19

68 0 0
                                    

Malapit na po tayo sa ending. Huwag po kayong magtaka kung bakit ganito kaiksi dahil this story is consist of ten chapters only. Published novel po ito na may estimated 22k - 24k word count.
THANK YOU at pinagtiyagaan po ninyo itong basahin kahit karaaniks na ito. Natatawa ako habang tina-type ko ito. Ang mga words ay luma talaga. God bless sa lahat..
**********************************

“INAASAHANG magiging maulan ang malaking bahagi ng Kamaynilaan sa araw na ito at sa susunod na ilang araw,” anunsiyo ng news anchor mula sa malaking screen ng TV sa loob ng opisina ni Lester.
Napatingin siya sa labas ng bintana. May palatandaan nga na uulan nang gabing iyon. Hindi kataka-taka dahil buwan na ng Setyembre.
“Sir.” Napalingon siya nang marinig ang tinig ng sekretarya niya. “Tumawag si Sir Jonas. Ipinapatanong kung sasama ka raw po sa Siargao.”
Siargao.
Kapag sumasagi sa isip niya ang lugar na iyon ay iisa lang ang pumapasok sa isip niya- si Clarissa. They had shared good memories in that place.
Pitong taon na ang nakalilipas mula nang umalis ito. Sobrang tagal na niyon subalit sa puso niya ay nanatiling nakaukit ang pagmamahal niya para dito. Ang pag-asang pinanghahawakan niya sa kanyang puso na balang-araw ay makikita rin ito ay pinangangambahan niyang mawala.
He wondered kung ano na ang nangyari sa dalaga sa mga nakalipas na taon.
Ilang private investigators na rin ang binayaran niya, matunton lang ang kinaroroonan nito but everything turned out to be a futile search. Sa kanyang pagbabaka-sakali na muling matagpuan ito ay kung saan-saan na siya napadpad. Pero tuwina ay umuuwi siyang bigo.
But he didn’t care. Kahit tumanda siya ay hindi siya mapapagod sa paghahanap sa dalaga. There was only one thing he was hoping for- sana, sa muli nilang pagkikita ni Clarissa ay malaya pa rin ito.
They had almost been lovers. Almost.
“Sir?” untag ng sekretarya na nakalarawan ang pagtataka sa mukha.
“Y-yes. Tell him I’ll be there first thing in the morning.”
Maybe he needed some time off. Simula nang hawakan niya ang negosyo ng pamilya niya ay nawalan na siya ng panahon para sa sarili niya. All he did was work. Sa pagpapatakbo ng negosyo na nakasentro ang kanyang buhay.
Sa mga panahong para siyang mababliw sa pagkawala ni Clarissa ay napilitan siyang tanggapin ang alok ng kanyang ama na pamahalaan ang kanilang mga negosyo. Paraan niya iyon para matakasan ang masakit na katotohanang wala na nga si Clarissa sa buhay niya.
“Will that be all, Sir?”
“You’re free to go, Flor. Thank you.”
Nang mapag-isa ay sinimulan na rin niyang ayusin ang mga gamit. Marami siyang iuuwing office works. Pag-aaralan niya ang report ng iba't-ibang departamento ng kompanya. Kasalukuyan niyang isinisilid sa briefcase ang mga iyon nang mahagip ng kanyang tingin ang gazetter ng kompanya.
Hindi man lang niya iyon nabasa sa kabila ng ilang buwan na iyong lumabas. Ibabalik na sana niya iyon sa magazine rack ngunit naengganyo siyang buklatin iyon.
Karamihan sa artikulong nandoon ay tungkol sa foundation ng kompanya at sa mga organisasyon at orphange na tinutulungan nila. May larawan pa ng head ng foundation kasama ang isang bata na kandong nito. It was a stolen shot. Iiwan na sana niya ang pahinag iyon but his eyes were glued to the woman behind the subject of the photo.
Habang nakapako ang mga mata sa larawan ay nagsimulang bumundol ang kaba sa kanyang dibdib. Ang paghinga ay tila napakahirap sa kanya.
God, is this really true?
Pumikit siya upang siguruhing hindi siya namamalikmata ngunit sa muling pagdilat niya ay naroroon pa rin sa larawan ang mukha ng babaeng matagal niyang hinahanap.
Hindi siya dapat mag-aksaya ng panahon. Not even a second dahil kapag hinayaan pa niya ang oportunidad na iyon ay magiging katumbas iyon ng habang-buhay na pagdurusa.

MAGKAHALONG excitement, takot, at pangamba ang nararamdaman ni Clarissa habang nakatitig siya sa daungan kung saan papalapit ang sinasakyan nilang bangka. Isa iyong pamilyar na tanawin.
Kung tutuusin ay napakalapit lang naman ng bayan ng Socorro kung saan siya naninirahan sa bayan ng General Luna subalit hindi na niya sinubukang muling tumuntong sa lugar na iyon.
Kung bakit pa naman kasi kailangan pa silang papuntahin doon ng dakilang sponsor ng orphanage na pinaglilingkuran niya sa loob ng maraming taon. Si Mrs. Hernandez ang nagpatayo ng orphanage katulong ang asawa nitong American missionary. Nang mga panahong wala siyang tiyak na pupuntahan ay sa ampunan siya unang nagpunta. Minsan na rin kasi nilang nadalaw ni Karen ang ampunsng iyon noon.
Mula noon ay natali na ang buhay niya sa mga batang tinutulungan nila at sa mga responsibilidad na nakaatang sa balikat niya.
Pero bakit ba siya natatakot? Anumang agam-agam niya ay wala nang basehan. Baka nga siya na lang ang patuloy na kinikimkim sa puso ang mga alaalang pinilit niyang kalimutan.
“Rissa, hindi ka ba bababa?” pukaw ni Rowena sa atensyon niya. Isa ito sa mga kasamahan niya. Mula nang magpunta siya sa Socorro ay “Rissa” na ang ginamit niyang pangalan.
Napatingin siya sa loob ng bangka. Tanging siya na lang pala ang naiwan doon. Ang mga kasamahan niya at ang mga bata ay nasa daungan na. Nagmamadali niyang sininop ang backpack niya at kaagad na bumaba.
Sa isang exclusive resort sila inihatid ng sasakyang sumundo sa kanila.
“Mayaman talaga siguro 'yong donor natin,” bulong ni Rowena nang papasok na sila sa resort. Kibit-balikat lang ang naitugon niya dahil nang mga oras na iyon ay tila manhid ang pakiramdam niya dahil sa samu't-saring bagay. “Ang daming gwapo,” kinikilig na sabi nito habang nakatingin sa mga turistang paroo’t parito sa resort.
Naalala niyang tuwing Setyembre ang taunang surfing competition sa isla. Pang-ilang competition na ba iyon? Sixteenth? Seventeenth? Ah, hindi na niya alam at wala siyang planong alamin pa.
Hindi sinasadyang napalingon siya ss gawi ng karamihan.
“May hinahanap ka ba?” nagtatakang tanong nito.
“W-wala,” matipid na sagot niya, saka mabilis na humakbang palapit sa hanay ng mga bata.
ISANG THREE-BEDROOM beach house ang nakalaan para sa institusyon nina Clarissa courtesy of Mr. Amore na siyang sponsor ng event na iyon. Pagkatapos niyang maisaayos ang mga bata at ang mga gamit niya ay nagpasya siyang maglakad-lakad muna sa bahaging hindi masyadong matao.
A stroll won’t hurt.
Pero nagkamali siya. Ang makita ang pamilyar na kapaligiran ay naghatid sa kanya ng samu’t-saring damdamin. Hindi niya namalayang dinala na pala siya ng mga paa niya sa dakong madalas niyang tambayan roon.
Napapikit siya nang unang maramdaman ang pagdampi ng tubig sa binti niya. Malamig iyon na tila nanunuot sa bawat himaymay niya. Kasabay niyon ay ang pagragasa ng iba't ibang alaala sa isip niya.
Ang akala niya, sa nakalipas na panahon ay mawawala rin ang mga damdaming pinilit niyang ilibing sa limot subalit habang naroroon siya sa lugar na iyon ay kusang nanariwa ang lahat. Natuklasan niyang malaking bahagi ng pagkatao niya ang nangungulila sa lugar na ito. Bumuga siya ng hangin, kapagkuwan ay itinuon ang paningin sa malawak na karagatan. Ang mahabang buhok ay hinayaan lang niya na isayaw ng hangin.
Hindi niya namalayang ilang minuto na siyang nakatayo sa dalampasigan hanggang sa naramdaman niya na tila may mga matang nakamasid sa kanya. Lumingon siya upang alamin kung sino iyon pero si Rowena ang nakita niya.
“Hinahanap ka ni Mrs. Hernandez. Magsisimula na ang program.”
“Akala ko ba mamayang alas-tres pa iyon?” nagtatakang tanong niya. Gayunman ay tumalima siya at sumunod kay Rowena. Napaka-unpredictable naman pala ng Mr. Amore na iyon.
Sumunod ka na lang, bulong niya sa sarili.











Waves of Love(phr)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon