JHEA:
Kinuha ko agad ang cellphone ko sa ilalim ng unan ko. Tiningnan ko ang oras, 6:30 a.m. na at wala akong natanggap na text kahit isa. Tulog pa siguro si Ian. Tinext ko agad siya.
"Good morning Mako! Kakagising ko lang. Ingat ka pagpasok sa school ha? I love you. :* I-text mo ako pagkagising mo."
Naligo muna ako at nagbihis. Hinihintay ko lang ang text ni Ian. 8:00 a.m. na at wala pa rin siyang text. Kinakabahan ako. Baka napasarap ang tulog niya dahil napuyat sa pag-uusap namin. Wala pa naman akong pang-miss call dahil siya ang palaging tumatawag kapag nag-uusap kami. Ayokong hindi siya makapasok dahil sa akin. Very wrong! Gusto ko pa naman siyang makita ngayong araw dahil first day ito ng relasyon namin. Dapat more kilig para more fun!
Gusto ko sana siyang i-text ulit kaso ang panget naman tingnan nun, para akong atat na atat sa reply niya. 'Wag na nga lang. Baka kung ano pa isipin niya kapag nabasa niya 'yun. Papasok na ako. Sana makita ko siya sa school.
Magsisimula na ang klase nang maramdaman kong nag-vibrate 'yung cellphone ko mula sa bulsa ko. Tiningnan ko kung sino ang nagtext, si Ian.
"Good morning napakaganda kong Mako na mahal na mahal ko! :* Naghahanda na ako para sa school. See you later Mako."
Emeghed! Nagtext na ang boyfriend ko at sinabihan pa niya ako na napakaganda ko daw. Mahal nga talaga niya ako and I can feel that! Hindi ko pa masyadong naa-absorb ang text ni Ian nang bigla akong tinawag ni Ma'am Pacquing na kapapasok lang ng classroom.
"Jhea, you lead the prayer."
Anak ng Pacquing tape naman! Nakatingin na lahat ng kaklase ko sa akin at hinihintay akong pumunta sa harapan. Hindi ko na tuloy na-replyan si Mako. Kainis!
IAN:
Kinabukasan pagkagising ko, tiningnan ko agad ang cellphone ko kung may nagtext, "3 new messages received". Binuksan ko ang laman ng inbox ko, may isang text galing kay Jhea at dalawang text galing sa dalawa kong kaibigan. Una kong binasa ang text ni Jhea.
"Good morning Mako! Kakagising ko lang. Ingat ka pagpasok sa school ha? I love you. :* I-text mo ako pagkagising mo."
Binasa ko din 'yung dalawang text galing sa dalawa kong kaibigan ko pero group message lang naman pareho na may "Good morning".
Nakakainis. Naunahan pa akong i-text ni Jhea. Nakalimutan ko mag-alarm para mauna akong magising at bumati ng good morning sa kanya. Alam mo na, pakitang gilas. Tiningnan ko ang alarm clock na nakapatong sa isang maliit na mesa sa gilid ng kama ko. 7:30 a.m. na. Bigla kong naalala, may pasok nga pala ako.
Agad-agad akong bumangon mula sa kama ko. Kinuha ko ang tuwalya na nakasabit sa likod ng pinto at agad na dumiretso sa banyo para maligo. 9:00 a.m. ang klase ko at kailangan ko magmadali dahil matagal akong maligo at mag-ayos, babyahe pa ako.
Habang naliligo, bigla kong naalala ang text ni Jhea...
"Good morning Mako! Kakagising ko lang. Ingat ka pagpasok sa school ha? I love you. :* I-text mo ako pagkagising mo."
Shit! Nakalimutan ko pala replyan si Jhea. Nawala sa isip ko na girlfriend ko na nga pala siya. Nakakapanibago. Mayroon na akong responsibilidad sa kanya bilang boyfriend niya. Kinakabahan ako habang naliligo. Iniisip ko baka magtampo 'yun dahil hindi ko siya tinext agad.
Nagmamadali akong dumiretso sa kwarto pagkatapos kong maligo. Hinanap ko agad kung nasaan 'yung cellphone ko. Nakalimutan ko kung saan ko nailagay 'yung cellphone ko. SHIT!Hindi maganda 'to. Tiningnan ko kung nasa ilalim ng unan, pero wala; sa ilalim ng kama, wala; sa ibabaw ng mesa, wala rin. Nakakainis! Kung kailan sobrang kailangan ko 'yung cellphone ko, hindi ko pa mahanap. Inayos ko na lang 'yung kwarto ko dahil sa sobrang kalat kakahanap sa cellphone kong nakikipagtaguan sa akin. Hinatak ko ang kumot ko na nakabalumbon sa kama nang may biglang nalaglag na isang matigas na bagay sa paa ko. Nahanap ko rin cellphone ko.
Tinext ko agad si Jhea pagpulot ko, "Good morning napakaganda kong Mako na mahal na mahal ko! :* Naghahanda na ako para sa school. See you later Mako."
Nagbihis na ako at nag-ayos nang kaunti. Papasok na ako at magkikita na kami ni Jhea mamaya.
Madalas kaming nagkikita ni Jhea sa school dahil sabay lang ang breaktime namin at magkatabi ang mga classroom namin. Kaya tuwing may nauunang lumabas sa aming dalawa, hihintayin lang namin ang isa sa tapat ng pinto ng kabila hanggang sa matapos ang klase.
Katatapos lang ng unang subject. Nag-quiz lang kasi kami at pinayagan na kaming umalis ng professor kapag natapos na namin ang quiz. Nauna akong lumabas ng classroom. Sumilip ako sa likod ng pinto ng classroom nila Jhea na katabi lang ng silid namin, patapos na rin ang klase nila. Nakita kong nag-aayos na ng gamit ang mga kaklase niya habang siya naman ay naglalagay ng pulbo sa mukha. Mukhang nagpapa-fresh ang mahal ko. Excited na akong makita siya dahil unang araw na namin bilang magkasintahan.
Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Natataranta ako na ewan, para akong naiihi sa kaba. Hindi na kasi ito tulad ng dati na magkaibigan lang kami na magkasabay kumain. Girlfriend ko na si Jhea at boyfriend na niya ako.
May isang lalaking lumapit sa kanya sa loob, parang may tinatanong. Sinisilip ko ang mukha nung lalaki pero nakatalikod siya. Nang haharap na siya, napaatras ako sa pintuan dahil nagsimula nang lumabas ang mga kaklase ni Jhea sa classroom.
Nakita ako ni Jhea na naghihintay sa pintuan. Kasama niya 'yung lalaking kumakausap sa kanya sa loob. Nilapitan niya ako at hinalikan sa pisngi. Nagulat ako roon, siya pa ang naunang humalik sa pisngi ko. Tiningnan ko lang siya at nginitian. Nahihiya kasi ako dahil maraming tao. Kinuha ko ang bag niya para bitbitin dahil mukhang mabigat. Mabigat nga. Pinakilala ako ni Jhea sa kasama niya.
"Mako, si Mike nga pala, best friend ko. Mike, boyfriend ko, si Ian."
Hindi ko kilala si Mike at wala akong matandaan na binanggit siya ni Jhea sa akin. Hindi siya katangkaran pero maganda ang katawan, moreno, may itsura siya pero mas gwapo pa rin ako. Kung ikukumpara ko siya sa isang artista, hawig niya si Coco Martin na na-confine sa ospital nang isang linggo dahil sa dengue.
Kinamayan ko siya.
"Ian, pare."
"Mike."
Kinamayan niya rin ako at nginitian.
Binitawan niya agad ang kamay ko. Naramdaman kong medyo naiilang siya sa akin. Pero sa tingin ko normal lang 'yun dahil bago pa lang kaming magkakilala. Ayoko lang na parang iniiwas niya sa akin ang tingin niya. Mukhang misteryoso 'tong lokong 'to ah.
Sana makasundo ko 'tong si Mike.
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Ang Naagawan
Teen FictionIto ay kwento ng isang taong nagmahal at naagawan. Paano mo tatanggapin kung ikaw ang naagawan?