iyon sa mga magulang kaso ay itinirik naman sila sa daan.
"Dito nalang tayo magpalipas ng gabi. Baka may drive inn diyan." Nagpatiunang naglalad papasok sa bayan si Lance at sumunod naman si Yen dito.
"Another lakaran nanaman! Pagod na ako!" mangiyak-ngiyak na reklamo ulit ni Che kaya napairap nalang ang dalaga.
"Kung gusto mo ay maiwan ka na lang dito!" naiinis na sambit pa ng dalaga.
"No way! Bakit ko naman gagawin 'yon na magpaiwan dito?" nakataas ang kilay na singhal ng babae.
"Kung ayaw mo pala, eh di manahimik ka!" bulyaw na rin ni Yen dahil hindi na siya nakapagtimpi pa sa bunganga ng babae.
Hindi naman na ito kumibo at tahimik na naglakad habang nakasimangot. Takot ito kay Yen dahil para itong lalaki kung umasta pero hindi ito tomboy. Nasanay lang ito na medyo matigas kaya napagkakamalang tomboy.
"Wala ba kayong napapansin sa lugar na ito?" tanong ni Lance habang iginagala ang paningin sa paligid. Patay lahat ng ilaw sa mga bahay. May mangilan-ngilang poste lang sa gilid ng daan na nagbibigay liwanag sa dinaraanan nila. Maliit man o malaking bahay ay patay na lahat ang ilaw. Napakatahimik din sa buong lugar at walang kahit isang tao silang makasalubong. Ang mga bintana ay may grills lahat at ang mga bahay naman na gawa sa kahoy ay may mga harang ang bintana na kahoy din. Tila ba ayaw ng nakatira doon na may makapasok na kahit sino sa loob ng bahay nila.
"Nakakatakot dito, parang ghost town." bulalas ni Che habang pinagmamasdan ang mga bahay na nadadaanan nila. Wala talaga kahit isang tao gayong alas siyete pa lamang ng gabi. Ganoon ba kaaga matulog ang mga nakatira doon? Ang isa pang ipinagtataka nila ay bakit may harang ang mga bintana ng bahay na tila pinoprotektahan ito sa mga akyat bahay. Halatang ipinako ang mga kahoy sa tapat ng bintana upang hindi ito mabuksan.
BINABASA MO ANG
Kwentong Aswang
HorrorMga iba't ibang kwento ng aswang na nagmula pa sa aking malikot na imahinasyon. Ang mga kwentong aswang na narito ay isinulat at nai-narrate para sa Youtube Channel ng Ang Mensahero. Sa mga nais pong makinig ay nasa ibaba po ang Link ng Youtube Cha...