Kabanata 28: Bagsik ng kapangyarihan (2)

170 25 0
                                    

Kabanata 28: Bagsik ng kapangyarihan (2)

Virtus, Arcania

Nagsanib pwersa ang sinugo at bathaluman at sabay nilang sinugod si Medeus. Ang sinugo ay nagpaulan ng nagbabagang asul na apoy habang ang bathaluman naman ay naglabas ng mga orbit sa kaniyang tungkod. Walang kawala si Medeus sa mga opensang ito kaya't hindi siya naprotektahan ng kaniyang kapangyarihan.

Dito na muling gumawa ng malaking hawla ang dalawa upang muling ikulong si Medeus. Habang nasa gitna ng ritwal, napapantig ang tainga ni Lory nang makarinig siya ng malamig na boses. Sinundan niya ang tinig na iyon nang mapatapat ito sa imahe ng hindi niya inaasahang bulto.

"A-andreas?"

Wala siyang nakuhang salita ngunit isang pagsilay ng ngiti ang nakuha niya mula rito.

"Kailangan mo nang iligtas ang mga magulang mo, Lory. Matagumpay na nadala nina Henah ang katawang lupa nila dito sa Arcania. Tantiya ko ay kaya na ng bathaluman na muling ikulong ang kaniyang kapatid mula sa dati nitong pinaglalagyan. Kaya, bilis. Para sa buhay ng iyong mga mahal." Muling dinig ni Lory sa kaniyang isipan gamit ang boses ng dating sinugo.

Hindi nga siya nagkakamali nang sabihan siya ng bathaluman na kaya na niyang mag-isa ang paggawa ng hawla. Kaya naman, umalis na siya upang puntahan ang mga magulang na ngayo'y nasa panganib na. Muli niyang sinilayan ang kinaroroonan ni Andreas ngunit wala na itong naabutan.

Magkahalong kaba at takot ang namumutawi sa pakiramdam ni Lory dahil pakiwari niya'y siya ang dahilan at puno't dulo kung bakit nasa alanganin ang buhay ng kaniyang magulang.

Mag-iisang taon na nang huli niyang makita ang nanay Monica niya at tatay Bernardo. Habang iniisip niya ang masasayang ala-ala habang kapiling pa niya ang mga ito ay napahinto siya sa paglipad at hindi na napigilan ang bugso ng damdamin. Bumuhos ang kaniyang mga luha at naramdaman niya ang unti-unting pagkahina ng katawan. Tunay ngang ang mga mahal sa buhay ang kahinaan ng sinumang nilalang.

Naramdaman niya ang dalawang bruskong kamay ang humapit sa kaniyang katawan at ikinulong ito sa makikisig na bisig.

"G-george, nasa peligro ang mga magulang ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Pinanghihinaan ako ng loob sa tuwing naiisip ko na baka pinapahirapan na sila nina Henah. Hindi ko kaya iyon." Mahina niyang pagkakabanggit habang tuloy sa pag-iyak.

"Magiging ayos din ang lahat. Nandito lang ako para sa'yo. Tulong tayo para makuha natin sina tita at tito. Alam kong mas malakas ang taglay ng iyong kapangyarihan kaya naniniwala ako sa kakayahan mo. Huwag mong kakalimutan na ikaw ang sinugo. Malakas ka at matatag."

Siguro'y hindi na alam ni Lory ang sunod na gagawin kung wala sa tabihan niya ang kasintahan. Ang mga salita nito ay nagbibigay pag-asa sa kaniya upang makayanan ang mga pagsubok.

"S-salamat sa lahat, George. Siguro kung wala ka ay baka naglulupasay na ako dito sa kaiiyak."

Ngumisi ito at binigyan nito ng mabilisang halik.

"Para saan pa't ako ang naging nobyo mo? Kaya halika na't ililigtas pa natin ang buhay ng magiging nanay at tatay ko na rin."

Nanlambot ang puso ni Lory sa mga katagang iyon. Siya'y napangiti at tumango para sa susunod nilang hakbang---ang iligtas ang kaniyang magulang.

"Hindi kami papayag na kayo lang ang pumuntang Chateau..."

Napatingin sa likod ang dalawa nang mahagilap nila sina Prinsipe Judiel at Gabriel. Ngayon, alam ni Lory na hindi siya nag-iisa.

May kaunting kilig na tumutusok sa kaniyang puso dahil sa hinaba-haba ng pagtira niya sa Arcania, may tatlong makikisig na lalaki ang nabihag niya.

👹👹👹

Arcania: The Rebirth of Lory ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon