Isang Gabi sa Isla

30 0 0
                                    

Lulan ng isang bangkang de motor ay dumaong ang mag-asawang Gio at Mina sa isang isla kung saan nakatira ang mga katutubong napili nilang tulungan.
Isa silang pribadong organisasyon na tumutulong sa mga indigenous tribe na hindi naaabot ng tulong ng mga kawani ng gobyerno.

Sa sampung taon ng pagsasama ng dalawa ay hindi sila nabiyayaan ng anak kaya inilaan na lamang nila ang kanilang atensyon sa pagtulong sa mga katutubo. Bukod kasi sa nalilibang na sila sa pag-akyat ng bundok o paghahanap ng mga indigenous tribe ay nakatutulong pa sila sa mga ito. Isa pa'y natutuwa sila sa iba't ibang kultura na kanilang natututunan mula sa mga ito. Lumaki na rin ang kanilang organisasyon at kumakalap na ito ng maraming pondo mula sa mga mapagkawang-gawang negosyante.

Isang katutubo ang sumalubong sa kanila pagbaba nila ng bangka. Malawak ang pagkakangiti nito habang papalapit sa kanila. Ito ang pinuno ng mga katutubo na nakausap nila noong huling pumunta sila roon.
Nakauunawa ito sa tagalog kaya hindi na sila nahirapang makipag-usap dito. Katulad nga ng mga napag-usapan nila noon ay ngayong araw na ito nila maise-set-up ang lugar. Kailangan kasi nilang magtayo ng ilang tent upang magsilbing lilim ng medical team na darating bukas. May mga volunteer doctors at nars silang kasama ngunit bukas pa ang mga ito darating kasabay ng mga kasama nila sa organisasyon. Magkakaroon din ng feeding program para sa mga kabataan at ilang livelihood projects na makakatulong sa pangkabuhayan ng mga ito.

"Magandang hapon, ser, mam!" wika nito. Naroon na rin ang ilang kalalakihan mula sa tribo na magbubuhat sa mga materyales para sa itatayong tent. Magiliw ang mga ito at tila sabik rin sa mga kaalamang ibabahagi nila.

Balak na rin ng mag-asawang doon na sa isla magpalipas ng gabi upang hindi na sila babalik pa bukas. Mas maiging naroon na sila upang maging organisado ang lahat kapag dumating na ang mga kasamahan nila.

Nagbigay pahintulot naman si Apo Gaway upang magamit nila ang kubo nito. Lumipat pa talaga sa ibang kubo ang pamilya ng matanda upang ipaubaya sa kanila ang tahanan ng mga ito para sa isang gabi. Kasama raw sa kaugalian ng mga ito ang ganoong uri ng pagtanggap sa bisita kaya naman lubos silang nagpasalamat sa mga ito.

"Ser, mam, pagkagat po ng dilim ay huwag na kayong lalabas sa inyong kubo. Ano man ang marinig ninyo sa labas ay huwag na lamang ninyong papansinin," bilin ni Apo Gaway sa mag-asawa na labis nilang ipinagtaka. Nais pa naman nilang pumunta sa gilid ng dagat mamaya upang sulitin ang isang gabi nila sa isla ngunit inirespeto na lamang nila ang kagustuhan ng mga katutubo. Inisip na lamang nilang baka may pamahiing sinusunod ang mga ito.

Maagang natulog ang mag-asawa dahil sa preskong paligid. Kahit walang elektrisidad ay napakasarap pa ring matulog dahil sa sariwang hangin na pumapasok sa mga maliliit na siwang ng kubo. Nasa kalagitnaan ng gabi ay nagising si Mina dahil sa ingay na naririnig niya sa paligid. Tila may sanggol na pumapalahaw ng iyak. Ipagwawalang-bahala na lang sana ito ng babae sa pag-aakalang aasikasuhin din ng ina nito ang sanggol ngunit lumipas na ang ilang minuto ay patuloy pa rin ito sa malakas na pag-iyak. Nakaramdam na ng pagkabahala si Mina dahil dito. Marahan siyang bumangon at ginising si Gio subalit umungol lang ito at muling natulog. Marahan siyang bumangon at tinungo ang pinto. Nawala na sa isip niya ang bilin ni Apo Gaway dahil sa pag-aalala sa sanggol na umiiyak.

Lumabas siya at sinundan ang pinanggagalingan ng pag-iyak hanggang matunton niya ang isang kubo. Kakatok sana siya upang alamin ang nangyayari sa bata at ayaw matigil sa pag-iyak. Isa siyang midwife kaya naman nais niyang makita kung ano ang posibleng dinaramdam ng bata at baka may maitulong siya. Subalit natigilan siya ng marinig na nagsasalita ang lalaking nasa loob. Hindi niya maunawaan ang salita nito subalit natitiyak niyang galit base sa tono ng boses nito. May ilang kalalakihan din sa loob na tila ba nagpupulong ang mga ito. Kinutuban siya kaya naman imbes na kumatok ay marahan na lamang siyang sumilip sa siwang ng mga kawayang nagdikit-dikit lang upang magsilbing haligi ng kubo.
Nanlaki ang mga mata niya ng makitang nakapaligid sa lamesa ang limang kalalakihan kasama si Apo Gaway. Subalit higit na nagpagimbal sa kanya ang batang tila isang taong gulang pa lamang. Nakatali ang katawan ng bata sa maliit na mesa habang panay ang pag-iyak nito. Napatakip siya ng bibig upang pigilin ang sariling mapasigaw nang makitang may hawak na patalim si Apo Gaway. Itinaas ng matanda ang hawak na kutsilyo at itinarak sa sanggol. Napaatras siya dahil hindi niya nakayanan ang nakita. Mabilis siyang tumalikod habang naluluha dala ng awa sa bata. Maingat siyang naglakad paalis sa takot na baka makita siya ng mga ito. Pagbalik sa kubo ay hindi na niya mapigilan ang pag-iyak habang ginigising ang asawa.

Kwentong AswangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon