Lagi kong maaalala ang aking ama bilang mahigpit at seryosong tao. Parati siya roon sa tabi ng malaking durungawan sa aming kusina, nakatanaw sa likod-bahay na laging mahamog at masukal. Nalililiman iyon ng mga puno ng kaymito, tsiko, abokado, at santol. May mga puno ng saging na tinabihan ng mga gabing malalaki ang hugis-pusong dahon at sari-saring halamang gulay at gamot. Sa dulo niyon ay ang labing na may ilog sa paanan, umaabot sa amin ang lagaslas, ang mga tinig ng naglalaba at ang kanilang mga palupalo, mga naliligo, at ang mga huni ng maya, uwak, lawin, kilyawan, at ibong-bahaw. Kapag wala sa lakuan, tahimik siya roong nakaupo. Makikilala mo siya sa maitim at kulot niyang buhok na walang katulad sa aming walong magkakapatid. Halos ay wala siyang kamukha sa amin, sa palagay ko. Pogi ang aking ama, lalo na sa mga lumang kuha ng kanyang kabataan. Sa tingin ko, mas mahaba kaysa sa kanya ang aking ina, lalo pa nga't tumaba na siya. Kapag nakaupo siya roon, malamang may pinakukuluan siya sa abuhan. Siguro, isa na namang kakatwang putahe na natutuhan niya sa Bikol, Cebu, Davao o sa kanyang mga kumpare, na karaniwa'y di ko talaga magustuhan, bukod sa ako'y sadyang pihikan nang bata pa. Minsan nama'y dahon ng bayabas o sambong lamang iyon, panggamot niya sa kanyang rayuma.
Malayo ang loob ko sa aking ama. Siguro, dahil pampito na ako, at malimit, ang nakatatanda kong mga kapatid na lalaki ang kanyang kasa-kasama, kapag may inaayos sila sa bahay at sa paligid, sa pagpapastor ng mga kambing, pangungumpay, at sa pagpunta sa bukid. Ayaw nila akong isama. Lampa raw kasi ako at iyakin. Malimit pati akong magkasakit, kaya naman napakapayat ko. Naging mas malapit ako sa aking ina, at sa kanya ako bumuntot-buntot, mula sa pangangahanggan hanggang sa luwasan sa Malabon at Navotas. Isa pa, takot ako sa aking ama. Parang lagi siyang galit. Lalo na nang dumating kami ng aking ina mula sa luwasan at may bitbit akong isang plastik na dyipdyipan, halagang kinse pesos na sabi niya'y dapat bawasin sa baon ko. Malimit pa niya akong utusang hilutin ang kanyang tuhod at noo, o kaya'y alisan siya ng uban, matagal na gawaing umaagaw sa oras kong maglaro. Ganyan siya kapag hindi barik, mainitin ang ulo, dahil masakit siguro. Kapag barik, binababag naman niya ang aking ina. Mag-aaway sila sa itaas ng bahay, habang nasa ibaba kami ng aking mga kalaro. Sanay na kami. Ganyan din ang eksena sa ibang bahay, baka nga mas malala pa.
Hindi ko naranasang "makasama" ang aking ama. Malimit siyang wala, at mas gusto ko iyon. Malabo sa alaala ko kung saan talaga siya nagtutungo. Basta alinman sa wala siya dahil naglalako, o wala siya dahil nagbabarik. Magaling daw magluto ang aking ama, pero wala akong matandaang naibigan ko sa kanyang mga putahe. Minsan nga, minura niya ako dahil hindi ko makain ang niluto niyang puro sibuyas. Aywan ko kung ano iyon, basta ayaw na ayaw ko ng sibuyas noon. Wala pati akong ibang gusto, kundi prito. Kahit pritong itlog, kung may sibuyas, pakiramdam ko'y masusuka ako. Malimit pati, uuwi siyang barik sa mahalagang okasyon, at karaniwa'y palulungkutin niya ito sa kanyang pagmumura. Minsan nga, nagtago kaming magkakapatid sa ilalim ng kama dahil sa takot sa kanya. Wala pa akong muwang para maintindihan kung ano talaga ang ikinasasama ng kanyang loob. Naririnig ko lamang sa aking ina na seloso raw ang aking ama, lahat pinagseselosan, maging manghuhula o albularyong tumitingin sa aming bunsong di nagsasalita. Minsan na ring hinabol niya kaming magkakalaro ng palo ng tsinelas nang gawin naming naglalayag na bapor ang punong kape—at nanlaglag na maigi ang mga bunga!
Wala akong maalala na umuwi siyang may pasalubong, o kinarga man lamang niya ako. Isang beses lamang yata na nakita kong tumawa siya sa akin. Naglalaro ako noon sa lumang garahe ng aming dyip (na di ko na inabot), nang mapansin ko roon ang aking ama. Siguro'y batang-bata pa ako noon, kaya hindi ko alam ang hitsura ng nakabarik. Pero tanda kong sinabi ko, at dinig ng aking ina, "Aba, rosy cheeks ang ama!" Natawa ang aking ama, at talagang mapupungay ang kanyang mga mata! Nang lumiligaw pa lamang daw ang aking ama, ayon sa aking ina, sinuman daw ay nagsasabing magaling siyang lalaki, at balita sa kasipagan, bukod pa sa kilalang albularyo ang aking mamay. Natatawa pa rin nga ang aking ina kapag ikinukuwento niya nang minsang bumili ng isda ang aking ama. Mag-asawa na sila noon. Nagulat daw siya sa supot na dala-dala nito. "Pinagkapili ko pa nga't ako'y nagandahan," sabi raw ng aking ama. "Di mo ga naman alam na iya'y supot ng pasador?" ang sagot ng aking ina. Mahilig ding kumanta ang aking ama. Isang gabi nga, napabangon kami dahil kilalang-kilala namin ang boses ng kumakanta mula sa tumpang ng baysanan.
BINABASA MO ANG
Ang Tsokolateng Di Ko Natikman
Short StoryMistulang isang epilogo para sa naunang akdang "Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno," tinatalakay ng maikling kuwentong ito ang relasyon ng tauhang tagapagsalaysay sa kanyang ama sa loob din ng parehong taymlayn (timeline) ng naturang nobela...